Ipaghahambog tiyak ni Marcos sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address ang programa ng “kapayapaan at kaunlaran” na isinusulong ng kanyang rehimen. Gagamitin niya itong okasyon para palakpakan ang kanyang mga pasistang galamay at alipures sa “pagsugpo sa armadong sigalot.” Kasabay nito, pagtatakpan niya ang malulubhang pag-abuso sa kapangyarihan at paglapastangan sa mga demokratikong karapatan, sa kalunsuran at laluna sa kanayunan.
Huwad at hungkag ang “kapayapaan at kaunlaran” na laman ng “National Action Plan for Unity, Peace and Development” ni Marcos. Isa itong mapanlinlang na karatula para pagtakpan ang katotohanan ng laganap na kahirapan, gutom at pagdurusa ng ilampung milyong magsasaka at manggagawa at mga walang hanapbuhay. Layunin nitong ipatanggap sa taumbayan na sadyang tadhana ang dinaranas nilang pang-aapi at pagsasamantala upang lumpuhin ang kanilang diwa at lakas na magtanggol at lumaban, at payukuin sila sa kapangyarihan ng teroristang estado.
Sa tabing ng “kapayapaan,” ginagamit ni Marcos ang mga armadong pwersa ng estado sa pagpataw ng batas militar sa kanayunan para supilin ang paglaban ng masang magsasaka. Layon nitong manmanan ang bawat galaw ng taumbaryo, kontrolin ang suplay ng pagkain at komersyo, pati oras ng pagtatrabaho sa bukid ng mga magsasaka. Inoobliga lahat na magpa-“clear” ng kanilang pangalan at “makipagtulungan” sa mga upisyal militar. Hindi tinatantanan ang kilalang mga lider at aktibo sa mga samahang magsasaka. Kabi-kabila ang mga kaso ng pagpaslang, pagdakip at iligal na pagbibilanggo, tortyur at mga masaker, panganganyon at paghuhulog ng bomba malapit sa mga komunidad.
Upang sindakin ang taumbaryo, kinakampuhan ng pangkat-pangkat ng mga sundalo ang mga baryo, at ginagamit na baraks ang mga eskwelahan o barangay health center. Ginagambala nila ang katahimikan sa baryo sa paglalasing, pagsusugal, paggamit ng droga at walang patumanggang pagpapaputok ng baril. Sa ngalan ng “depensang panteritoryo,” pwersahang nirerekrut ng mga sundalo ang mga magsasaka sa paramilitar na grupong CAFGU at Barangay Intelligence Network upang gamitin sila laban sa kanilang mga kababaryo.
Sa ngalan ng “pagtataas sa kapasidad” ng mga komunidad sa kalunsuran, ginagamit ni Marcos ang kanyang mga armadong pwersa upang supilin ang karapatan ng mga manggagawa, mala-manggagawa, kabataang-estudyante at iba pang sektor sa kalunsuran. Ang mga unyonista at mga aktibista sa paaralan at mga komunidad ay isinasailalim sa sarbeylans at paninindak upang pahintuin sa kanilang pag-oorganisa at pagtulong sa kanilang kapwa. Tulad sa kanayunan, ginagamit na taktika ang panggigipit at walang tigil na pagbabanta sa kanilang mga pamilya upang brasuhin silang sumunod sa kagustuhan ng militar at pulis.
Engrandeng panloloko sa masang magsasaka ang ipinagmamalaki ni Marcos na “pamamahagi ng titulo” gayong karamihan niyon ay dati na nilang hawak na kolektibong titulo (Certificate of Land Ownership Award) sa ilalim ng “agrarian reform communities,” kabilang ang mga lupang dati nang naipamahagi ng rebolusyonaryong kilusan sa mga magsasaka at katutubo, na hinati-hati para madaling bilhin o agawin ng malalaking mangangamkam ng lupa.
