Higit 1,000 katao ang lumahok sa martsa-protesta para sa katarungang pangkalikasan at maayos na pamahalaan sa Bacolod City noong Hunyo 27. Sama-samang kumilos sa aktibidad ang mga estudyante, mangingisda, aktibistang pangkalikasan, at taong-simbahan.
Kabilang sa mga pangunahing isyu na itinampok sa martsa ang banta ng pagkasira ng kalikasan at mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa bayan ng Candoni sa Negros Occidental dahil sa pagpasok ng plantasyong oil palm.
Binatikos rin nila ang pagpapahintulot ng komersyal na pangingisda sa 15-kilometrong municipal waters at pag-apruba ng Department of Environment ang Natural Resources sa pagmimina ng magnetite sa ilang bayan sa isla nang walang sapat na konsultasyon sa komunidad.
“Tayong mga kabataan, manindigan tayo‚ huwag nating hayaang masira ang ating mundo‚ huwag nating hayaang mabalewala tayo […] At isulong natin ang pagtutulungan at pakikinig ng gobyerno at ng mga taong nagbibigay sa kanila ng mandato‚” pahayag ni Joshua Hernaez‚ pangkalahatang kalihim ng Negrosanon Initiative for Climate and the Environment (NICE), isa sa mga kalahok na organisasyon.
Inihatid ng mga organisasyon ang isang People’s Environment Agenda sa Provincial Capitol, kung saan nagtapos ang kanilang martsa. Laman ng adyenda ang mga patakarang itinutulak ng mga grupo para sa bagong mauupong mga upisyal ng lokal na gubyerno.
Ayon kay Fr. Julius Espinosa, direktor ng Caritas Bacolod Social Action Foundation Inc, umaasa silang makinikig ang mga lider ng prubinsya sa hinaing ng mamamayan at ng kalikasan at tumugon dito nang may konsensya at tapang.
Sa isinagawa nilang martsa sa mga kalsada ng Bacolod City, umaasa ang mga grupo na mas marami pang kapwa nila Negrosanon ang maninindigan para sa kalikasan.