Kundenahin ang Pekeng tigil-putukan ng AFP-PNP-CAFGU at mga patuloy na paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng pandemic COVID-19!

Ka Cleo del Mundo
Tagapagsalita
Apolonio Mendoza Command
Lalawigan ng Quezon

Mariing kinukundena ng Apolonio Mendoza Command NPA-Quezon ang hindi pagtupad ng AFP sa kanilang tigil putukan na nagresulta ng isang labanan kanina sa pagitan ng alas-3 hanggang alas-4 ng hapon sa bayan ng Gumaca. 

Tuloy-tuloy din ang paglabag sa karapatang pantao at hindi maampat na mga operasyong militar sa buong lalawigan dalawang linggo matapos na magdeklara ang AFP ng kanyang unilateral ceasefire noong Marso 16. 

Sa ilalim ng JCP-Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte, patuloy na naghahatid ng karahasan ang mga berdugong militar ng 85th IB, 1st IB at 59th IB sa ilalim ng 2nd ID sa buong lalawigan. Sinasamantala ng AFP-PNP-CAFGU ang lockdown at Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa mga kanayunan ng Catanauan, Macalelon, Lopez, General Luna, Agdangan, Atimonan, Unisan, Padre Burgos, Plaridel, Mulanay, San Francisco, Mauban at Sampaloc upang ikasa ang kanilang mga atake sa NPA at tangkaing durugin ang rebolusyonaryong base sa mga nasabing bayan.

Patunay dito ang karanasan ng isang magsasaka sa bayan ng Macalelon nang tutukan siya ng baril ng mga di unipormadong sundalo ng 85th IB habang siya ay naghahatid ng bigas sa taumbaryo na nakisuyo sa kanya noong unang linggo ng pagpapatupad ng lockdown. 

Ipinatawag naman ng mga sundalo ang 6 na magsasaka, ilang araw matapos ang isang labanan sa pagitan ng NPA at AFP noong Marso 15, sa Brgy. San Vicente Kanluran at hanggang sa kasalukuyan ay nananatili ang mga nagpapanggap na NPA kasabay ng operasyong militar na sumasaklaw sa mga baryo ng San Vicente Silangan, San Vicente Kanluran, Tagabas Silangan sa bayan ng Catanauan; at Magsaysay, Malaya, Villarica, at Recto bayan ng General Luna. 

Sa bayan ng Sampaloc at Mauban, ilang ulit na binabalik-balikan ng mga sundalong nagpapanggap na NPA na naniningil umano ng buwis ang mga baryo ng Caldong, Bilucao, Remedios Uno, Remedios Dos at Abu-abo ng mga naturang bayan.

Sa bayan ng Atimonan, Agdangan, Unisan, at Plaridel, gumamit ng drone at hindi tinatantanan ng mga nag-ooperasyong militar ang mga baranggay ng San Jose Balatok, Lubi, San Rafael, Matan-ag, Manggalayan Bundok, Manggalayan Labak, Dayap, Socorro, Bonifacio, Rizal Ilaya, Rizal Ibaba, Mairok Ilaya at Ilosong sa ikalawang linggo ng lockdown sa lalawigan. 

Hindi bumababa sa laking kumpanyang sundalo at pulis ang ginagamit sa bawat baryo na saklaw ng focused military operations.

Buladas at hindi sinsero ang reaksyunaryong militar sa kanilang sariling tigil putukan. Lantaran ang mga operasyong militar para maging instrumento ng rehimen na kontrolin ang mamamayan sa tabing ng pagharap ng bansa sa pandemic COVID-19. 

Walang kahihiyang ginagamit ng militar ang E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program para linlangin ang mamamayan at ituring silang surrender na NPA. Isinisingit ng sundalo sa mga passes o mga babasahing may kaugnayan sa COVID-19 ang kanilang itim na propaganda sa rebolusyonaryong kilusan.

Gayunpaman, hindi magtatagumpay ang mga pakana ng rehimen sa kanilang imbing layuning wasakin ang rebolusyonaryong kilusan. Magpapatunay lamang ang mga paglabag na nabanggit na ang pasistang sundalo at pulis ni Duterte ang tunay na terorista. Sila ay katulad ng nakamamatay na sakit na patuloy na nagpapahirap sa ating bayan.#