Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) en banc noong Agosto 29 ang motion for reconsideration na inihain ng Duterte Youth Party-list para baligtarin ang kanselasyon ng rehistro nito sa nakaraang eleksyon. Kinansela ng 2nd Division ng Comelec noong Hunyo 18 ang rehistro ng partido bunsod ng mga kasong inihain laban dito noong 2019.
Isinampa ng mga lider-kabataan noong 2019 ang petisyon para tanggalan ng rehistro ang Duterte Youth. Isinampa ang kasong diskwalipikasyon sa mga batayan ng (1) kawalan ng wastong rehistro bilang partido sa sistemang party-list sa Comelec, (2) kawalan ng pagtupad sa ilan pang ligal na rekisito para kilalanin bilang partido sa naturang sistema, (3) at mga kilos na nagpapakita na hindi nito kinakatawan ang kabataan tulad ng pagsubok na ipasok noong 2019 si dating National Youth Commission (NYC) Chairperson Ronald Cardema, sagadsaring tau-tauhan ng mga Duterte, na noo’y 34 taong gulang na. Itinakda sa mga alituntunin ng Comelec na ang maaring kumatawan sa kabataan ay yaong nasa edad 30-pababa lamang.
Ikinalugod ng mga lider-kabataan at ng grupong Kabataan, Tayo ang Pag-asa (KTAP) ang desisyon ng Comelec en banc. “Mahalagang hakbang ang pagpapawalang-bisa sa rehistro ng Duterte Youth sa higit pang paglalantad sa mga suliranin sa sistema ng halalan,” pahayag ng KTAP.
Gayunman, binanggit ng grupo na inabot ng anim na taon bago naglabas ng desisyon ang Comelec hinggil sa petisyon. “Nagkait ito sa mga Pilipino ng tunay na serbisyo ng gubyerno at lehitimong representasyon sa lehislatura,” ayon sa KTAP.
Umaasa ang KTAP na magsisilbing babala ang kasenslasyon sa rehistro ng Duterte Youth para sa mga grupo at partidong nais pagsamantalahan ang sistema ng eleksyong party-list para sa sariling adyenda. Hinimok ng grupo ang Comelec na pahigpitin ang pagbabantay sa ganitong mga kaso para wala nang makatakbo na mga partidong tulad ng Duterte Youth sa darating na mga taon.
“Kasabay ng panawagang ito, hinihikayat namin ang buong bansa na sama-samang lumaban sa patuloy na pag-iral ng mga dinastiya sa pulitika at mga interes sa negosyo na sumusuporta sa kanila. Kailangan nating bawiin ang ating espasyo sa pamahalaan at sa paghahatid ng mga pampublikong serbisyo,” panawagan ni Brell Lacerna, lider ng KTAP.
Nagpahayag din ng suporta sa panalo ng mga lider-kabataan kontra sa Duterte Youth ang Kabataan Party-list. Ayon sa kinatawan ng Kabataan Partylist at Assistant Majority Leader na si Atty. Renee Co, “Simula palang to. Dapat tanggalin na lahat ng pekeng party-list na gawa-gawa ng mga dinastiya at negosyo! Pro-Duterte man o Marcos ang mga to.”
Samantala, nanawagan ang mga grupo ng kababaihang manggagawa, magsasaka at maralitang sektor na kaagad iproklama ng Comelec ang Gabriela Women’s Party (GWP) bilang kahaliling partido ng Duterte Youth. Sa listahan ng mga party-list, kasunod ang partido ng kababaihan sa nakakuha ng sapat na boto para makakuha ng pwesto.
“Nananatiling hamon sa atin na tuloy-tuloy na sama-samang magprotesta hanggang sa tuluyan nang maproklama ang natatanging tunay, militante at palabang representasyon ng kababaihan sa Kongreso!” pahayag ng Gabriela, alyansa ng mga organisasyon ng kababaihan.
“Ikinatutuwa ng hanay ng mga manggagawang kababaihan ang paborableng desisyon…Panalo ito para sa taumbayan na ipinapaglaban ang representasyon ng mga sektor na labis na pinagkakaitan ng boses,” ayon kay Jacq Ruiz, tagapagsalita ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan. Anang grupo, ang GWP ang kumatawan sa interes ng kababaihan, bata, at LGBTQ+ simula nang manalo ito sa Kongreso noon pang 2004.
Ipinahayag naman ng mga upsiyal ng Comelec na hindi pa lubos na pinal ang desisyon nito dahil mayroon pang karapatan ang Duterte Youth na maghain ng apela sa Korte Suprema. Ayon sa lider ng Duterte Youth, magsasampa ito ng kaso sa mataas na korte sa Setyembre 1.











