Lider-magsasaka sa Quezon, nakalaya matapos ang 4 na taong pagkakakulong

Inianunsyo ng grupo sa karapatang-tao na Tanggol Quezon ang paglaya noong Hunyo 11 ng bilanggong pulitikal na si Arvin Borromeo, lider-magsasaka at tapagasalita ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM)-Quezon. Nakalabas siya ng kulungan matapos ibasura ng korte sa Catanauan, Quezon ang kaso laban sa kanya.

Inaresto at ikinulong ng mga pwersa ng estado si Borromeo noong Mayo 2021 sa Barangay San Pablo Suha, Catanauan. Sinampahan siya ng kasong illegal possession of firearms (RA 10591) and explosives (RA 9516) na karaniwang ikinakaso ng estado para matagalang ikulong ang mga aktibista.

Ayon kay Paul Tagle, tagapagsalita ng Tanggol Quezon, nagsasampa ang estado ng ganitong mga kaso para magtanim ng takot sa dibdib ng mamamayan. “Pero sa halip, inilalantad lamang nito ang desperasyon ng isang gubyernong kumakapit sa panunupil,” aniya.

“Ngayong ibinasura na ang gawa-gawang kaso laban sa akin, pinatutunayan lamang nito kung gaano kasahol at desperado ang estado na patahimikin kami sa aming mga ipinaglalaban,” pahayag ni Borromeo.

Samantala, iniulat rin ng Tanggol Quezon ang pagbasura ng korte sa prubinsya sa mga kasong kriminal na isinampa laban sa mga organisador ng magsasaka na sina Lieshel Mendoza at Liezel Merchales. Anito, ibinasura ang mga kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 dahil sa kawalan ng sapat na batayan.

“Ang mga tagumpay na ito ay hindi mga lamang ligal na panalo. Ito ay mga hakbang ng paglaban sa isang estado na sistematikong ginagamit ang batas bilang sandata upang supilin ang lehitimong pagtutol,” pahayag ni Tagle.

Nanawagan ang Tanggol Quezon sa rehimeng Marcos na palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal at ibasura ang mga gawa-gawang kaso laban sa mga lider-magsasaka at tagapagtanggol ng karapatang-tao. Hinimok din nila ang iba’t ibang sektor sa Quezon na suportahan ang pakikibaka ng mga komunidad laban sa matagalang militarisasyon sa South Quezon-Bondoc Peninsula.

Source link