Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang BPO Industry Employees Network (BIEN) at galit ang Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon (Kalakon), sa ‘pabiro’ na porma ng pag-anunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kanilang Facebook page hinggil sa mga apdeyt sa bagyo. Tinawag naman ng mga ‘netizens’ o nagkukomento sa Facebook page ng ahensya na nakaiinsulto, manhid at walang propesyunalismo ang paraan nito ng pagbabalita.
Nitong mga nagdaang araw, nakaranas ang bansa ng walang tigil na pag-ulan at pagbaha dahil sa bagyong Crising, Dante at habagat na nagdulot ng malawakang dislokasyon, at pagkasira ng mga pananim. Noong Hulyo 21 nagsimulang magpaskil ang DILG, sa pamumumuno ni Jonvic Remulla, kalihim ng ahensya, ng mga mensahe na ‘pabiro’ ang paraan tulad ng “Lousy kami sa gobyerno kahapon. Dapat kagabi pa lang, inunahan na namin ang delubyo;” at “Para sa mga immortal na namamasukan, bahala na ang boss niyo. Sila ang nakakaalam ng kinakailangan ng hanap buhay.”
“Hindi pinapakita ng mga pahayag na ito ang bigat ng sitwasyon. Maraming buhay ang nasa panganib, nakalubog ang mga bahay at mga pamilyang napilitang lumikas. Ang magpatawa sa ganitong sitwasyon ay nagpapakita ng kawalan ng paki-alam at responsibilidad. Ang mga mensahe mula sa gubyerno ay dapat nagbibigay ng impormasyon at nagtataas ng moral hindi minamaliit ang panganib o tinatrato ang paghihirap ng iba bilang katuwaan,” ayon sa BIEN.
“Ang tono ng mga paskil na may mga ‘memes’, biro at tangkang magmukhang ‘relatable’ ay hindi lamang kawalan ng propesyunalismo kundi napakamanhid. Ang tawagin ang mga manggagawa na ‘imortal’ dahil pumapasok pa rin sila sa trabaho sa kabila ng bantang panganib ng mga baha at matinding pag-ulan ay nakakainsulto at hindi pagpupuri. Sila ay mga tao na kailangan gawin ang lahat para mabuhay. Karapat-dapat silang maging ligtas, respetuhin at hindi gawing katatawanan,” pahayag pa ng grupo.
Ayon sa Kalakon “handa silang (mangagawang kontraktwal) sumuong sa baha, sa peligro, makapagtrabaho lang. At habang ginagawa nila ito, ang mga nasa kapangyarihan ay naglalabas ng post na puno ng ‘pa-cute’, habang ang reyalidad ng mga kontraktwal ay tila wala sa radar ng pamahalaan.”
Sa halip na tumanggap ng puna o humingi ng dispensa sa mga nagpa-abot ng puna sa FB page ng DILG, naging depensib at manhid si Remulla. Aniya, “ang daming letga. Pasensya na, pero hindi na ako magbabago ng ugali. Kung ang biro ko ay di karapat-dapat para sa inyo, tandaan ninyong wala naman akong minura, minaliit, o hinamak. Wala rin akong binola o sinabing kasinungalingan. A little humor never hurt anyone.”
“Sa ngalan ng dignidad at karapatan ng manggagawang kontraktwal, mariin kaming nananawagan na huwag ninyong gawing biro ang buhay ng mga kontraktwal. Huwag ninyong gawing ‘content’ ang kanilang pagdurusa. Hindi nila kailangan ng ‘engagement post’—ang kailangn nila ay katarungan, regularisasyon at respeto,” pahayag ng Kalakon.
“Sa DILG: hindi kayo social media influencer, kayo ay lingkod bayan. Hinihiling namin na seryosohin nyo ang inyong tungkulin. Gamitin ninyo ang inyong plataporma para maghatid ng tama, napapanahon at respetableng impormasyon. Tigilan na ninyo ang pagmamaliit sa paghihirap ng mamamayan. Karapat dapat sa dignidad ang bawat Pilipino,” panawagan ng BIEN.











