Mahigpit na tanganan ang sandata, iwagayway ang bandilang Pula

Elias Almazan | Political Officer | Cagayan Valley Regional Operational Command (Fortunato Camus Command) | New People’s Army

Walang pag-iimbot na niyayakap ng Bagong Hukbong Bayan-Cagayan Valley ang hirap, sakripisyo at pagpapakasakit na kakambal ng taos-pusong paglilingkod sa sambayanan upang mapalaya ang uring api at pinagsasamantalahan mula sa kuko ng imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Sa diwa ng kilusang pagwawasto at pagdiriwang sa ika-56 anibersaryo ng BHB, taimtim na binabalik-aralan ng mga Pulang kumander at mandirigma ang mga batayang prinsipyo ng pambansa demokratikong rebolusyon at Marxista-Leninista-Maoista linya ng Partido. Nagbalik-aral ang mga kasama sa mga paglalagom ng rehiyon upang matalinong paghalawan ng aral ang naging kamalian, kahinaan at pansamantalang pag-atras, at kung paano ito maitutuwid. Mapagkumbabang tinatanggap at kinikilala ng BHB-CV ang mga pagkakamaling ito. Kasama ang malawak na masa ng rehiyon, higit na mas determinado at optimistiko ang hukbo na muling makapagpanibagong-lakas.

Sa kabila ng kampanya ng teroristang pagtugis at pagdurog ng 5th ID sa BHB-CV, nananatiling malalim na nakaugat at namumukadkad ang hukbong bayan sa malawak na masa ng Lambak Cagayan. Hinahanap at lipos sa tuwa ang mga magsasaka at pambansang minorya, kapwa yaong mga bago at binabalikang pwersa, sa tuwing makakadaupampalad ang hukbo. Batid nilang ang Pulang hukbo, ang tunay na hukbo ng mahihirap, ang tunay na nagsusulong ng kanilang mga karapatan lalo na sa karapatan sa lupa at lupang ninuno.

Ang rebolusyong agraryo bilang susing kawing sa kanayunan ang pangunahing bitbit ng BHB-CV sa pagpapalawak at pagkokonsolida ng base, dahilan kung bakit patuloy na nakakairal ang hukbo sa kabila ng walang puknat na mga nakapukos na operasyong militar ng 5th ID. Buong tapang na sinamahan ng masa ang kanilang hukbo sa gutom at kahirapan, sa pagtawid sa mga rumaragasang ilog at pag-akyat sa matatarik na bundok ng Sierra Madre, sa pagtuklas ng mga bagong ruta patungo sa mga sityo at baryo na bagong pinagpapalawakan o nirerekober, sa paglipat sa bagong tipak, sa pag-ugnay sa bagong masa, sa pag-iwas sa kubkob ng kaaway, at pagpapalitaw ng makakain at suplay. Ang di masasaid na kabayanihang ito ng hukbo at masa ang nagpapawalang saysay sa mga abanteng kagamitan ng kaaway, sa mas malaki nilang armadong pwersa at buong bigat na panunupil ng estado.

Ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso at pagpapakulong sa mga magsasakang naggigiit sa kanilang karapatan sa lupa; pagbabawal na maghanap ng ikabubuhay sa kagubatan; lumalalang kahirapan at kapabayaan ng gubyerno sa harap ng mga sakuna at kalamidad; at malaganap na pangangakam ng lupa at pagpapalayas ng E-NGP, proyektong ekoturismo, at agresyong ‘pangkaunlaran’ sa mga pambansang minorya sa kanilang mga lupang ninuno, ang matabang lupa ng digmang bayan sa rehiyon. Ang unti-unting pagpatay sa kanilang kabuhayan, na unti-unting pumapatay sa kanila sa gutom ay kailanman hindi masasagot ng pamumudmod ng kapirasong ayuda o pakitang-taong pagtulong sa mga “serbisyo karaban” ng militar at estado. Ang katotohanang ito ang materyal na kundisyon bakit hindi nagagapi at magagapi ang hukbong bayan.

Isinusuka ng mga mamamayan ng Lambak ang sistemang malapyudal at malakolonyal na malaon nang nagsasamantala at nang-aalipin sa kanila. Nanghihinawa sila sa kalagayang pinagkakaitan sila ng reaksyunaryong gobyerno ng kanilang mga karapatan, umiigkas sila sa paghahanapng solusyon. Sa pamamagitan ng walang kapagurang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng hukbo, at sa katumpakan ng programa ng pambansa demokratikong rebolusyon, nauunawan nilang dapat baguhin ang mundo, ibagsak ang mapang-aping sistema, at itayo ang lipunang tunay na kumikilala sa kanilang mga karapatan. At tanging ang paghawak ng sandata at pagsuporta sa Bagong Hukbong Bayan ang daan sa pagkakamit nito.

Dahil sa sumasahol na sosyo-ekonomyang kalagayan, nangingibaw mula sa takot at panlalamig ang dating mga nasindak ng kaaway. Napagtanto nilang hindi dapat magpadaig sa takot at panghinaan ng loob. Bagkus, matatag na tumindig dahil makatwiran ang paglulunsad ng makatarungang digma.

Sa malakas na pamumuno ng Partido at sa mayamang karanasan ng rebolusyonaryong kilusan sa Cagayan Valley humuhugot ng lakas ang BHB-CV. Walang lugar ang panlulumo. Ang katapangan ng masa at mahigpit na pagkakaisa ng hukbo at mamamayan ang di maaapulang apoy sa puso’t diwa ng mga kasama. Patuloy itong magliliyab ng optimismo at kadakilaan, na kalakalat sa mga bukirin at kaparangan ng Lambak Cagayan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Pambansa-Demokratikong Rebolusyon!

The post Mahigpit na tanganan ang sandata, iwagayway ang bandilang Pula appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.