Marcos, mga upisyal militar at pulis, pinagkukomento ng Korte Suprema sa kaso ng pagdukot sa aktibista sa Albay

Kumatig ang Korte Suprema sa mga kaanak ng dinukot na aktibistang si James Jazmines sa isinampa nilang petisyon para sa writ of amparo at habeas data. Sa isang resolusyon na may petsang Mayo 6, na natanggap lamang ng mga abugado noong Hulyo 3, inatasan ng korte si Pres. Ferdinand Marcos Jr at kanyang mga upisyal militar at pulis na magsumite ng tugon sa isinampang mga petisyon.

Dagdag rito, nagbigay ng temporary protection order ang Korte Suprema sa asawa at malapit na pamilya ni Jazmines para protektahan sila mula sa posibleng paghihiganti at atake ng mga pinasasagot ng korte. Inatasan rin ng korte ang Court of Appeals na magsagawa ng mga pagdinig sa mga petisyon simula Hulyo 7 at magdesisyon kaugnay nito. Ang mga petisyon ay isinampa ng asawa ni Jazmines na si Corazon noong Nobyembre 2024.

“Panahon na para isagawa ang mga pagdinig sa mga petisyon ni Mrs. Jazmines,” ayon kay Atty. Maria Sol Taule, ikalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan. “Halos kalahating taon nang naghihintay ang pamilya Jazmines para sa resolusyon ng Korte Suprema hinggil sa usaping ito,” ayon pa sa kanya.

Ang writ of amparo ay isang ligal na remedyo para sa mga taong nilabag ang karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad o may banta ng labag sa batas na aksyon o kawalang aksyon ng pampublikong upisyal o empleyado, o ng pribadong inidibidwal o entidad.

Samantala, ang writ of habeas data naman ang magtutulak sa mga pwersa ng estado na isiwalat ang lahat ng impormasyon na hawak nito kaugnay ng mga dinukot.

“Magkahalo ang naging resulta ng mga petisyon para sa mga writ na katulad nito,” pagbababala ni Taule. Ibinigay niyang halimbawa ang pagtanggi ng Court of Appeals sa mga petisyon nina Jhed Tamano at Jonila Castro, kahit na malinaw ang ebidensiya ng pagdukot sa kanila ng mga pwersa ng estado.

Sa kaso ng mga dinukot na aktibistang sina Elgene Mungcal at Elena Pampoza, kinatigan ang petisyon ng kanilang mga kaanak at binigyan sila ng pansamantalang proteksyon ngunit nagatuloy pa rin ang panghaharas ng mga pulis at militar sa kanilang mga pamilya. “Gagyunman, kaisa kami ng mga pamilya nina Salaveria at Jazmines sa taimtim na pag-asa na maglalabas ang mga hukuman ng mga desisyong maghahatid sa paglitaw ng kanilang mga nawawalang mahal sa buhay,” ayon kay Taule.

Si James Jazminse ay dinampot ng mga ahente ng estado noong Agosto 23, 2024 sa Tabaco City, Albay. Nagsilbi siyang propagandista ng Kilusang Mayo Uno noong 1988 hanggang 1992, at sa kanyang kabataan ay naging patnugot ng Commitment, ang pahayagan ng League of Filipino Students. Tumayo rin siyang executive director ng Amado V. Hernandez Resource Center. Mula kalagitnaan ng dekada 2000, naging tagapayo siya sa mga usaping information technology at dito na nagtrabaho.

Dinukot rin noong buwang iyon, Agosto 28, 2024, ang 66-anyos na si Felix Salaveria Jr na aktibong kasapi ng Cycling Advocates (CYCAD). Si Salaveria ay madalas na kasama ni Jazmines sa kanyang pagbibisikleta.

Source link