Nangangalap ng pirma ang mga residente ng Barangay San Roque, Bulusan, Sorsogon upang tutulan ang planong pagkwari sa kanilang barangay. Anito, walang naganap na tunay na konsultasyon sa mga residente hinggil sa proyekto at magkakaroon ng malaking epekto ang pagkwari sa kanilang kapaligiran.
Noong Marso 11, 2024 naglabas ang Sangguniang Barangay ng San Roque ng resolusyong nagsasabing walang oposisyon (Resolution no.9 Series of 2024 o Resolution interposing no objection) sa aplikasyon ng Siating Construction and Development Corporation (SCAD Corporation). Batay ito sa konsultasyon sa mga residente noong Marso 1, 2024 kung saan sinang-ayunan diumano ng mga residente ang proyekto. Dahil dito, binigyan ng sanggunian ng special permit ang kumpanya para sa kanilang operasyong kwari sa baryo.
Batay sa resolusyon, idineklarang “quarry zone” ang hilagang bahagi ng barangay San Roque. Target na ikwari o kumuha ng graba at buhangin sa Purok Iraya, sa tabi ng Bulusan Volcano Natural Park (BVNP) kung saan ay malapit ang pinanggagalingan ng inuming tubig ng mga residente.
“Ang katotohanan ay ayaw na ayaw ng mga taga San Roque ang ano mang quarry project na planong isagawa sa aming barangay dahilan sa epekto nito sa ating kapaligiran,” nakasaad sa petisyon ng mga residente.
Anila, hindi alam ng mga residente kung dumaan sa masusing pag-aaral at tamang proseso ang naturang proyekto Wala rin Environmental Compliance Certificate ang kumpanya kaya’t hanggang sa ngayon ay di pa rin natutuloy ang pagkukwari.
“Ang aming pagtutol sa proyekto ay pagpapakita ng pagkilala sa karapatan ng mga susunod pang henerasyi0n na matamasa din ang malusog at maayos na kapaligiran,” paliwanag ng mga residente ng barangay San Roque.