Ilang bayan sa Masbate ang nakapailalim ngayon sa mala-batas militar na paghahari ng 2nd IB. Noong hunyo 8, tinipon ng mga elemento ng 2nd IB ang mga upisyal ng barangay ng Centro, Simawa, Madao at San Jose sa bayan ng Uson upang ipataw ang planong pagsasailalim sa mala-batas militar ang nabanggit na mga barangay.
Ilan sa mga patakaran ng mga sundalo ang sumusunod:
- dapat may dalang ID ang mga pupunta sa kanilang sakahan at dapat naka-uwi na ng alas-5 ng hapon
- kung magluluto ng kopra na gugugol ng ilang araw, kailangan may dala silang kasulatan mula sa barangay kung saan nakasaad ang kanilang pangalan, kasarian, bilang at aktibidad
- dapat nakapaskil sa labas ng bahay ang pangalan ng mga residente at may pirma ng barangay;
- bawal ang pagbili ng maramihan o saku-sakong bigas.
Aktibo rin nagrerekluta ang mga sundalo ng mga residente parang maging myembro ng CAFGU, ahente paniktik at sundalo ng armi.
Walang kahihiyan pang hiniling ng mga sundalo sa mga upisyal ng barangay na alagaan at pakamahalin sila dahil malayo umano sila sa kanilang pamilya.
Ayon kay Luz del Mar, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan-Masbate (Jose Rapsing Command), layunin ng panggigipit ng mga militar sa mga residente ay upang alisan ng hadlang ang pagpasok na dayuhang kumpanyang Filminera-Masbate Gold Project.
“Matagal nang mariing tinututulan ng mga residente hindi lamang sa bayan ng Uson, kundi maging sa bayan ng Milagros at Mobo ang planong pagpapalawak ng operasyon ng Filminera sa kanilang bayan” saad ni Ka Luz.
Mula pa buwan ng Marso ay palagi nang nangangamba sa kanilang kaligtasan at kabuhayan ang mga residente ng mga barangay sa bayan ng Baleno at Masbate. Tulad ng sa bayan ng Uson, pinapailalim din sila sa mala-batas militar.
Ani Ka Luz, nakaayon sa atas ng rehimeng Marcos ang tahasang pagsasailalim sa mga barangay sa batas militar.
“Desperado si Marcos na mapadali ang pagdurog sa New People’s Army (NPA) at nagkukumahog nang maipokus sa “panlabas na banta” ang kaniyang sandatahang lakas dahil sa dikta ng amo nitong imperyalistang US.”
Nananawagan ang JRC – NPA Masbate sa lahat ng lokal na upisyal na manatiling tapat sa kanilang mandatong paglingkuran at pangalagaan ang kanilang mga nasasakupan. Nanawagan rin sila sa masang Masbatenyo na kumilos upang ilantad ang palalong plano ng rehimeng Marcos Jr at AFP na tahasang lumalabag sa karapatang pantao.
“Nasa kamay ng mamamayang nagkakaisang kumilos at nakikibaka ang pagtitiyak na mapanagot ang mga kriminal na militar. Higit sa lahat, masingil si Marcos Jr sa krimen niya sa mamamayan sa pagpapatupad ng di deklaradong batas militar sa kanayunan na nagbibigay pahintulot sa kanyang armadong pwersa na labagin ang karapatan at maghasik ng pasismo at terror sa mamamayan,” ani Ka Luz.