Kinundena ng Filipino Migrant Center (FMC) ang pinakabagong atake ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa komunidad ng mga imigrante sa Los Angeles at ang pakikipagsabwatan dito ng Los Angeles Police Department (LAPD) noong Hulyo 6. Tinawag ng FMC ang mga atake bilang pag-kidnap dahil sa arbitraryong panghuhuli ng mga awtoridad at sikretong pagkukulong sa mga hinuli.
“Ang pag-atake sa mga sanctuary state at ang pasistang pag-atake ng ICE at administrasyon ni Trump ay lumilikha ng takot sa mga komunidad at sa mga pamilyang manggagawa. Nakikiisa kami sa maraming imigranteng nawasak ang buhay at pamilya at patuloy na pinaghihiwalay [ng estado],” pahayag ng FMC.
Ang mga sanctuary state ay mga estado sa US na may limitadong pakikipagtulungan sa mga awtoridad sa imigrasyon. Layon nitong protektahan ang mga imigrante mula sa deportasyon. Labing-isa mula sa 50 na estado sa US ang nagdeklara ng sanctuary status, kabilang ang California kung saan bahagi ang Los Angeles.
Simula Hunyo 6, nagkaroon na ng apat na serye ng protesta laban sa iligal na mga pagdukot ng mga ahente ng ICE sa mga imigrante sa iba’t ibang bahagi ng Los Angeles. Tugon nila ito sa pagsalakay ng ICE sa dalawang tindahan ng mga damit, isang malaking tindanan ng mga materyal sa konstruksyon at sa labas ng federal detention center. Ang ilan sa mga lugar na ito ay tipunan ng mga imigrante na naghahanap ng trabaho.
Nakasuot ang mga ahente ng damit panggera o tactical gear na may bitbit na mga baril at riot shield sakay ng mga armored truck at mga sasakyan na walang marka. Kinilala lamang sila bilang mga ahente na mula sa Homeland Security Investigation (HSW), FBI at Bureau of Alcohol, Tobacco, Firearms and Explosives.
Daan-daang mga aktibista ang nagtipon sa mga lugar na nireyd ng mga ahente na nagresulta sa mga gitgitan at pagtatapon ng mga ahente ng flash bomb o bomba na nakasisilaw sa mga demonstrador.
Nasa 44 na indibidwal ang “administratively arrested.” Ang ganitong tipo ng sibil na pag-aresto ay ginagamit ng ICE upang idetine at kalaunan ay ipa-deport ang kanilang naaresto.
Samantala, kinasuhan ng obstruction o panghaharang si David Huerta, presidente ng unyon na Service Employees International Union (SEIU) sa California. Hinarangan ni Huerta ang daanan gamit ang kanyang kotse upang hindi makalusot ang mga ahente ng FBI na planong manghuli ng mga imigrante sa lugar.
Ang SEIU ay unyon na kinabibilangan ni Lewelyn Dixon, imigranteng Pilipino na kalalaya lamang mula sa North West Detention Center.
Maliban sa naganap na reyd, halos 200 imigrante ang iligal na idinetine ng ICE mula Hunyo 3 sa basement ng isang gusali sa Los Angeles. Matapos mag-ulat ng mga imigrante para sa kanilang “check-in” sa ICE sa naturang gusali ay agad silang idinetine at dinala sa basement. Ilan sa mga nadetine ay buu-buong mga pamilya, kabilang ang mga bata, na naghahanap ng asylum sa US.
Ang basement ay kaya lamang umokupa ng 30 katao. Ayon sa mga biktima, walang higaan sa mga kwarto sa basement at limitado ang akses nila sa tubig at pagkain. Idinetine sila ng mahigit 24 na oras sa walang malinaw na dahilan.
Nagpahayag ng galit sa mga insidenteng ito ang meyor ng Los Angeles.
Ang mga naganap na insidente ay bahagi ng pagpapaigting ng anti-mamamayang patakaran ng rehimeng Trump na pagpa-deport sa mga imigrante sa US.
Noong Hunyo 2, inanunsyo ng ICE na nakapag-aresto sila ng higit 2,200 na imigrante sa isang araw lamang, ito ang pinakamalaking pag-aresto na nagawa ng ahensya.
Tinatayang may hindi bababa sa 7,926 na Pilipinong imigrante ang nakatira sa Los Angeles, na pinakamalaking bilang sa buong California.
“Alam namin na marami sa ating nasa komunidad ang dumaranas ngayon ng matinding takot at walang katiyakan, ang ating lakas at pag-asa ay nasa ating sama-samang pagkilos. Nakikiisa kami sa inyo (mga imigrante) at makikibaka para sa mas matibay na mga proteksyon, pag-aaral at rekurso at mabigyan ng kapangyarihan ang ating komunidad,” pahayag ng FMC.
“Nanawagan kami…na patuloy na magkaisa at kumilos. Bilang bahagi ng Tanggol Migrante Nationwide Network, hinihikayat namin ang lahat ng mga Pilipino na sumama sa amin sa paglaban para protektahan ang ating mga kababayan,” panawagan ng grupo.