Humigit-kumulang 1,000 magsasaka, mangingisda, manggagawang bukid at maggagapak mula sa unang distrito ng Batangas ang dumalo sa isinagawang piket-dayalogo sa Department of Agriculture (DA)-Calabarzon noong Hunyo 18, sa Balayan Government Center, Balayan, Batangas. Nagkaisa silang kalampagin ang lokal na gubyerno para ibigay na ang kumpensasyong pangkalamidad at pondong pangsakuna para makatulong sa kanilang kabuhayan.
Pinamunuan ang aktibidad ng Alyansa ng mga Magsasaka para sa Kumpensasyon (AMK) at Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (Sugar)-Batangas. Ang pagdalo ng daan-daang anakpawis dito ay tugon sa pagsasantabi ng DA noong Hunyo 11 sa hiling na pormal na dayalogo para ihapag ang kanilang kahingian.
Ayon sa AMK, ito ang kauna-unahang pagkakataon na hinarap sila ng mga upisyal ng DA sa rehiyon para sa isang dayalogo. Walong buwan na ang nakalipas mula nang una nilang ipanawagan ang kumpensasyon at pondong pangsakuna matapos hambalusin ng Bagong Kristine ang Batangas noong Oktubre 2024.
Bago ang dayalogo, tatlong beses na nagtungo ang mga grupo mula sa Batangas sa DA Central Office sa Quezon City para mangalampag at magpiket. Pagdidiin nila, malinaw sa kanila na hindi kabutihang-loob ng DA ang kamakailang pagharap sa kanila kundi bunga ng kanilang sama-samang pagkilos.
Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) noong Marso, tinatayang ₱1.1 bilyon ang nakatakdang danyos sa agrikultura para sa higit 9,000 magsasaka sa Batangas dulot ng mga kalamidad. Umabot sa ₱20,000 hanggang ₱200,000 ang danyos kada magsasaka.
Reklamo nila, mayroong pondo para tulungan ang mga mamamayan ngunit hindi ito inilalabas ng guyberno. Sa nakalap na impormasyon ng mga samahan, umaabot sa ₱283.23 milyon ang hindi nagamit na pera mula sa pondong pangsakuna ng gubyerno ng Batangas para sa 2022 at 2023.
Sa dayalogo, iginiit ng AMK at Sugar-Batangas na agad ipamahagi ang sapat na kumpensasyon. Hiniling din nilang magbigay ang kagawaran ng malinaw na impormasyon sa mga programang ipinatupad nito para tulungan ang mga apektado ng Bagyong Kristine.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), noong 2024 ay mayroong inilaan ang rehimeng Marcos na ₱88.26 bilyon para sa pondo ng kumpensasyon na pangkalamidad at pangsakuna.
“Nalulunod ang mga magsasaka natin sa pagkalugi dahil sa bagyo, pagbaha at sobra-sobrang importasyon, habang ang pondo ng gubyerno para sa kanila ay hindi ibinibigay,” ayon kay Danilo Ramos (Ka Daning), tagapangulo ng KMP.
Nagbabala si Ka Daning na maaaring dumanas ng higit pang paghihirap at pagkawasak sa kabuhayan ang mga taga-Batangas sa darating na mga buwan laluna at panahon na naman ng Habagat.