Prof Sarah: Unang nilabas ng Philippine News Agency nito lang gabi Setyembre 5, 2019 ang bali-tang may court order para sa pag-aresto kay Jose Maria Sison, Juliet de Lima at 36 na iba pa dahil umano sa NPA purging. Umaabot sa 38 katao ang nasa nilabas na listahan na nilalaman ng court or-der nilabas noong August 22, 2019. Kasama natin si Prof Sison upang marinig ang kanyang panig.
Pagututuunan din natin ng talakayan ang laging bintang na purges na ginagamit ng mga kontra-rebolusyonaryo upang yurakan ang mga partido komunista, at halimbawa na rito ang rebolusyonar-yong si Joseph Stalin, ngayon naman gamit din ang linyang ito laban kay Prop Sison at Partido Komunista ng Plipinas. Aalamin din natin ang posibleng epekto nito status ni Prop.Sison sa Nether-lands bilang political refugee. Kasama natin muli ang Chair Emeritus ng Internatioanal League of Peoples’ Struggle Isang mainit dito sa Itanong Mo Kay Prof. Mainit na pagbati Prof Sison.
Prof Sison: Maalab na makabayang pagbati sa inyo Professor Sarah Raymundo at sa lahat ng ating kababayan.
Mga Tanong at Sagot:
Prof Sarah: 1. Prof. Sison, ito ba ang unang pagkakataon na magkaroon ng court order para sa paghuli sa inyo? At ano po ang naging reaksyon ninyo at ni Juliet de Lima rito? Maari ba kayong magbigay ng direktang tugon sa alegasyon?
Prof Sison: Ngayon pa lang namin nabalitaan na may court order para hulihin kami. Pero dati ko nang alam na ako ang No.1 accused sa pekeng kaso tungkol sa umano’y mass graves sa Inopacan.
Reaksyon namin ni Julie na kalokohan ang kaso dahil sa alegasyon na isa ako sa mga nag-utos sa inimbentong masaker. Nasa maximum security detention ako noong 1985 at nang nahuli ako noong 1977 nawalan na ako ng katungkulan sa CPP. Wala ako sa kalagayan at katayuan na mag-utos sa NPA Ginagawa ang arrest order para takutin ang mga akusado at iba pang tao.
Prof Sarah: 2. Tinutukoy ng balita ang court order na nagtutukoy sa 38 na kataong sangkot sa isang “purge” o ang pag-massacre sa 67 na umano’y biktima ng “Oplan Venereal Disease” ng New People’s Army sa Inopacan, Leyte. Mayroon daw mga mababaw na pinagbaunan o shallow graves na natagpuan noong August 28, 2006. Sa inyong pagkakaalam, mayroon nga bang ganoong Oplan na isinagawa ang NPA?
Prof Sison: Sa tingin ko, boladas lamang ang tinawag na Oplan Venereal Disease. Gawa-gawa ng military psywar. Ang katunayan, inimbento nina Norberto Gonzales at General Esperon ang pekeng kaso ng Inopakan/Hilongos. Si Esperon ang nag-ipon ng mga kalansay mula sa iba’t ibang sementeryo at ginamit na ebidensya sa iba’t ibang kaso. Kaya tinawag ang Inopacan case na case of “walking skeletons”.
Prof Sarah: 3. Alam niyo po ba kung bakit sa tagal ng umano’y pagkakatagpo nila sa mass grave ay ngayon lamang sila naglabas ng court order?
Prof Sison: Binabanat-banat ang kaso para i-harass at siraan ang mga akusado. Pinatatagal ng militar ang kaso sa pamamagitan ng pagprisinta ng napakaraming false witnesses. Halos dalawang dekada na linalabas ng militar ang pabrikasyon nila.
Noon pang 2007 nagpasiya na ang Supreme Court sa ilalim ni Chief Justice Reynaldo Puno na ibasura ang kaso at sinabi pa niyang dapat hindi i-prostitute ang tungkulin ng prosecution. Pero inamyenda ang paratang para buhayin ang patay na kaso.
Prof Sarah: 4. Ito po bang mass graves na ito ay siya ring ikinaso kina Ka Satur Ocampo at iba pa dati? Ano na po ang nangyari sa kaso na iyon? Kung ito rin iyon, maaari niyo bang ibahagi sa amin ang inyong nalalaman sa kasong ito ng gobyerno?
Prof Sison: Dati nang isinama sa Inopacan case si Satur. At nagkaroon siya ng bail dahil sa walang batayan ang paratang sa kanya.
Prof Sarah: 5. Pamilyar ba kayo sa mga pangalang nasa listahan ng court order? Sila bang lahat ay katulad niyo ring aktibista at matagal nang kritiko ng sistemang mapang-api at ng gobyerno?
