Ang Bayan Editoryal
Sa panahon ng brutal na panunupil, hinihingi sa buong bayan na ibayong magpakatatag, ipunin ang lahat ng tapang at puspusang lumaban. Mahigpit na panghawakan ang mga kahilingan para sa tunay na pagbabago para wakasan ang kaapihan at kahirapan.
Walang-lubay ang pag-abuso sa kapangyarihan ng rehimeng Duterte. Ginagamit niya ang militar at pulis at ang absolutong kapangyarihan sa ilalim ng di deklaradong batas militar. Ito ay sa anyo ng Executive Order 70, Memorandum Order 32 at lantarang paghaharing militar sa Mindanao. Kaliwa’t kanan ang pamamaslang at pagyurak sa mga demokratikong karapatan.
Nitong Oktubre 31, sabay-sabay na inaresto sa Bacolod at Escalante sa Negros ang 57 aktibista at lider-masang manggagawa, magsasaka, kababaihan at taong-midya. Ito na ang pinakamalalang kaso sa isinasagawang crackdown o malawakang panggigipit sa buong bansa. Halos kasabay nito, lima ding lider masa ang inaresto sa Kamaynilaan, habang isang lider anakpawis ang pinaslang sa Laguna. Hindi bababa ngayon sa 266 ang pinaslang, habang mahigit 545 ang bilanggong pulitikal.
Target ng malawakang panggigipit ang mga demokratikong organisasyon dahil sa militanteng pagtataguyod ng mga ito sa interes ng masa. Nakaamba sa buong bansa ang banta ng pag-aresto at pagpaslang, laluna sa mga lider-masa, mga susing upisyal at organisador ng mga samahang makamasa.
Walang ibang pakay ang mga pamamaslang at terorismo ng estado kundi ang itarak ang takot sa dibdib ng taumbayan. Hangad ni Duterte ang “katahimikan.” Tahimik sa kanya kung walang bumabatikos sa mababang sweldo at sahod. Walang kumokontra sa kontraktwalisasyon. Walang nagrereklamo sa pang-aagaw ng lupa, pabigat na upa at usura. Walang tumututol sa pagtatayo ng mapaminsalang mga dam, mga mina, proyektong pang-imprastruktura at panturismo at paglawak ng mga plantasyon sa kapinsalaan ng mga magsasaka’t katutubo. Walang humihiyaw sa harap ng pagsirit ng presyo at kawalang trabaho. Walang nag-iingay laban sa korapsyon at krimen ng pulis at militar.
Katahimikan ang layunin ni Duterte para sa malalaking burgesyang komprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Katahimikan para sa tuluy-tuloy na pagkamal ng yaman, pagpiga sa dugo’t pawis ng mga manggagawa at mga magsasaka, pagdambong sa kabang-yaman, pagwasak sa kalikasan at pagsuko sa mga dayuhan ng kasarinlan ng bansa. Nais ni Duterte na manahimik ang lahat sa harap ng kanyang pakana na panatilihin ang sarili sa kapangyarihan. Ayaw niya na may alingasngas maging sa kanyang lumulubhang kundisyong pangkalusugan.
Hindi dapat pumayag ang bayan na maghari ang takot at mapatahimik ang lahat. Dapat magpunyagi ang lahat sa landas ng pakikibaka. Huwag pahintulutang tuluyang maghari ang takot, terorismo at tiraniya. Buklurin ang pinakamalawak na hanay ng mamamayan para ipaglaban ang demokrasya. Likhain ang nakayayanig na ingay ng sabay-sabay na pagsigaw ng bayan.
Dapat magpunyagi ang lahat sa pagtatanggol at paggamit ng kanilang mga karapatan sa pag-oorganisa at pamamahayag. Dapat nilang papanagutin si Duterte at ang kanyang mga armadong kampon sa pang-aabuso sa batas at pag-apak sa kalayaan, maging yaong ginagarantiyahan ng konstitusyong 1987 ng reaksyunaryong gubyerno.
Sa kasalukuyan, mayroon pang puwang para sa ligal na pakikibaka, kahit pa unti-unti itong pinakikitid ng pasismo ng estado. Dapat ipursige ng lahat ng mga demokratikong organisasyong makamasa ang kanilang katayuang ligal. Dapat puspusang isulong ang pakikibaka ng iba’t ibang sektor para sa kanilang kagalingan: umento sa sahod, pagbasura sa liberalisasyon sa importasyon ng bigas, tunay na reporma sa lupa, subsidyo sa edukasyon, kalusugang pampubliko at iba pang serbisyong panlipunan, ayuda sa mga sinalanta at iba pa.
Habang nagpupunyagi sa pakikibakang ligal, dapat magpakahusay ang mga lider-masa, mga upisyal at organisador sa mga pamamaraang lihim upang biguin ang kaaway sa kampanya nito ng mga pagpatay at pagkukulong. Matutong magsikreto sa araw-araw na pagkilos upang manatiling bulag at bingi ang kaaway. Maging mapanlikha sa mga paraan ng pag-ugnay, pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa taumbayan. Ang malawak na masa ang magsisilbing makapal nilang gubat ng proteksyon at suporta.
Sadyang mahirap at puno ng sakripisyo ang kalagayan ng mga lider masa at aktibista na sinusupil ng tiranikong rehimen. Dapat silang humalaw ng inspirasyon at tapang sa masa at sa kanilang minimithing katarungan at hinahangad na kalayaan. Sa kabilang panig, dapat silang maging huwaran ng tapang at pagpupunyagi.
Ang kampanya ng todong panunupil ng rehimeng US-Duterte ay tiyak na mabibigo. Habang lalo itong pinatitindi, lalong dumarami ang napupukaw at gustong sumapi sa mga organisasyong makamasa at lumahok sa mga demokratikong pakikibaka. Pinangingibabawan ang takot ng kapasyahang labanan at wakasan ang brutal, traydor, korap at kriminal na rehimen.
Laging nakahandang kanlungin ang lahat ng tinutugis ng pasistang rehimen sa loob ng mga sona at baseng gerilya sa piling ng masang magsasaka at sa ilalim ng demokratikong kapangyarihan ng bayan. Nakahanda ang lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na ibigay sa kanila ang kailangan nilang proteksyon.
Dahil sa panunupil ng pasistang estado, patuloy na dumarami ang gustong sumapi sa BHB at lumahok sa armadong pakikibaka. Dapat magpursige ang BHB sa pagpapaigting ng digmang bayan. Ang matatagumpay na mga taktikal na opensiba ay nagbibigay ng lakas ng loob sa bayan dahil alam nilang mayroon silang tunay na hukbong masasandigan.