Mga abusadong upisyal sa Tacloban City Jail Female Dormitory, pinatatanggal

Nagsampa ng pornal na reklamo ang grupong Altermidya Network noong Hulyo 16 laban sa warden ng Tacloban City Jail na si J/Insp Eva Naputo at kay SJ01 Dalmacio C. Canayog Jr., punong upisyal sa paniktik, sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) National Headquarters dahil sa mapang-abusong pagtrato sa mga bilanggo, partikular kina Frenchie Mae Cumpio at Mariel Domequil, mga bilanggong pulitikal.

Ayon sa reklamo, maraming beses na ipinabalam nang walang dahilan o hindi pinahihintulutan ni Naputo ang mga rekwes ng mga taga-midya o diplomatic community na bisitahin ang dalawa. Isa sa hindi pinahintulutang dumalawa si Dutch Deputy Ambassador Robert van der Hum noong Hunyo 26.

May mga insidente na walang ginawang aksyon si Naputo sa mga rekwes nila para sa check-up. Kamakailan lamang, hindi niya inaksyunan ang hiling ng pagpapatsek-ap para sa matinding pag-uubo ni Cumpio at pamamaga ng mata ni Domequil. Ilang linggo pa ang dumaan bago sila pinahintulutang magpatingin sa duktor, at sa pamamagitan ng online na konsultasyon. Hindi pa sila pinayagang direktang makapanayam at tanging ang nurse sa kulungan ang nakipag-usap sa doktor.

Wala rin ginagawang aksyon ang mga upisyal sa matagal na nilang mungkahing pagpapaayos sa sirang bubong ng dormitoryo. Ayon pa kay Naputo, ang mga PDL daw ang dapat gumastos para sa pagpapaayos nito.

Sa ilalim rin ng pamumuno ni Naputo, ang Tacloban City Jail Female Dormatory (TCJFD) lamang ang pasilidad sa rehiyon na walang regular na araw ng bisita para sa mga pamilya ng bilanggo. Nagbanta rin siyang na tatanggalin ang sistema na nagpapahintulot sa pagbisita ng mga hindi kamag-anak at sa mga mungkahi para sa mga esensyal na gamit tulad ng libro, gamit katawan at gamit kusina.

Hiwalay na reklamo ang isinampa laban sa pag-uutos ni Canayo na pagbawalan ibigay kina Cumpio at Domequil ang mga sulat na para sa kanila kung lagpas ang laman ng mga ito sa “karaniwang pagbati.” Hindi niya pinahinutulutan sina Cumpio at Domequil na tumulong sa pagtuturo sa ALS dahil sa ‘pangamba’ sa kung ano ang ituturo ng dalawa sa mga kapwa bilanggo. Liban dito, nanghihingi rin si Canayo ng mga kwestyunableng kontribusyon sa mga bilangggo para diumano sa pagpapaimprenta ng tarpolin at gastos sa pagkain sa dormitoryo.

Ilang beses rin nakikitang kumukuha ng litrato ng mga sulat at dokumento galing sa kanilang abugado ang mga upisyal sa kulungan, na direktang paglabag sa karapatan sa pribasiya at pribilehiyo ng relasyon abugado-kliyente. ugado.

“Naniniwala kami na ang ganitong kilos ay labag sa karapatan at dignidad ng mga indibidwal na nakakulong. Taliwas ito sa misyon ng BJMP na pangalagaan ang kagalingan ng mga PDL habang pinapangasiwaan ang ligtas at makataong pasilididad,” saad ni Raymund Villanueva, pambansang tagapangulo ng Altermidya, sa kanilang pormal na reklamo.

Nagpadala ng parehong reklamo ang grupo sa Commission on Human Rights (CHR).

Nagpahayag ng suporta sa paghahapag ng reklamo ang grupong Kapatid, organisasyon ng mga kamag-anak at kaibigan ng mga political prisoners, ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at ang Free Tacloban 5 Network.

Ayon sa NUJP, obligasyon ng gubyerno na tiyakin na ang karapatan at kagalingan nina Cumpio at Domequil habang nasa kustodiya sila para sa kanilang pagdinig. Dapat rin imbestigahan at managot ang mga upisyal.

“Hinihikayat namin ang BJMP na agarang imbestigahan ang mga paglabag sa karapatan at pribilehiyo ng mga PDL sa Tacloban City Jail. Nananawagan kami sa kapwa nagtataguyod ng karapatang-tao, alyado, kaibigan, taong simbahan at malawak na sambayanan na makiiisa sa pagtitiyak sa kaligtasan nila Cumpio at Domequil at sa lahat ng PDL sa TCJFD mula sa paghihiganti at higit na pagmaltrato,” pahayag ng Free Tacloban 5 Network.

Source link