Kinutya ng grupong Piston ang ipinatupad na rolbak ng mga kumpanya ng langis noong Agosto 12 na ₱1.50/litro sa gasolina at ₱0.40/litro sa diesel. Tinawag nila itong “barya-barya” sa harap ng napakataas nang presyo ng mga produktong petrolyo.
“Sa halip na ikatuwa, dapat pang ikagalit ng mga tsuper, operator, at mamamayan ang napakaliit na pagbaba na ito,” pahayag ng grupo.
Sa kalkulasyon ng Piston, tumaas na nang ₱21.80/L ang gasolina at ₱21.15/L ang diesel mula Enero 2024. Para sa isang ordinaryong tsuper, katumbas na nito ang ₱635 kada araw, o ₱15,862.50 kada buwan na nawawalang kita. Halos kapantay na nito ang minimum wage sa National Capital Region, anito.
Sa kabilang banda, limpak-limpak ang kinikita ng mga kumpanya ng langis na magkakasabay na nagtataas ng presyo tuwing Martes sa kung anu-anong dahilan. Sa unang anim na buwan pa lamang ng taon, tumabo na ang Petron, ang pinakamalaking kumpanya ng langis na pag-aari ni Ramon Ang, ng ₱5.3 bilyong piso. Walang anumang hakbang na ginawa ang rehimeng Marcos para sawatain ang masasamang epekto ng mataas na presyo ng langis ayon sa Piston.











