Sa tradisyunal na Araw ng mga Kaluluwa, muling inalala ng mga grupo sa karapatang-tao, pamilya at kaibigan ang mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao na sapilitang winala ng reaksyunaryong estado.
Inalala ng Karapatang-Southern Mindanao Region ang di bababa sa pitong desaparecido na mula sa rehiyon, tatlo sa ilalim ng dating rehimeng Duterte at apat sa kasalukuyang rehimeng Marcos. Panawagan ng grupo ang agarang paglitaw sa pito at pagpapanagot sa estado na salarin sa mga ito.
Pinangalanan ng Karapatan-SMR ang mga winala at hanggang ngayon ay di pa inililitaw bilang sina “Sunny” Loyola, NDFP Consultant Ariel Badiang (huling nakita noong Pebrero 6, 2023 sa Manolo Fortich, Bukidnon), at dating secretary general ng grupo na si Hanimay Suazo (huling namataan noong Nobyembre 2, 2019 sa Panabo City), William Lariosa (huling nakita noong Abril 10, 2024 sa Quezon, Bukidnon), ang sugatang mandirigma na si “Anna” (huling nakita noong Disyembre 2021 sa Davao de Oro), Ruel Villanueva Jr, at Cyril Montero (parehong huling nakita noong Mayo 16, 2024 sa Bukidnon.
“Ngayong araw, inuulit namin ang panawagan para itigil ang mga sapilitang pagwawala, at ilitaw ang lahat ng mga desaparesido,” ayon sa grupo. Sabi pa nito, dapat sagutin ng mga pwersa ng estado, laluna ng Philippine Army at mga kasapakat nito, ang hinihingi ng mga pamilya at kaibigan na sabihin na kung nasaan ang mga biktima.
Samantala, dumalo sa misa ang mga kamag-anak ng mga biktima ng sapilatang pagkawala sa Santo Domingo Church ngayong araw. Nag-alay sila ng mga bulaklak at nagtirik ng kandila sa simbahan, dahil ni puntod ay wala silang madalaw.
“Habang milyun-milyong Pilipino ang nakabibisita sa mga sementeryo para alalahanin ang kanilang mga yumaong kamag-anak, ang mga pamilya ng mga desaparesido ay patuloy na naghahanap nang walang nabibisitang puntod, walang kasagutan at walang hustisya,” pahayag ng grupong Desaparecidos. Taun-taon silang naglulunsad ng paggunita tuwing Araw ng mga Kaluluwa.
Sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Marcos, di bababa sa 17 na ang dinesaparesido ng mga pwersa ng estado. Dagdag sila sa 1,900 sapilitang iniwala ng diktadurang Marcos Sr.
“Ang pag-alala ay isang porma ng palaban,” ayon kay JL Burgos, tagapangulo ng Desaparecidos at kapatid ng biktima ng sapilitang pagkawala na si Jonas Burgos. “Ang pinakamahirap ay kawalan ng katiyakan. Nagigising ka sa umaga na nag-aalala kung nasaan na ang iyong mahal sa buhay, kung sila ba ay gutom, nasasaktan o malala, patay na.”
Marami sa mga pamilya ay ilang dekada nang naghahanap, nagsampa ng mga kaso na di umuusad, patuloy na umaasa na buhay pa ang kanilang mga mahal sa buhay, at makababalik pa sa kanila.
“Para sa amin, ang Araw ng mga Kaluluwa ay para rin sa kanilang ninakaw mula sa amin, at di na kailanman ibinalik. Hindi kami titigil hanggang ilitaw ang bawat isang desaparesido, at mapapatawan ng hustisya ang bawang isang salarin,” deklara ni Burgos.