Prof Sison: Hindi ako pamilyar sa lahat ng pangalan ng akusado. Pero alam kong ilan sa kanila ay nasa kulungan noong 1985 tulad nina Satur Ocampo at Vicente Ladlad. Ilan ang patay na sa mga akusado tulad ni Jose Luneta. At ilan ang desaparecido na dinukot ng militar, tulad nina Leo Velasco at Prudencio Calubid. Meron ding nasa abrod tulad ni Luis Jalandoni nong 1976 pa at hanggang ngayon.
Marami sa mga nasa list ay dating mga aktibista. Nais takutin ang mga ito at lahat ng aktibista. Ipinapakita ni Duterte na kaya niya ang anumang pangiggipit hanggang pamamaslang.
Prof Sarah: 6. Ano po ang epekto sa inyong katayuan bilang asylum seeker sa Netherlands? Maari po ba kayong hulihin mula riyan? Ano po ang mga proteksyon ninyo riyan?
Prof Sison: Walang extradition treaty sa pagitan ng Netherlands at Philippines. At may mga karapatan ako bilang recognized political refugee alinsunod sa Geneva Refugee Convention at European Convention on Human Rights.
Pinakamahalagang punto ay nasabi ko na. Nasa maximum security detention ako noong 1985 at bilang bilanggo, wala akong katungkulan na mag-utos sa CPP at NPA. Kayang-kaya ng mga abogado kong Olandes at Pilipino na supalpalin ang pekeng alegasyon.
Prof Sarah: 7. Prof. Joma, maram-rami na rin ang mga katulad ninyo mula sa iba’t-ibang bayan ang napilitang mangibang-bansa, ang nakararami sa mga kababayan natin ay mga OFW. Ang sa kaso niyo naman po ay tinatawag ng ilang experto na political refugee. Ito rin ba ang turing niyo sa sarili? May pinagkaiba ba ito political exile? Maaari niyo bang ipaliwanag sa amin kung ano ang ibig sabihin ng mga ito? Bakit po parami na nang parami ang mga political refugee sa mundo? Bakit po ganon na lang ang pagdedemonyo o paninira sa mga political refugee? May kaibigan o mga kakilala rin ba kayan mga political exiles? Ano naman po ang kaso at mga kosa nila?
Prof Sison: Ako’y political refugee na rekonosido ng pinakamataas na administrative court at ng gobierno mismo ng Netherlands alinsunod sa Geneva Refugee Convention. Hindi kailangan na political refugee ang political exile. Dumarami ang political refugees sa mundo dahil sa panggugulo ng US sa Middle East, Africa at marami pang ibang bansa.
Prof Sarah: 8.Sinasabi rin ng iilang kritiko ninyo na self-exile naman daw ang sa kaso ninyo, ibig sabihin ay sarili niyo lang naman ang boluntaryong umalis ng bansa. Ano po ba ang masasabi niyo rito?
Prof Sison: Hindi ako self-exile. Pang-insulto lang sa akin iyon ng aking mga kritiko. Nasabi ko na kung bakit ako ay naging political refugee. Napilitan akong mag-apply ng political asylum dahil kinansela ni Cory Aquino ang Philippine passport ko noong 1988 at pinagbantaan ako na hulihin ng militar kung umuwi ako dahil sa pekeng kaso ng subversion. Laging gumagawa ang militar ng pekeng kaso laban sa akin.
Prof Sarah: 9. Prof. Joma, ayon po sa mga eksperto sa literatura, ang inyo pong tulang “Sometimes, the Heart Yearns for Mangoes” o “Minsan, hinahanap-hanap ng puso ang mga mangga” ay tungkol sa danas ng mga exile na katulad ninyo. Kailan niyo po naisulat ang tula na iyon? Ano-ano po kaya ang mga alaala ninyo ng ating bayan na nagtulak sa inyong makapagsulat ng tula na iyon? At marami na rin ang gustong-gustong mabatid kung paborito niyo daw po bang prutas ang mangga?
Prof Sison: Sinulat ko ang “Sometimes the Heart Yearns for Mangoes” para sa isang poetry festival sa Netherlands noong 1994. Paminsan-minsan akong nahohomesick dahil sa inangbayan marami akong kasama, kaibigan at kamag-anak na inaala-ala ko . Pero laging panatag ang loob ko dahil sa proletaryong internasyonalista rin ako.
Talagang paborito kong prutas ang mangga dahil sa matamis at masarap kung hinog at pwedeng metaphor ng pag-ibig sa inangbayan dahil malapit ang hugis nito sa puso.
