Lumalaking banta ng gera at pasismo ang dala ni Trump

Sa muling pag-upo ni Donald Trump sa imperyalistang trono bilang ika-47 presidente ng United States dala niya ang banta ng lalong malalaking gera sa iba’t ibang panig ng mundo, kaakibat ng lalong pagbulusok ng kabuhayan ng mamamayang Amerikano at ng lumalakas na pagbaling sa pasismo ng reaksyunaryong estado ng US.

Nang unang maupo sa kapangyarihan noong 2016-2020, naging bantog si Trump sa kanyang mga patakaran at hakbanging ultra-Kanan, rasista, pasista, kontra-demokratiko, kontra-imigrasyon, kontra-kababaihan, kontra-LGBT at ultra-nasyunalista. Nakabalik siya sa kapangyarihan sa nagdaang eleksyon, matapos ang apat na taon sa ilalim ng partidong Democrat ng labis na pagkasiphayo ng mamamayang Amerikano sa nagpapatuloy na krisis sa ekonomya at palaki nang palaking apoy ng mga gerang inuudyok ng US.

Tulad sa nakaraan, sinakyan ni Trump ang mga hinaing ng karaniwang mamamayan sa nagtataasang presyo, mababang sahod at kasakiman sa tubo ng malalaking korporasyon. Subalit sa katapusan, sinilaban ang poot sa “kriminal” na imigrasyon at mga minorya na “umaagaw sa trabaho,” sumisira sa “kaugaliang Amerikano,” pati na laban sa mga palaboy, mga nagdodroga, at mga nagpuprotesta. Tinutulak ng mga upisyal at alyado ni Trump ang Project 2025, isang masaklaw na sagadsaring reaksyunaryong programang magpapatupad ng malawakang deportasyon, pagbuwag sa Department of Education at iba’t ibang ahensya ng gubyerno, pagkaltas ng buwis sa mga korporasyon, pagkait ng karapatan ng kababaihan sa aborsyon at iba pa.

Nilalabusaw ni Trump ang na ugat ng krisis ng sistemang kapitalista sa US upang tabunan ang katotohanang kinakatawan niya ang interes ng mga monopolyo kapitalistang nabubundat sa mga insentibo, pagkaltas ng buwis at pagbigay ng subsidyong galing sa bulsa ng mamamayang Amerikano. Sa unang termino ni Trump, kumamkam ng supertubo ang malalaking korporasyong Amerikano sa pinansya, komersyo, langis, paggawa ng kotse, mga armas, gamot, mga kagamitang elektroniko at iba pa.

Nagdidilang-ahas si Trump sa pag-aastang “kaibigan ng Russia” at pagsabing “tatapusin sa isang araw” ang gera sa Ukraine, gayong ang katotohanan ay siya mismo ang nagtulak na palakihin ang ayudang militar noon para sa Ukraine, upang itutok ang mga misayl at iba pang armas ng US sa Russia. Sa ilalim ni Trump ay ipinataw niya ang mga patakarang panggigipit sa ekonomya kontra Russia. Siya rin ang noo’y pumunit ng kasunduan ng US at Russia para sa paglimita ng dami at lakas ng mga armas nukleyar, upang bigyanglaya ang US na muling ibwelo ang produksyon ng mga ito.

Buladas ang mga pahayag ni Trump na nais niyang “tapusin na ang karahasan” sa Gaza at Lebanon, gayong ang katotohanan ay lubus-lubos niyang sinusuportahan ang Zionistang Israel at armadong pagpuntirya sa Iran. Noong 2018, ipinag-utos niya at personal na pinasinayaan ang paglipat ng embahada ng US sa Jerusalem, syudad na iginigiit ng mga Palestino na kapitolyo ng kanilang bansa. Ang balak na hirangin ni Trump na kalihim sa panlabas na ugnayan ay kilalang anatikong Zionista at kontra sa Iran.

Sa pagbabalik sa poder ni Trump, inaasahan ang lalong pagsidhi ng hidwaan ng US sa China. Pangako ni Trump na itataas nang tatlong ulit pa ang mga taripa sa mga inaangkat na produktong Chinese (na lumaki nang mahigit dalawang ulit mula 2020) at ganap na paghinto ng pag-aangkat ng mga produkto ng China pagsapit ng 2028. “Malakas na paghiganti” ang banta ni Trump sa mga bansang “bumebentahe” sa kalakalan sa US. Harapang banta ito sa China, at nagtataas ng posibilidad ng tuwirang armadong komprontasyon sa China sa hinaharap. Maaalalang sa ilalim ni Trump unang binuo ang Operation Pacific Eagle-Phiippines na nakatuon sa pagpapalakas ng presensya ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas, kaakibat ng patakarang “pivot to Asia” ng US.

Ang mga deklarasyon ni Trump na titiyakin niyang ang pwersang militar ng US ang “pinakamalakas at pinakanakamamatay” ay alinsunod sa tulak ng US na udyukin, paypayan o tuwirang kasangkutan ang mga gera sa iba’t ibang panig ng mundo. Desperado ang US na lalong palawakin ang saklaw ng imperyo nito, na unti-unting naaagnas sa gitna ng hindi malutas-lutas na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Hangad ng US na kontrolin o agawin sa kanyang mga karibal ang mga pamilihan at pinagkukunan ng langis, mahahalagang mineral at iba pang rekursong kailangang sa produksyon. Nakatuon ngayon ang US sa mga gera sa Eastern Europe at Middle East, at tuluy-tuloy na pinaiinit ang sitwasyon sa Asia sa pamamagitan ng pagpapalaki ng presensya nito sa South China Sea at Pacific Ocean, at sinusulsulan ang mga alyado nito sa NATO at Japan na palakasin ang presensyang nabal sa mga naturang karagatan.

Sa kasalukuyan, ang imperyalismong US ang pangunahing pinagmumulan ng banta ng pagsiklab ng mas malalaking gera sa iba’t ibang panig ng mundo. Tumitindi nang tumitindi ang pang-aapi nito sa mga mamamayang naghahangad ng pambansang paglaya, ang panggigipit at panghihimasok nito sa mga bansang nagtatanggol ng kasarinlan, at ang pang-uupat nito ng gera para paluhurin ang mga imperyalistang karibal nito at itaguyod ang sarili bilang natatanging superpower sa buong mundo. Lahat ng kontradiksyong ito ay tiyak na sisidhi pa sa mga darating na taon sa pagtulak ni Trump ng hegemonya ng imperyalistang US.

Nararapat lamang na magbuklod ang mga mamamayan ng buong daigdig, kaisa ng mamamayang Amerikano, sa isang nagkakaisang prente laban sa imperyalismong US at sa mga pabigat na patakaran nito sa ekonomya at kalakalan, sa panghihimasok at agresyong militar at sa pang-uupat nito ng gera sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa partikular, dapat militanteng labanan ng sambayanang Pilipino ang imperyalismong US at sa paggamit nito sa Pilipinas bilang malaking base militar at lunsaran ng gera. Dapat ubos-kayang labanan ng sambayanan ang pang-uudyok nito ng armadong sigalot sa South China Sea at ang pagkaladkad sa Pilipinas sa pakikipaggirian nito sa China. Dapat todong ilantad at batikusin ang papet na rehimeng Marcos sa pangangayupapa nito sa imperyalismong US.

Higit kailanman sa kasaysayan, dapat ngayong buuin ang malawak na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino, at suungin ang lahat ng larangan ng paglaban upang kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya.