Nakalabas ng kulungan sa Butuan City si Antonieta Setias-Dizon, lider-kawani at unyonista, noong Hulyo 2 makalipas ang halos anim na taong pagkakakulong. Pansamantala siyang nakalaya matapos magpyansa sa apat sa nalalabing kasong isinampa laban sa kanya mga pwersa ng estado. Higit 17 mga kaso ang kabuuang isinampa sa kanya at 13 dito ay naibasura na.
Si Setias-Dizon ay inaresto ng mga pulis noong Setyembre 18, 2019 sa kanyang bahay sa San Pedro, Laguna batay sa pinalalabas na nakumpiskang baril, pampasabog at subersibong mga dokumento sa kanyang bahay. Pinaratangan siyang sangkot sa kaso ng pagpaslang sa Bayugan, Agusan del Sur. Matapos ang mga kaso sa Laguna, inilipat siya ng kulungan sa Agusan del Norte.
Dating upisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at isa sa pinakamatagal na organisador ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) si Setias-Dizon. Matapos magretiro sa OWWA, nagpatuloy siya sa pag-oorganisa sa hanay ng mga kawani ng gubyerno sa iba’t ibang ahensya.
Dahil dito, naging target siya ng panggigipit ng nagdaang mga rehimen. Noong 2015, una siyang nakaranas ng pagmamanman at pandarahas kaya natulak siyang magsangtwaryo sa upisina ng Integrated Bar of the Philippines at kasunod na nagsampa ng petisyon para writ of amparo at haebas data sa Korte Suprema. Sa kabila ng mga ligal na hakbang na ito, naging target siya ng pag-aresto nong 2019.
Sa paglabas sa kulungan, sinundo si Setias-Dizon ni Ferdinand Gaite, dating tagapangulo ng Courage at dating kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso, at ng mga nag-asikaso ng kanyang papeles. Nagpasalamat sila sa mga abugado, mga kasama ni Setias-Dizon na dating empleyado ng OWWA, sa mga kasapi ng Courage at iba pang unyon, laluna sa pamilya ng biktima sa kanilang suporta at katatagan sa nagdaang halos anim na taon.
“Pero hindi pa nagtatapos dito ang ating paglaban. Marami pang mga kasong didinggin,” ayon kay Gaite. Aniya, magpapatuloy ang kanilang pagsuporta kay Setias-Dizon hanggang sa maibasura ang lahat ng mga kasong kinahaharap niya.
Samantala, nagpahayag din ng suporta ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) sa pansamantalang kalayaan ni Setias-Dizon. Anang grupo, inilantad ng paglaya ni Setias-Dizon ang modus operandi ng militar at gubyerno ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso at pagtatanim ng mga ebidensya laban sa mga aktibista para ikulong sila at pigilan ang kanilang aktibismo.
Sa kasalukuyan, mayroong 22 bilanggong pulitikal na mula sa kilusang paggawa ang ilang taon nang nakapiit. Binatikos ng CTHUR ang rehimeng Marcos at nanawagang tugunan ang kalagayan ng mga bilanggong pulitikal. “Ang inhustys na kanilang dinaranas ay dapat wakasan sa kanilang kalayaan at pagbasura sa mga gawa-gawang kaso laban sa kanila,” ayon sa CTUHR.