Ang Bayan Ngayon » Karahasan laban sa nga nagpuprotesta sa Kenya, kinundena ng ILPS

Kinundena ng International League of Peoples’ Struggles (ILPS) ang marahas na pagbuwag ng reaksyunaryong estado sa Kenya sa mga nagpuprotesta noong Hunyo 25 na nagresulta sa brutal na pagpaslang sa 16 raliyista at pagkasugat sa 400 iba pa. Ang protesta ay bahagi ng paggunita sa serye ng dambuhalang mga protesta na inilunsad noong nakaraang taon laban sa mapaminsalang Finance Bill, tumitinding karasan ng pulis at panunupil ng estado.

Matatandaang natulak ng dambuhalang mga pagkilos noong 2024 ang rehimeng Ruto na iatras ang planong pagpataw ng mabibigat na buwis na dikta ng International Monetary Fund (IMF) na lalong magpapahirap sa masang Kenyan. Para tusong ilusot ang mga buwis, baha-bahagi itong ipinasa ng parlemento ng Kenya sa nagdaang taon.

Liban sa Nairobi, inilunsad din ang pagkilos, pangunahin ng mga kabataan, sa Mombasa, Kisii, at iba pang lunsod. Dala-dala nila ang bandila ng Kenya at sumigaw ng panawagang “Ruto Must Go” at “Occupy Statehouse” (tirahan ni Ruto bilang pinuno ng gubyerno). Dala rin nila sa mga protesta ang ang mga larawan ng mga nasawi noong nakaraang taon sa karahasan ng pulis laban sa demonstrasyon.

Higit na tumindi ang galit ng mga Kenyan sa rehimeng Ruto kasunod ng pagkamatay ni Albert Ojwang, isang guro at blogger, habang nasa kustodiya ng pulis ilang linggo na ang nakalipas, na nagdulot ng malawakang pagkundena at panawagan para sa hustisya. Inaresto ng mga pulis si Ojwang dahil sa kanyang kritisismo sa isang upisyal ng pulis.

“Sa unang anibersaryo ng malawakang protesta noong Hunyo 25 at ang tugon ng gubyernong Ruto na pagpaslang at karahasan, pinatunayan lamang ng gubyernong Ruto ang umiigting na panunupil sa pagpapakawala ng mas matinding karasan sa mga nagprotesta,” ayon sa ILPS Africa and West Asia Regional Committee.

Nakiisa ang komite sa panawagan ng mamamayang Kenyan para sa hustisya at panagutin ang pasistang rehimen. Hinimok nila ang mga Kenyan na higit pang magpursigi sa harap ng tumitinding panunupil. “Wasto lamang na magpatuloy sa pag-oorganisa sa mga Kenyan at maglunsad ng mga aksyong masa para isulong ang panawagan para sa pambansang kalayaan at demokratikong karapatan,” pahayag ng komite.

Tulad sa ipinamalas ng malawakang demonstrasyon ng mamamayang Kenyan noong 2024, naniniwala ang ILPS na makakayanang itulak ng papalaking pagkilos ang rehimeng Ruto na iatras ang mga bulok nitong patakaran. “Mabuhay ang pakikibaka ng masang Kenyan! Ibagsak ang papet na rehimeng US-Ruto!” pahayag ng ILPS Africa and West Asia Regional Committee.

Source link