Ka Gemma: Dumagat, babae, Pulang kumander

Higit dalawang dekada ng buhay ni Ka Gemma (Susan Ritual) ang inialay niya sa paglilingkod sa mga kapwa katutubong Dumagat at masang anakpawis sa kanayunan bilang Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at kasapi ng Partido. Namartir si Ka Gemma sa Barangay Bacong Sigsigan, Famy, Laguna noong Nobyembre 28 habang nasa kalagitnaan ng paggampan ng rebolusyonaryong gawain.

Ipinanganak siya sa Barangay Dimanayat, San Luis, Aurora noong Oktubre 13, 1984 sa katutubong Dumagat na pamilya ng mga maralitang magsasaka. Sa hirap ng buhay, hindi na nakapag-aral si Ka Gemma. Para makatulong sa pamilya, lumuwas siya sa kalunsuran upang mamasukan bilang kasambahay sa batang edad na 13.

Noong 2002, nakumbinsi si Ka Gemma ng mga nakilala niyang mga babaeng mandirigma sa kanilang lugar na sumapi sa yunit ng hukbong bayan. “Bagamat dumanas ng krisis sa unang taon ng kanyang pagkilos, hindi ito naging dahilan upang talikuran ang pakikibaka. Umabante si Ka Gemma sa kabila ng mga hamon,” ayon sa parangal ng BHB-Laguna.

Sa loob ng 22 taon, tumangan siya ng mga gawain bilang platun medik, iskwad lider, pangalawang platun lider sa isang laking-kumpanyang yunit, at pampulitikang giya at instruktor. Binalikat niya ang mga tungkulin at gawaing ito nang walang pag-aalinlangan.

Kwento pa ng yunit, kahit galing sa panganganak at kumaharap sa mga personal na krisis, buong-buong tinanggap ni Ka Gemma ang mga tungkuling ito. Pinaramdam niya sa mga kasama ang kalinga ng isang ina, na bagamat nais niya ring maipadama nang lubos sa sarili niyang anak, ay ibinuhos niya sa bawat kasama at masang kanyang pinaglilingkuran.

Labis ang pagdadalamhati ng mga kaanak at pamilya ni Ka Gemma sa pagpaslang sa kanya ng militar. Dobleng-sakit ang idinulot ng sadyang pag-antala at pagpigil ng mga sundalo at pulis sa pamilyang Ritual na mabawi kaagad ang bangkay ni Ka Gemma para mapaglamayan. Halos isang linggong nabimbin ang bangkay sa isang punerarya dahil sa panggigipit ng mga pasistang sundalo.

“Ang pagkasawi ni Ka Gemma ay hindi nangangahulugan ng pagwawakas ng dakilang simulain tulad ng nais ipinta ng reaksyunaryong AFP-PNP at ng rehimeng US-Marcos II,” pahayag ng BHB-Laguna. Anito, si Ka Gemma ay patunay na hungkag ang deklarasyong insurgency-free sa mga bayan sa Laguna gaya ng Famy at Sta. Maria at sa halip ay patuloy na minamahal ng masa ang kanilang hukbo sa mga lugar na ito.

Mga katutubong martir

Noong Nobyembre, pinagpugayan ng sambayanang Pilipino ang mga pambansang minorya na nagbuwis ng buhay para sa pakikibaka para sa sariling pagpapasya at pambansa-demokratikong adhikain ng bayan. Bahagi ito ng taunang pagdiriwang sa Indigenous People’s Heroes Day tuwing Nobyembre 10.

Huwaran ng mga pambansang minorya ang mga katulad nina Macli-ing Dulag, na nanguna sa paglaban sa Chico River Dam Project noong panahon ng diktadurang Marcos; Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay, kauna-unahang babaeng datu ng mga Manobo na namuno sa kanilang ilang dekadang pagtatanggol sa Pantaron Mountain Range; Roy Giganto, isang lider Tumandok na nanindigan laban sa Jalaur Megadam sa isla ng Panay; at marami pang ibang mga namuno sa pakikibaka ng mga katutubong mamamayan.

Marami rin sa mga katutubo ang nagpasyang tanganan ang armas at sumanib sa BHB para ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno at mga karapatan. Kabilang dito si Chadli Molintas ng Cordillera, katutubong Manide ng Camarines Norte na si Divine Zureta, mga Lumad na sina Aprecia Alvarez Rosete (Ka Lalay), Beverly Sinunta (Ka Ayang), Kaerlan Fanagel at iba pang nagbuwis ng buhay para sa digmang bayan.

Dapat din nating kilalanin ang mga indibidwal na nag-alay ng panahon para paglingkuran ang katutubong mga pamayanan sa Pilipinas. Dapat tularan ng marami sina Fr. Fausto Tenorio o Father Pops sa mga komunidad ng Lumad at Moro na kanyang pinaglingkuran, Chad Booc na nagsilbing boluntir na guro ng mga Lumad ng Mindanao, mga kadre ng Partido at Pulang mandirigma at kumander tulad nina Jorge Madlos (Ka Oris), Julius Giron, Menandro Villanueva (Ka Bok), Dionisio Micabalo (Ka Toto), Antonio Cabantan (Ka Manlimbasog) at daan-daan pang mga katulad nila.