Ilusyon ni Duterte ang mga panibagong banta sa seguridad sa Mindanao

Press statement

Editorial cartoon ng August 7, 2017 issue ng Ang Bayan

Kabaliwan ang paghahangad ni Duterte ng karagdagang 20,000 sundalo para sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Ayon sa Revolutionary Council of Trade Unions – Southern Tagalog (RCTU-ST), ilusyon lamang ang binabanggit nitong mga panibagong banta sa seguridad sa ibang bahagi ng Mindanao.

“Matutulad lamang sa mga napaslang na sundalo ng AFP ang buhay ng karagdagang 20,000 tropa na hinihiling ni Duterte sa Kongreso. Mangangahulugan din ito ng milyon-milyong pondo na ibabawas sa kaban ng bayan para lamang pasahurin ang mga reaksyunaryong sundalo na nangunguna sa paglabag sa karapatang pantao,” pahayag ni Fortunato Magtanggol, tagapagsalita ng RCTU-ST.

“Pagmamaliit at pagmamasama ang pahayag ni Duterte na banta sa seguridad ang lumalaking bilang ng New People’s Army (NPA). Ang mga NPA ang totoong naglilingkod sa mamamayan pangunahin sa mga magsasaka sa kanayunan na patuloy na inaagawan ng lupa. Ang mga sundalo ng AFP ay reaksyunaryo at nagsisilbi sa mga panginoong maylupa, malaking burgesya komprador, at dayuhang monopolyo kapitalista.”

“Hindi kailanman matatapos ang digmaan kung hindi sosolusyonan ng reaksyunaryong gubyerno ang laganap na kahirapan na resulta ng pagsasamantala ng iilang naghaharing uri. Isang paraan na dapat gawin ni Duterte upang matigil ang armadong paglaban ng mamamayan ay ang pagtutuloy, pagseseryoso at pagtatagumpay sa usapang pangkapayapaan,” pagpapalawig ni Magtanggol.

Sinusuportahan ng RCTU-ST ang pag-uusap hanggang sa pagpirma ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Government of the Republic of the Philiippines (GRP) sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER).

“Bilang alyadong organisasyon ng NDFP, sinusuportahan ng RCTU ang usapang pangkapayapaan at ang CASER bilang isa sa mga sustantibong adyenda dahil laman nito ang programa para sa pagtatayo ng pambansang industriyalisasyon. Mahalaga ito para sa mga manggagawa at mamamayang nagnanais magkaroon ng disente at regular na trabaho na may nakabubuhay na sahod at maayos na benepisyo. Kung may mga batayang industriya ang ating bansa na pinatatakbo ng gubyerno, hindi kakailanganin na gipitin ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa dahil walang mga kapitalista na kumokontrol sa ekonomiya,” pagbibigay diin ni Magtanggol.

Ngunit sa halip na gawin ang tama, itinuturing pa ni Duterte na banta sa seguridad at kahanay ng mga terorista ang NPA. Sa kabila ito ng katotohanan na isa ang NPA sa nagsusulong ng pambansang industriyalisasyon at iba pang programa na para sa ikabubuti ng nakararami.

“Hindi ang all-out war at Martial Law ng Rehimeng US-Duterte ang tatapos sa armadong paglaban. Hindi nito kailanman mapipigilan ang paglakas ng NPA hangga’t naririyan ang laganap na kahirapan at pagsasamantala sa mamamayan. Ang paghahangad ni Duterte ng karagdagang 20,000 sundalo para sa AFP ay lalo lamang magpapalala sa krisis ng bansa. Lagi’t laging mag-i-ilusyon ng ‘banta sa seguridad’ ang reaksyunaryong gubyerno hangga’t nagpapatuloy itong kasangkapan ng imperyalistang Estados Unidos at lokal na naghaharing uri para abusuhin ang murang lakas paggawa at dambungin ang likas na yaman ng ating bansa,” pagtatapos ni Magtanggol. ###

REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNIONS SOUTHERN TAGALOG