Kaso laban sa lider-kawani at unyonista sa Rizal, ibinasura

Ibinasura ng Regional Trial Court Branch 139 sa Antipolo City ang kasong illegal possession of firearms and ammunition na isinampa ng mga pwersa ng estado laban sa lider-kawani at unyonistang si Eugene Eugenio. Binati ng Karapatan-Rizal ang tagumpay na ito at pinasalamatan ang pamilya at mga tagasuporta ng biktima sa pakikiisa sa panwagan laban sa gawa-gawang kaso.

Si Eugenio ay inaresto ng mga pwersa ng estado noong Marso 7, 2021, sa araw na binasagan na ngayong Bloody Sunday dahil sa sabay-sabay at maramihang kaso ng pagpaslang at pag-aresto sa mga aktibista sa Southern Tagalog. Naging target ng ganitong pag-atake si Eugenio dahil sa pagsisilbi bilang presidente ng Advancement of Rights and Responsibilities of Organized Workers (ARROW)-Antipolo, kasaping organisasyon ng Courage.

Kilalang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga kawani ng gubyerno si Eugenio. Pinangungunahan niya ang kampanya sa syudad at prubinsya para sa mas mataas na sweldo, seguridad sa trabaho, at kalayaang pulitikal ng mga kawani.

Ayon sa Karapatan-Rizal, naibasura ang kaso laban sa biktima dahil sa seryosong mga pagkakamali ng mga pwersa ng estado sa pagsasagaw ang pag-aresto. Katulad ito ng napakaraming mga kaso sa nakaraan kung saan arbitraryong dinadampot at inaaresto ang mga aktibista, progresibo at unyonista.

Dagdag pa ng grupo, habang kinikilala na hakbang tungong hustisya ang pagkakabasura sa kaso ay dapat papanagutin ang mga sangkot sa malubhang paglabag sa karapatang-tao ni Eugenio at iba pang mga biktima. Anito, kabilang sa mga usaping ito ang gawa-gawa at depektibong mga search warrant, itinanim na ebidensya, hindi makatarungang detensyon at pag-aresto at paglabag sa nararapat na proseso na itinataguyod ng National Task Force-Elcac.

“Tagumpay ito hindi lamang ni Eugene Eugenio kundi para sa kolektibong paglaban ng lahat ng tumitindig sa pang-aapi. Paalala ito na sa kabila ng panunupil ng estado, sa huli’t huli ay mangingibabaw rin ang katotohanan at hustisya,” ayon kay Saara Rapisora, koordineytor ng Karapatan Rizal.

Patuloy ang panawagan ng Karapatan-Rizal sa rehimeng Marcos na palayain na ang lahat ng mga bilanggong pulitikal. Anang grupo, karamihan sa mga bilanggong pulitikal na Rizaleños ay mga magsasaka.

Source link