Sa harap ng tumitinding krisis sa ekonomya at malawakang pagwasak sa kabuhayan ng masang anakpawis, patuloy na tumitindig ang mga manggagawa at maralitang-lunsod. Lumalaban sila sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga piket, welga, tigil-pasada at barikadang bayan.
Welga sa Kawasaki. Nagwelga ang 140 manggagawa ng Kawasaki Motors Phils. Corporation (KMPC) sa pangunguna ng Kawasaki United Labor Union noong Mayo 21 dahil sa hindi pag-usad ng negosasyon sa collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng pamunuan at unyon. Nakatirik ang piketlayn ng unyon sa harap ng hedkwarters ng kumpanya sa Muntinlupa City. Nananawagan sila ng nakabubuhay na sahod, makatarungang benepisyo at pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa.
Laban ng mga drayber sa Lucena City. Halos dalawang buwan nang nakawelga ang mga drayber at manggagawa ng FOC Transportation Corporation sa terminal nito sa Barangay Comon, Infanta, Quezon. Ang mga bus ay bumabyahe sa rutang Infanta-Lucena City. Ipinutok ang welga dahil sa pagkakait sa makatarungang separation pay at hindi pagharap ng kumpanya sa negosasyon. Sa halip na tugunan ang hinaing ng mga manggagawa, sinampahan ng kasong grave coercion at illegal strike ang mga manggagawa ng kumpanya at organisador ng pederasyon ng unyon.
₱1,200 nakabubuhay na sahod. Nagpiket ang mga manggagawa mula sa National Capital Region (NCR) sa pangunguna ng Unity for Wage Increase Now sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR kasabay ng pagsasampa ng petisyon para sa ₱1,200 nakabubuhay na sahod noong Mayo 22. Itinaon nila ang pagkilos at pagsumite sa ipinatawag na konsultasyon sa sahod ng RTWPB NCR.
Noong Hunyo 2, nagpiket ang mga manggagawa sa harap ng Kongreso para igiit ang pagpasa ng panukalang ₱200 dagdag-sahod para sa lahat ng manggagawa sa pambansang saklaw. Dalawang araw makalipas nito, ipinasa ng Kongreso ang naturang panukala sa ikatlong pagdinig. Anila, bagaman napakalayo pa rin ng dagdag na ₱200 sa ₱1,200 na nakabubuhay na sahod, dapat na itong kagyat na maaprubahan at pirmahan ni Ferdinand Marcos Jr.
NCAP at jeepney phaseout, ibasura. Noong Hunyo 2, nagkaraban ang Stop NCAP Coaltion sa mga mayor na daan sa Metro Manila at nagtipon sa harap ng upisina ng MMDA sa EDSA-Ortigas para ipabasura ang No-Contact Apprehension Policy (NCAP). Ayon sa koalisyon, ang NCAP ay iligal, kontra-mahirap, at hindi dumaan sa tamang proseso. Una nang kinwestyon ng mga eksperto sa batas at grupo sa karapatang-tao ang patakaran, laluna kaugnay sa batayang pang-konstitusyon at mga proseso nito.
Nagtigil-pasada at nagprotesta ang mga tsuper at opereytor ng dyip sa Panay at Negros para ipabasura ang Public Transportation Modernization Program (PTMP) at Local Public Transport Route Plan (LPTRP) noong Hunyo 5 at Mayo 30. Bahagi ito ng linggo ng protesta na inilunsad ng Piston mula Hunyo 2 hanggang Hunyo 6.
Barikada sa Mayhaligue, Tondo. Nabigo ng pagkakaisa at barikada ng mga residente ng Mayhaligue Street sa Barangay 262 at 264 sa Zone 24, Tondo, Manila ang demolisyon na inilunsad ng mga pwersa ng estado noong Mayo 26. Apat ang iligal na inaresto ng mga pulis sa komprontasyon. Mahigit 400 na pamilya o halos 2,000 indibidwal ang mawawalan ng tahanan sa planong demolisyon at pang-aangkin ng kumpanyang 2288 Ethan Realty Corporation. Pansamantalang ipinatigil ng isang korte sa Maynila ang demolisyon kasunod ng pagkatig sa petisyon para sa temporary restraining order (TRO) noong Mayo 27.
Demolisyon sa Davao City. Hindi bababa sa 400 pamilya ang napalayas sa isinagawang demolisyon ng 500-kataong pwersa na kinabibilangan ng 300 pulis, sa Upper Arroyo, Barangay Matina Crossing, Davao City noong Mayo 23. Umabot sa 80 bahay ang giniba sa demolisyon kung saan apektado ang 60 matatanda at hindi bababa sa 200 bata. Isang atas ng korte ang ginamit para isagawa ang demolisyon ngunit para lamang ito sa pitong kabahayan sa naturang distrito. Pansamantalang napatigil ang demolisyon sa bisa ng TRO na nakuha ng mga residente noong Mayo 24.