Inilunsad noong Hunyo 29 ang online campaign na Duterte Panagutin-Germany sa pangunguna ng ALPAS Pilpinas, organisasyon ng komunidad ng mga Pilipino sa Germany na nagsusulong ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Pilpinas. Katuwang sa aktibidad ang Gabriela Germany, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Europe at Migrante Germany.
Layon ng kampanya na panagutin si Rodrigo Duterte, dating pangulo ng Pilipinas, sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan at manawagan ng hustisya para sa kanyang mga biktima. Bahagi rin ng kampanya ang pagpapalaganap ng impormasyon sa Germany hinggil sa mga krimen ni Duterte tulad ng libu-libong biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ngalan ng gera kontra droga at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng kanyang rehimen. Paghahanda rin ang aktibidad para sa susunod na pagdinig ni Duterte sa International Criminal Court sa Setyembre 23.
Naging bahagi sa talakayan si Kristina Conti, abugado ng ilang mga biktima at accredited ICC Assistant to Counsel; si Sheerah Escudero, kapatid ng biktima ng gera kontra droga; at si Rubilyn Litao, koordineytor para sa Rise Up for Life and for Rights.
Bago ang aktibidad na ito, inilunsad ang Duterte Panagutin Europe noong Marso 28. Nagkaroon din ng pagkilos sa Bradenburger Tor Berlin, Germany noong Marso 23 na nilahukan ng mahigit 100 Pilipino at mga alyadong organisasyon. Pinamunuan ito ng Bayan Europe, ALPAS Pilipinas, Gabriela Germany, Migrante Germany at ICHRP Germany (International Coalition for Human Rights in the Philippines).
Ipinagdiwang sa aktibidad na ito ang pagkakaaresto ni Duterte at detensyon sa ICC at nanawagan para sa hustisya at pagpapanagot sa kanyang mga krimen. Nanawagan din ang mga grupo na itigil ang nagpapatuloy na pampulitikang panunugis sa mga kritiko sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Nakilahok rin ang mga alyadong organisasyon upang ipahayag ang kanilang suporta sa pagpapanagot kay Duterte, kabilang dito ang Cênî (Kurdish Women’s Office for Peace), Korea Verband, Extinction Rebellion Berlin, Congo Basin Alliance, FKO (Föderation Klassenkämpferischer Organisationen), Ararat Kollectiv, and RESBAK (Respond and Break the Silence Against the Killings) at Abolish Frontex.