Mariing kinukondina ng National Democratic Front-Bicol, ang mga paghahabi ng kwento ng 9th Infantry Division Philippine Army sa pamamagitan ng PIO-Capt. Marjorie Pamela Panesa hinggil sa nangyaring labanan sa Brgy. Tinago, Juban, Sorsogon noong Oktobre, 22, bandang alas-5:30 ng hapon. Engkwentro umano ang nangyaring labanan at itinatambol pa ang tatlong (3) mga pangalan na iisa naman ang personalidad ng sinasabing mataas na kadre ng Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa probinsya upang maghasik ng panlulumo sa buong rebolusyonaryong kilusan.
Nais ilinaw ng NDF-Bicol na isang “kubkob” ang nangyaring labanan, kung saan nasa opensibang pusisyon ang kaaway habang nasa depensibong pusisyon naman ang mga pulang mandirigma. Malinaw na hindi maaring tawagin na isang “engkwentro” ito dahil wala naman sa parehong katayuan at kapasidad ang dalawang panig. Nagresulta ang nasabing kubkob, sa pagkamatay ng tatlong (3) mahuhusay na Pulang Mandirigma ng BHB habang dalawa (2) naman ang namatay at ilan ang nasugatan sa tropa ng 31st Infantry Batallion sa pamumuno ng 903rd Infantry Brigade, Philippine Army.
Mataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng NDF-Bicol kina Domingo “Ka Joel” Llantos, Jaypee “Ka Iresh” Matimtim at Manuel “Ka Jhony” Adol, ang tatlong martir ng sambayanan sa nasabing labanan sa hanay ng BHB. Ordinaryong mga kasama mula sa uring magsasakang na may payak na pangarap na wakasan ang pagsasamantala at pang-aapi ng mga uring pinaglilingkuran ng berdugong militar ng 9th Infantry Division at 903rd Infantry Brigade. Humarap sa pagpapanday ng sarili at naging bahagi sa pag-ukit ng kasaysayan ng paglaban. Nagpamalas ng tapang sa labanan, taglay ang matapat at buong pusong paglilingkod sa sariling uri at sambayanan. Kaisa ang NDF-Bicol sa mamamayan, pamilya’t kasama na taas-kamaong nagpaparangal sa tatlong mga bayani ng bayan.
Mabuhaya ang sambayanan Pilipino!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!
Maria “Ka Roja” Banua
Tagapagsalita
NDF-Bicol