Mapangwasak na pagmimina, kriminal na itinutulak ng rehimeng Marcos

Sa gitna ng mga trahedyang dala ng malalakas na bagyo, hangin at pag-ulan, nakangangalit ang patuloy na pagtutulak ng rehimeng Marcos sa mga patakarang neoliberal na mapangwasak sa kalikasan at nagdudulot ng pinsala sa mamamayan. Noong Oktubre 17, habang lubog sa baha ang maraming bahagi ng bansa at nagbabadya ang mas mapanalanta pang sakuna, isinagawa ng Chamber of Mining of the Philippines, katuwang ang mga upisyal ng rehimeng Marcos, ang isang kumperensya para pag-ibayuhin ang mapagwasak na pagmimina sa bansa.

Kakoro ng mga kumpanya sa pagmimina, itinutulak ni Marcos ang kongreso na bilisan ang pagpasa ng panukalang nag-aamyenda sa batas sa pagmimina. Inilulusot ang panukalang ito sa tabing ng pagdagdag ng buwis sa sektor at paghahabol ng mga bentahe sa demand para sa mga “kritikal na mineral” para sa mga sistema ng “sustenableng enerhiya” sa pandaigdigang pamilihan. Ang totoo, pangunahing layunin nito na luwagan ang mga rekisito sa pangangalaga sa kalikasan at mga komunidad para patuloy na engganyuhin ang pagpasok ng dayuhang kapitalista.

Noon pang 1995 lubos na ibinuyangyang ang yaman ng Pilipinas nang pahintulutan ng Philippine Mining Act ang 100% pag-aari ng mga dayuhang kapitalista sa mga operasyong pagmimina sa bansa. Tatlong dekada nang nagsalit-salitan ang mga dambuhalang kumpanya sa pagmimina ng US, Australia, Canada, Japan at kamakailan ng China, sa pagkalbo ng kagubatan at pagbubutas ng mga bundok sa bansa.

Milyun-milyong ektarya na ang kanilang winasak na kalupaan at kagubatan, kasabwat ang lokal na malalaking burges at burukratang kapitalista. Halos lahat o 97% ng namimina ay inilalabas sa bansa para iproseso at hindi napakikinabangan ng lokal na ekonomya. Noong 2021, umabot sa $5.2 bilyon ang halaga ng mineral na ineksport, pangunahin tanso, ginto at nickel. Sa kabila nito, wala pang 1% ang kontribusyon ng pagmimina sa lokal na produksyon, at nananatiling kabilang sa pinakahikahos ang mga komunidad kung saan naroon ang pinakamalalaking minahan.

Noong Abril 2023, iniutos ni Marcos na “pasimplehin” ang proseso ang pagkuha ng mga permit para makapagmina. Kabilang sa nagbenepisyo sa kautusang ito ang Sagittarius Mines, Inc, Philex Mining Corporation, St Augustine Gold & Copper Ltd, RTG Mining at IDM International—mga kumpanyang humaharap sa maraming reklamo mula sa mga tagapagtanggol ng kalikasan, taong-simbahan at mamamayan sa mga komunidad na sinasalanta ng kanilang mga operasyon.

Kasunod nito ang pagpirma ni Marcos sa isang kasunduan sa US para higit pang palawakin ang pagmimina ng nickel, isang “kritikal na mineral” sa paggawa ng mga baterya para sa mga sasakyang pinatatakbo ng kuryente o e-vehicle. Isinasagawa ang paghuhukay ng mineral na ito sa pamamaraang open pit, na isa sa pinakamapangwasak sa kagubatan at mga bundok. Pinakamalalaki sa mga ito ang mga minahan sa Surigao del Norte (Taganito) at Palawan (Rio Tuba) na parehong pagmamay-ari ng Nickel Asia Corporation ng pamilyang Zamora, at sa Sibuyan Island ng Altai Mining Philippines Inc na pagmamay-ari naman ng pamilyang Gatchalian. Binigyan ng permit ang mga kumpanyang nagmimina ng nickel kahit sa mga lugar na protektado ng batas, kabilang ang watershed areas o imbakan ng tubig. Malaon nang malaking pinagkukunan ng mga kapitalistang bansa ang Pilipinas ng nickel (pangalawa, kasunod sa Indonesia), at marami nang sakuna ang idinulot ng pamimina nito sa bansa.

Hindi kagulat-gulat na todo-todong itinutulak ni Marcos ang “pagpapanibagong sigla” ng pagmimina. Maraming kumpanyang sangkot sa pagbubukas ng bagong mga minahan ay pagmamay-ari ng mga Romualdez, kabilang ang pinsan niyang si House Speaker Martin Romualdez. Ilan lamang dito ang Benguet Mining Corporation, Bright Kindle Resoucres at Marcventures Holdings Inc na pawang nakapailalim sa RYM Business Management Corporation. Ang mga kumpanyang ito ay may malalawak na operasyon sa buong bansa. Ang Benguet Corporation pa lamang ay may mga minahan sa Benguet, Zambales, Zamboanga del Sur at Bataan. Nakaamba itong magmina sa 12 coal block (katumbas ng 12,000 ektarya) sa Andap Valley Complex sa Mindanao. Ang Marcventures ay mga operasyon sa Leyte at nakaambang magbukas ng mina sa Samar na sasaklaw ng 10,000 ektaryang kagubatan at mga lupang pang-agrikultura. Ito rin ang kumpanya sa likod ng malawakang trahedyang Marcopper sa Marinduque noong 1993 at 1996.