Laban para sa holiday pay ng mga manggagawa ng Jollibee sa US, may parsyal na tagumpay

Noong Abril nakatanggap ng abiso ang mga manggagawa ng Jollibee sa US na itataas ang kanilang sahod na katumbas ng isa at kalahating araw para sa mga okasyon na Thankgiving, Christmas at New Year. Sa pahayag ng Migrante-USA na inilabas noong Hulyo 3, sinabi nitong bunga ang parsyal na tagumpay sa tuluy-tuloy na paglaban ng mga manggagawa at mga taga-suporta para sa karapatan sa sahod, benepisyo at maayos na kundisyon sa paggawa.

Gayunpaman, malayo pa ang nakamit sa panawagan para sa dobleng sahod sa lahat ng 14 na federal holiday sa US. Dadag rito, tahasang sinaad sa abiso na hindi kabilang sa makakatanggap ng benepisyo ang mga manggagawa na myembro ng unyon sa Jollibee Journal Square sa New Jersey. Malinaw ang tangka ng kumpanya na pigilan ang mga manggagawa na magbuo ng unyon,

Matatandaan noong 2023 ay tinanggal ng Jollibee Food Corporation (JFC) sa trabaho ang siyam na manggagawa nang mapag-alaman ng maneydsment na nagpakana sila ng petisyon para sa $3 na dagdag- sahod, dobleng sahod tuwing may okasyon at maayos na kundisyon sa paggawa. Nagtagumpay sila sa kanilang reklamo sa National Labor Relations Board (NLRB) ng US at inutusan ang Honeybee Food Corporation, ang kumpanya ng JFC sa North America, na ibalik ang kanilang hindi natanggap na sahod, ibalik sa trabaho ang apat na manggagawa, at humingi ng paumanhin sa mga itinanggal sa trabaho,

Muling nanawagan ang mga manggagawa ng Jollibee at mga sumusuporta sa kanilang laban noong Enero at Mayo ng 2024 para sa panawagan na dobleng bayad tuwing may okasyon sa restawran ng Jollibee Wheaton sa Maryland.

Ayon sa Migrante USA, ang yaman ng JFC at paglawak nito sa North America ay nagmula sa lakas paggawa ng mga migranteng Pilipino at kanilang pamilya.

“Iginigiit namin na may kakayahan ang JFC na tugunan ang panawagan ng mga manggagawa para sa dobleng pasahod sa lahat ng 14 na okasyon. Ngunit sadyang ganid ang kumpanya sa pagkamal ng yaman na pinagkakaitan nito ang mga mangagawa sa dapat nilang nakukuha.”

“Habang nagdiriwang tayo sa ating tagumpay, patuloy kaming mananawagan para sa karapatan sa trabaho ng mga manggagawa ng Jollibee sa Wheaton. Hinihikayat namin lahat ng manggagawa ng Jollibee na ipagpatuloy ang laban para sa pagpapabuti ng inyong kabuhayan at kundisyon sa paggawa at labanan ang kawalan ng hustisya,” panawagan ng grupo

Kasalukuyang mayroong 104 na restawran ng Jollibee sa North America at plano pa nitong magtayo ng dagdag na 350 restawran sa susunod na mga taon. Noong 2024, umabot na sa 9,766 ang mga tindahan ng JFC sa buong mundo. Nagtala ito ng $180 milyong netong kita noong 2024. Ang may ari nito na si Tony Tan Caktiong at kanyang pamilya, ang ika-6 na pinakamayamang burgesya kumprador sa Pilipinas.

Source link