Mensahe ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid sa Ika-45 Anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines

Andres Agtalon
Tagapagsalita ng PKM

Ipinagbubunyi ng rebolusyonaryong hanay ng Pilipinong magsasaka at manggagawang bukid sa malawak na kanayunan ng bansa ang ika-45 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines. Isang Pulang pagbati ang ipinaaabot ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid sa NDFP, at sa lahat ng magkakaalyadong organisasyon sa balangkas nito, sa patuloy na pag-ani ng mga tagumpay sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, sa kabila ng matinding kontrarebolusyonaryong atake ng kasalukuyang rehimeng US-Duterte at maging ng nagdaang papet at pasistang mga rehimen. Pinagpupugayan ng PKM gayundin ang di-matatawarang sakripisyo ng huwarang mga bayaning martir mula sa saligang rebolusyonaryong mga pwersa sa gitna ng buhay-at-kamatayang pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at pasismo.

Makabuluhang okasyon ang araw na ito upang muling pagtibayin ng PKM ang mga paninindigan ng NDFP sa dalawang-yugtong rebolusyong Pilipino, sa makauring pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas, at sa armadong pakikibaka na isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan. Patuloy na pinalalalim ng mga kasapi ng PKM ang kanilang pag-unawa sa 12-Puntong Programa ng NDFP at masikhay na nag-aambag sa pagpapatupad nito, kabilang at lalo na ang mga puntong kaugnay ng pagsusulong ng rebolusyong agraryo, pagtatayo ng mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika, at pagbubuo ng Pulang hukbo at sistema ng tanggulang bayan.

Ang nagpapatuloy na pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanayunan – na ibayo pang pinalulubha ng iba’t ibang kontra-mamamayan at maka-imperyalistang patakaran gaya ng bagong batas sa buwis na TRAIN, agresibong mga maniobra ni Duterte para sa charter change at huwad na pederalismo, walang-humpay na militarisasyon sa kanayunan, at ang martial law sa Mindanao – ay araw-araw na mga obhetibong salik na nagtutulak sa uring magsasaka na mulatin, organisahin at pakilusin ang sariling hanay para sa pakikibaka sa lupa, karapatan at buhay.

Sa pangunguna ng PKM, at sa patnubay ng Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa at ng antipyudal na linyang makauri, hakbang-hakbang na isinusulong ng rebolusyonaryong kilusang masa ng maralitang magsasaka, panggitnang magsasaka at manggagawang bukid, kasama ang kababaihan at kabataan ng kanayunan, ang mga kampanya at pakikibaka para sa minimum na layuning ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura, itaas ang sahod, labanan ang komersyanteng pagsasamantala, at iba pa, at sa maksimum na layunin ng libreng pamamahagi ng lupa.

Kasabay ng parehong minimum at maksimum na layunin, naglulunsad ang PKM ng iba’t ibang tipo ng kooperasyon sa produksyon gaya ng palitan ng paggawa, kolektibong bungkalan at iba pa, at pinagagana ang mga ganap na samahang masa nito bilang rebolusyonaryong kooperatiba. Pinatataas ng kooperatibisasyon ang produksyon sa sakahan at sa iba pang gawaing pang-ekonomya para sa kabuhayan ng mga komunidad at
sa pangangailangan ng digmang bayan. Nakapag-aambag gayundin ang sama-samang produksyon sa rebolusyonaryong kaisahan ng PKM at sa pagpapaunlad ng pandama at kaalaman nito sa panimula o batayang sosyalistang mga kaparaanan.

Ang mga tagumpay ng PKM sa rebolusyong agraryo ay nagsisilbing mayamang aral at inspirasyon sa ligal na kilusang magsasaka sa iba’t iba nitong pagkilos gaya ng militante at organisadong pag-okupa at pagbubungkal sa malalawak na lupaing hacienda at plantasyon ng mga panginoong maylupa at multinasyunal na agrokorporasyon, at sa iba pang antipyudal, antipasista at anti imperyalistang nitong pakikibaka. Ang panawagan ng PKM para sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal ay makalilikha ng isang makapangyarihang kilusang bayan na magbubuklod at magpapakilos sa pinakamalawak na hanay ng magsasaka at maralitang mamamayan para sa tunay na reporma sa lupa at sa bagong demokratikong rebolusyon.

Nagagalak ang PKM na, sa balangkas ng pagkakaisa at pagtutulungan ng magkakaalyadong organisasyon ng NDFP, patuloy na nakaaani ng malawak na suporta at tulong ang rebolusyonaryong kilusang magbubukid mula sa rebolusyonaryong kilusan ng manggagawa at maralita, at sa makabayan at demokratikong hanay ng petiburgesyang lungsod. Sa kabilang banda, makaasa ang iba’t ibang rebolusyonaryong organisasyon ng saligang mga pwersa na buung-buo rin ang pagsuporta ng PKM sa iba’t iba nilang pambansa-demokratikong adhikain.

Nais ding kilalanin ng PKM ang magiting, matalino, at matatag-sa-prinsipyong paggampan ng NDFP sa tungkulin nitong katawanin ang buong pambansa demokratikong kilusan sa usapang pangkapayapaan, lalo na sa paggigiit nito sa prinsipyo ng libreng pamamahagi ng lupa at iba pang maka-magsasaka at maka-mamamayang mga probisyon ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms o CASER.

Kasalukuyang tuluy-tuloy at sistematikong pinatitindi ng rehimeng US-Duterte, sa pamamagitan ng berdugo, mersenaryo at maka-imperyalistang AFP, ang brutal na pasistang panunupil at dahas sa kanayunan upang tangkaing gapiin ang mga pagsulong at tagumpay sa rebolusyong agraryo at digmang bayan ng PKM, Bagong Hukbong Bayan at Partido Komunista ng Pilipinas. Makaaasa ang NDFP at ang sambayanang nakikibaka na buo ang loob ng PKM na aktibong itong lalahok sa pagbigo sa hibang na pangarap ng rehimeng US-Duterte hanggang sa ito mismo ay mapatalsik.

Ibayong palalawakin at patatatagin ng PKM ang hanay nito mula sa antas baryo, munisipalidad, pataas, upang tuluy-tuloy na ilunsad ang rebolusyong agraryo at ang rebolusyonaryong kilusang kooperatiba. Ibayong magsisikap ang PKM sa tungkulin nito na magbigay ng iba’t ibang suporta sa Bagong Hukbong Bayan kabilang, lalo na, ang mas papalaking bilang ng mapasasampang bagong Pulang mandirigma, habang pinatatag ang mga yunit pananggol-sa-sarili sa mga baryo.

Sa ika-45 taon ng NDFP, gayundin sa panahong nananabik ang lahat ng rebolusyonaryong organisasyon at mamamayan sa ika-50 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, muling ipinahahayag ng PKM ang kahandaan nitong gawin ang lahat ng makakaya upang maisulong ang digmang bayan mula sa kasalukuyang estratehikong depensibang yugto tungong yugtong pagkakapatas. Walang duda, kaisa ng NDFP, Partido at Hukbo ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid sa pagmartsa ng sambayanan. Pasulong. Hanggang tagumpay!

Ipagbunyi ang ika-45 na taon ng NDFP!
Mabuhay Ang Lahat Ng Magkakaalyadong Rebolusyonaryong Organisasyon Ng NDFP!
Mabuhay Ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid!
Mabuhay ang ika-49 na taon ng Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay Ang Partido Komunista Ng Pilipinas At Ipagdiwang Ang Nalalapit Na Ika-50 Anibersaryo Nito!