Prof Sarah: 10. Prof. Sison, paboritong linya ng mga kontra-rebolusyonaryo ang paratang ng “purges” o bayolenteng paglilinis ng mga rebolusyonaryong kilusan. Halimbawa, abot-abot ang pangdedemonyo kay Joseph Stalin ng Soviet Union dahil umano sa pinatupad niyang purging, at pilit na binubura ang katotohanang siya ang namuno sa matagumpay na pakikipaglaban ng mga sundalong komunista ng Unyong Sobyet sa mga nagaping pasista ng Nazi sa Germany na pinamunuan naman ni Hitler. Bakit po kaya pare-pareho ang linya ng paratang sa mga rebolusyonaryong kilusan?
Prof Sison: Totoong dinadakila ng mga rebolusyonaryo si Stalin dahil sa pagtatayo niya sa sistemang sosyalista sa Unyon Sobyet at paggapi sa pasismo. Sadyang sinisiraan ng mga kontrarebolusyonaryo ang mga pantas at lider na komunista para siraan na rin ang makatarungang layunin nilang baguhin ang marahas at mapagsamantalang naghaharing sistema ng malalaking kapitalista at panginoong maylupa.
Sa katotohanan ang sistema ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo ang siyang marahas at mapanupil sa mga anakpawis. Para buwagin ang mga sistemang mapang-api at mapagsamantala, kinakailangang itumba ang mga ito ng mga mamamayan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.
Prof Sarah: 11. Bilang dalubhasa at iskolar ng mga rebolusyonaryong kilusan at mga kasaysayan ng mga ito, magari niyo po bang ipaliwanag sa amin ang umano’y purges ng Partido Komunista ng Pilipinas noong dekada 80? Mayroon nang lagom at komprehensibong dokumento hinggil dito ang PKP. Nagkaroon ba ang imbestigasyon ang PKP dito? Ano po ba ang ugat ng mga purge, kung totoo man ito, at ano po ang nangyari sa mga nagpatupad nito?
Prof Sison: Sa ilang taon ng dekadang 1980, may ilang kadre na nalihis sa linya at nagpalaganap ng maling linya ng militarismo. Nang pumalpak ito, tinakpan nila ang kanilang pananagutan at isinisi sa iba, na kanila ring pinarusahan. Sa kalaunan. Nagkaroon ng mga imbestigasyon at naging maliwanag ang kamalian at mga krimen ng mga talipandas.
Nagpasiya ang CPP noong 1992 na itakwil at ituwid ang kamalian at ikondena ang mga krimen ng mga lumihis sa tamang landas. Kung kaya nagkaroon ng dakilang kilusan sa pagwawasto. Ang mga prinsipal na maysala ay lumikas at pumunta sa panig ng kaaway.
Prof Sarah: 12. Ano po kaya ang motibasyon ng ganitong kilos ng korte at ng rehimeng Duterte? Isa po kayo sa pinakamantinding kritiko ni Duterte. Sa tingin niyo ba ay may kinalalman itong bagong kaso sa inyo sa inyong walang humpay na pagbabantay at pagsasapubliko ng kanyang mga kahinaan at katiwalian?
Totoong matindi ang galit ni Duterte sa akin dahil sa madalas kong pagpuna sa mga maling patakaran at kilos niya. Pero gusto niyang takutin ang lahat ng pumupuna at sumasalungat sa kanya. Gusto niyang takutin ang lahat nito dahil sa tuloy pa rin ang balak niyang magpataw ng pasistang diktadura sa bayan para makapagpatuloy siyang magnakaw at pumaslang nang walang hadlang.
Prof Sarah: 13. Panghuli, ano po ang inyong mensahe sa mga aktibista, kritiko at mga personahe sa oposisyon na patuloy ang pagpapahayag ng mga kabulukan ng rehimeng Duterte?
Prof Sison: Payo at panawagan ko sa mga aktibista, kritiko at mga oposisyonista: Huwag matakot, makibaka! Huwag magpasindak, ituloy ang laban. Ilantad pang lalo ang kabulukan at mga krimen ni Duterte at mga alipuris niya. Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Prof Sarah: Maraming salamat Prof Sison sa napakayamang talakayan at pa matalas na pagpapaliwanag.
Prof Sison: Maraming salamat po sa inyo. Paalam at abangan ang susunod ng brodkas namin ni Prof. Sarah Raymundo.
Prof Sarah: Nabanggit na po ni Prof. Sison na walang ibang layunin ang gobyerno ni Duterte kundi takutin ang mamamayan sa pamamagitan ng pagmainobra sa batas at mga korte. Wala na po tayong ba pang nararapat na panawagan kundi ang magtiwala sa ating hanay, ipaglaban ang karapatan at manindigan sa kapakanan ng ating kapwa at bayan tulad ng mga magigiting na bayanıng Pilipino. Ito po si Sarah Raymundo, guro ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman at aktibista ng Bagong Alyansang Makabayan na nananawagan din, Makibaka, huwag matakot!