Laksa-laksang kabataan at mamamayan ang humugos sa lansangan sa nagdaang dalawang linggo para malawakang kundenahin ang kaliwa’t kanang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ipinanawagan nila ang pagpapanagot at pagpapakulong sa lahat ng mga dawit sa katiwalian laluna sa mga proyektong flood control.
Naging tampok ang pagkilos ng puu-puong libo sa Luneta Park sa Maynila ngayong Setyembre 21 sa pangunguna ng mga grupo ng kabataan, alyansang TAMA NA (Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance), at ng Bagong Alyansang Makabayan. Binaha ng mga tao ang Luneta para igiit na “TAMA NA! Itigil ang kurakot! Lahat ng sangkot, dapat managot!”
Dumalo sa protesta ang mga manggagawa, magsasaka, maralitang-lunsod, taong-simbahan, kababaihan, guro, propesyunal at iba pang sektor.
Grupu-grupong dumalo ang mga siklista, rapper, rider, drag queen at iba pang grupong unang lalahok sa isang protesta. Nagsalita sa programa ang mga kinatawan ng progresibong partido, lider-masa, pari, at mga biktima ng baha at sakuna.
“Pinatutunayan [ng mga nalalantad na katiwalian] ang hagupit ng burukratang kapitalismo kung saan ginagamit ng mga pulitiko ang kanilang pusisyon at impluwensya…para palakihin ang kanilang kayamanan at kapangyarihan,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan.
Itinuro nila si Ferdinand Marcos Jr bilang prinsipal na may pananagutan sa kahindik-hindik na korapsyon sa mga proyektong flood control. Binatikos ng grupo ang tusong pagmamaang-maangan ni Marcos sa korapsyon gayong siya ang nagpanukala, pumirma at nagpatupad sa pambansang badyet. Tutungo ang Bayan sa Mendiola para singilin si Marcos.
Kasabay nito, dapat rin umanong panagutin si Sara Duterte at Rodrigo Duterte sa paglulustay sa confidential and intelligence funds, sa Pharmally scam, at iba pang korapsyon. Bahagi sila ng sistematikong korapsyon sa bansa.
Liban sa Luneta at Mendiola, isinagawa rin ang pagkilos sa EDSA People Power Monument sa Metro Manila.
Sa iba pang bahagi bansa, isinagawa ang mga demonstrasyon at aktibidad sa Ilocos Norte, La Union, Pangasinan, Benguet, Cagayan, Isabela, Pampanga, Bulacan, Oriental at Occidental Mindoro, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Negros Occidental at Oriental, Iloilo, Capiz, Antique, Aklan, Bohol, Cebu, Eastern Samar, Leyte, Misamis Oriental, Davao del Sur, at South Cotabato.
Malapad na kilusang protesta
Bago ang pagsasama-sama sa Luneta at EDSA, naging matingkad na ang malawak na partisipasyon ng mga kabataan at iba pang demokratikong sektor para tuligsain ang korapsyon. Iba’t ibang malikhaing porma ng protesta ang isinagawa sa buong Pilipinas.
Kabilang sa mga pagkilos na ito ang mga walkout at boykot sa klase sa nagdaang linggo ng higit 16,000 mga estudyante, guro at kawani sa University of the Philippines sa Los Baños (7,000), Diliman (5,000), Baguio (1,800), Cebu (1,000), Manila (600), Mindanao (600), Pampanga (200), Visayas (200), at Tacloban (120). Nagsagawa rin ng mga piket at demonstrasyon sa higit 40 mga pampubliko at pribadong unibersidad, kabilang ang pinakamalalaki sa bansa sa Ateneo de Manila University (2,000), Saint Louis Universirty (1,000), Cavite State University (400), Bulacan State University, Tarlac State University, Bicol University, Mindoro State Unversity, Visayas State University, Mindanao State University-GenSan, Xavier University at mga eskwelahan sa ilalim ng One Taft Alliance.
Halos araw-araw ang piket ng mga pambansa at lokal na grupo sa Metro Manila kabilang sa Quezon City, Maynila, Navotas City, Caloocan City, Muntinlupa City, Taguig City at Marikina City. Sa buu-buong bayan, tulad sa Hagonoy, Bulacan, dumagsa ang mga residente sa lansangan para kundenahin ang palpak na pagtugon sa baha na halos buong taon nang di humuhupa. Kumilos rin ang 6,000 residente ng Pampanga kontra korapsyon. Nagkasa rin ng ilang araw na tigil-pasada ang mga grupo sa transportasyon. Binigyang hugis rin ang labis na galit ng mamamayan sa pagsugod at pagbato ng putik at pintura sa mga upisina ng ahensya ng gubyerno at kontratistang sangkot sa korapsyon.
Sa hindi baba sa 16 na unyon sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno, naglunsad ng protesta tuwing lunch break at uwian ang mga unyon sa Nexperia Phils, PUP Janitors, Philfoods Fresh-Baked Products, Pambato Cargo Forwarders, Daiwa Seiko Philippines Corp at marami pang iba. Sigaw nila: Marcos, kumander-in-thief panagutin! Kabi-kabila rin ang kalampagan at pagpapabatingaw ng mga kampana ng simbahan, sama-samang pananalangin, pagtitirik ng kandila, pagsasabit at pagdidikit ng mga balatengga at poster, paggawa ng mga kanta at rap, sayaw-protesta at zumba, fun run at iba pang tipo ng pagkilos.
Naghugis rin ang pagkundena sa katiwalian sa biglaang pagkabuo sa iba’t ibang antas ng mga ugnayan, alyansa at samahan. Malinaw ang mensahe ng kilusang protesta: paniningil at pananagutan.










