Kabataan sa Northern Samar, pinaslang ng 20th IB

Nanindigan ang mga residente ng Barangay Sulitan, Catubig, Northern Samar na isang sibilyan si Jerick Jugal, isa sa mga pinalalabas ng 20th IB na napatay nito sa serye ng armadong engkwentro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa bayan ng Catubig noong Nobyembre 5.

Nanawagan sila ng imbestigasyon at hustisya sa pagpaslang sa biktima. Ayon sa kapitbahay ni Jugal, isa siyang responsableng anak na siyang tanging naghahanap-buhay para sa kanilang pamilya.

Matapos ang sinasabing mga engkwentro, nagreklamo rin ang mga residente ng Barangay Sulitan at katabing mga komunidad dahil sa ipinataw na paghihigpit ng mga sundalo. Hindi sila pinayagang makapunta sa mga sakahan para magtrabaho at pinagbawalan kahit ang pagpasok ng pagkain sa komunidad.

Samantala, naitala sa Guihulngan City, Negros Oriental ang serye ng mga paglabag sa karapatang-tao ng 62nd IB.

Noong Nobyembre 5, pinasok ng 16 na sundalo ang bahay ni Loring Geronimo sa Sityo Ponong, Barangay Trinidad. Hinanap sa kanya ang kanyang asawa at anak, tinutukan siya at ang kanyang apo ng matataas na kalibre ng baril at ipinailalim ang buong pamilya sa malupit na interogasyon. Sa araw ding iyon, iligal na pinasok ng mga sundalo nang walang paalam ang bahay ni Helen Bardok sa Barangay Binobohan habang nasa trabaho siya.

Noong Nobyembre 8, binugbog ng mga sundalo ng 62nd IB ang 38-anyos na magsasakang si Boyet Ospar sa Sityo Manlibod, Barangay Trinidad. Naitala rin sa nagdaang mga linggo ang iligal na okupasyon at pagkakampo ng mga sundalo sa mga eskwelahan sa mga barangay sa Guihulngan Cty, Vallehermoso at Canlaon City. Ang pagkakampo sa mga sibilyang pasilidad ay malubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Pangangamkam ng lupa. Ginipit at muling tinangkang palayasin ng mga pwersa ng estado at pribadong gwardya ang mga residente at magsasaka sa Barangay Viga, Angadanan, Isabela. Inaagaw ng pamilyang Gamboa ang 23.6 ektaryang lupa na 50 taon nang binubungkal at tinitirahan ng mga magsasakang kasapi ng Panagkaykaysa ti Mannalon a Maag-agawan ti Daga (Pumalag). Pinuntahan sila ng hepe ng pulis at administrador ng bayan ng Angadanan noong Oktubre 30 para pilitin na makipag-areglo sa mga Gamboa. Inaalok sila ng suhol na pera para lumayas sila sa lugar.

Muling bumalik ang hepe at dalawang pulis noong Nobyembre 2 para ipasamsam sa mga pribadong gwardya at ipasunog ang mga plakard at istrimer ng mga magsasaka. Nang nagkagitgitan ang mga residente at pulis, bumunot at nanutok ng baril ang hepe ng pulis. Tatlong magsasaka ang inaresto. Pinagbantaan ng mga gwardya na wawasakin ang pananim ng mga magsasaka.