Galit at nasusuklam ang pamilya at kamag-anak ng biktima na si Joey Oas, 25 anyos, may asawa at dalawang anak, matapos ang ginawang pagsalakay ng militar sa Barangay San Carlos, Palanas noong Hunyo 29, 2025 bandang alas-2 ng hapon. Pagkababa sa van at motorsiklo, agad na pinalibutan ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Regional Intelligence Unit (RIU), Military Intelligence and Civil Operations (MICO) at PNP-Palanas ang biktima.
Ayon sa mga saksi, tumakbo si Oas nang makita ang pagdating ng mga operatiba, subalit, sa halip na pahintuin ay agad na niratrat ito ng pinagsanib na pwersa ng estado. Tadtad ng tama ng bala ang katawan ng biktima.
Taliwas ito sa ipinalabas na pahayag ng militar at pulis na nanlaban ang biktima o nagkaroon ng engkwentro.
Upang pagtakpan ang kanilang krimen at takot na mabisto, naglabas kinabukasan, Hunyo 30, ng “warrant of arrest” ang pulisya.
Ganun pa man, hindi maitago ng militar at pulis ang katotohanang labag sa karapatan at makataong batas ang kanilang ginawa. Maging sa social media, ay tinutuligsa ng mga netizen ang umano’y mahusay na paglulubid buhangin ng militar at pulis.
Mariing kinukundena ng Jose Rapsing Command-New People’s Army (NPA-Masbate) ang walang pagsasaalang-alang na pagratrat ng militar sa biktima sa kabila na maraming sibilyan ang maaaring madamay dahil araw ng linggo (panahon ng tiangge sa naturang lugar). Ganun din, labag sa due process of law ang ginawa ng militar at pulis sa biktima. Malinaw na nakasaad sa batas, na sinuman na nagkasala sa batas ay walang karapatan ang militar at pulis na paslangin ito kung hindi naman ito nanlaban. Tungkulin nilang arestuhin at iharap sa korte ang nagkasala.
Nakikiramay ang JRC-NPA Masbate, sa mga pamilya at kamag-anak ni Oas. Ang dumaraming paglabag at krimen na ito ng militar at pulis ay hindi papalampasin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Dapat tuluy-tuloy na ilantad at kumilos ang masang Masbatenyo, kaisa ang mga pamilya at kamag-anak hindi lang ni Joey Oas, kundi sa lahat ng biktima na masang Masbatenyo ng paghahasik ng pasismo at terorismo ng estado sa kanayunan. Dapat masingil at mapanagot ang mga kriminal na militar at pulis. Higit sa lahat, dapat mapanagot ang amo ng mga ito na si Bongbong Marcos Jr sa pagpapatupad ng batas militar sa kanayunan na nagbibigay pahintulot sa pwersa ng estado na abusuhin at labagin ang karapatan at makataong batas ng mamamayan.