Malalawak na lupain ang sinusubasta ni Marcos sa mga dayuhang malalaking kapitalista sa anyo ng pagpapa-“upa” nang hanggang 99 taon. Puo-puong libong magsasaka at mga katutubo ang pinalalayas upang bigyang-daan ang mga plantasyon, minahan, mga proyektong pang-enerhiya, turismo at iba pang operasyon ng malalaking kumpanyang dayuhan at lokal. Inaalok sila ni Marcos na mamuhunan na wala o halos walang babayarang buwis. Tiyak na mas mabigat pang mga patakarang anti-mamamayan at anti-nasyunal ang iuutos ni President Trump ng US sa papet na si Marcos sa pagkikita nila sa White House.
Sarili lamang ang niloloko nina Marcos, ng kanyang mga upisyal militar at kasapakat sa NTF-Elcac sa pagmamalaki na malapit na nilang magupo ang Bagong Hukbong Bayan. Iisa na lamang diumano ang larangang gerilya sa buong bansa, pero mayorya pa rin ng mga batalyong pangkombat ng AFP ang nakapakat laban sa BHB sa buong bansa.
Ginagamit ni Marcos ang iilang nagtraydor sa masa para kumanta ng papuri sa kanyang “kapayapaan at kaunlaran.” Sila’y pawang reaksyunaryong espesyal na ahente para dumura ng disimpormasyon at kasinungalingan laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Ang “kapayapaan” ni Marcos ay katahimikan ng libingan ng mga biktima ng kanyang pasistang paghahari. Ipinagdiriwang ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri ang katahimikang ipinamamarali ni Marcos para buong laya nilang kamkamin ang lupa ng masang magsasaka, tibagin ang mga bundok at ilog, dambungin ang yaman ng bansa, kurakutin ang kabang-bayan at itatag sa bansa ang kapangyarihan ng pwersang militar ng US.
Ang huwad na “kapayapaan” na ito ni Marcos at ng kanyang NTF-Elcac at AFP, ay sadyang malaking sagka sa pakikipag-usapang pangkapayaan sa NDFP. Sagka rin ang patuloy na pagtugis, pagkulong at pagpaslang sa mga konsultant at kinatawan ng NDFP, taliwas sa dating mga kasunduan. Hindi makakamit ang makatarungan, mapagpalaya at matagalang kapayapaan hangga’t hindi hinaharap at nilulutas ang saligang mga suliraning nasa ugat ng armadong sigalot sa bansa, at kung ang tanging layunin ay durugin, supilin at pasukuin ang lahat ng lumalaban.
Dapat itakwil ng sambayanang Pilipino ang huwad at hungkag na kapayapaan ni Marcos. Sa harap ng tumitinding panunupil, lumalalang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala, at paglubha ng krisis ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal, walang ibang pagpipilian ang sambayanang Pilipino kundi ang landas ng paglaban, laluna ang landas ng armadong pakikibaka. Ang armadong pakikibaka ang pinakamalakas na sandata ng sambayanan para ipagtanggol ang kanilang karapatan, buhay at kabuhayan. Kung wala armadong pakikibaka ang sambayanan, walang habas na mamamayagpag ang imperyalismong US at mga naghaharing uri sa pang-aapi at pagsasamantala sa bayan.
Sa kabila ng dinanas na mga pinsala bunga ng sariling mga kahinaan at sa harap ng todong atake ng AFP, determinado ang Bagong Hukbong Bayan na magpunyagi sa landas ng armadong pakikibaka, iwasto ang dating mga kahinaan at palakasin ang rebolusyonaryong paglaban. Sa pamumuno ng Partido, tuluy-tuloy na lalawak at lalakas ang BHB at baseng masa nito sa buong bansa. Nananatiling napakataba ng lupa para sumulong ang armadong pakikibaka at muling palakasin ang mga larangang gerilya upang magsilbing moog ng paglaban ng sambayanan para sa pambansa at panlipunang paglaya.