LGBT+, lumahok sa pambansa demokratikong rebolusyon—Makibaka

Sa pagdiriwang sa Pride 2025 ngayong Hunyo, nagpahayag ng pakikiisa at pagpupugay ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) sa mga myembro ng komunidad ng LGBT+. Nanawagan ang rebolusyonaryong grupo na isanib ang kilusang LGBT+ sa pakikibaka para sa panlipunan at pambansang paglaya ng mamamayang Pilipino mula sa kontrol ng imperyalismong US.

“[T]anging sa pakikipagkaisa at direktang paglahok sa pambansa demokratikong rebolusyon, tunay at tuluyang mahahawan ang landas para sa ganap na paglaya ng LGBT+ kasama ang mamamayang api’t pinagsasamantalahan,” pahayag ng Makibaka.

Sa ganitong diwa, ipinaabot ng rebolusyonaryong grupo ang kanilang “bahagharing pagkilala at mapulang pagsaludo” sa mga rebolusyonaryong martir mula sa hanay ng LGBT+ na nagsilbing mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Kabilang dito sina Wanda Gumban (Ka Waquin), Kevin Castro (Ka Facio), Jo Lapira (Ka Ella), Ciela Pacaldo (Ka Alena), Kal Peralta (Ka Rekka), Queenie Daraman (Ka Kira), at Dee Supelanas (Ka Dahlia).

Pinarangalan din ng Makibaka ang iba pang kasamang LGBT+ na nag-alay ng lakas, talino, katapangan at buhay para sa masa at naglingkod sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain.

Tuwing Hunyo, ipinagdiriwang ang buwan ng Pride bilang paggunita sa Stonewall Riots na naganap sa Greenwich Village, New York City noong Hunyo 28, 1969. Sa Pilipinas at Asia, naisagawa ang makasaysayan at kauna-unahang Pride March na tinaguriang Stonewall Manila noong June 26, 1994 na inilunsad sa Quezon city sa pangunguna ng Progressive Organization of Gays in the Philippines (Pro Gay), katuwang ang Metropolitan Community Church (MCC).

“Iginuhit ang makasaysayang Pride noong 1994 para iwagayway ang tindig ng mga Pilipinong LGBT laban sa lahat ng diskriminasyon at pang-aapi,” ayon sa Makibaka. Itinampok sa martsa ang paglaban ng LGBT sa diskriminasyon at pagtindig sa pahirap na Value Added Tax (VAT), pagtaas ng presyo ng langis at bilihin at sa paglalantad ng mga anti-mamamayang polisiya ng noo’y Rehimeng US-Ramos.

Katulad ng pinagmulan nitong kasaysayan, ipinahayag ng Makibaka, na ang Pride March ngayong 2025 ay hindi pwedeng magpikit-mata sa patuloy na lumalalang pandaigdigang krisis at nagaganap na mga digmaan na nagdudulot ng matinding kahirapan at pighati sa mamamayan ng buong mundo. Pinatutungkulan ng grupo ang henosidyong digmang pinapangunahan ng imperyalistang US sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Ang diwa ng Stonewall Riot ay kailangang buhayin—ang diwa nga mapanlabang kilusan ng LGBTQ+ upang wakasan ang dominasyon ng imperyalistang bansa sa mga maliliit na bansa, upang wakasan ang pagsasamatala sa uring anakpawis, at upang wakasan ang pang-aapi at diskriminasyon sa LGBTQ+ sa buong mundo,” paninindigan ng Makibaka.

Source link