Wala namang pandemya ngunit dalawang araw nang naka-“lockdown” o naka-garison ang ilang baryo sa ikalawang distrito ng Northern Samar kung saan may mga nakakampong sundalo ng 8th Infantry Division.
Ayon sa isang kagyat na alerto mula sa Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Northern Samar, lubhang nililimitahan at kontrolado ngayon ng mga tropa ng 19th IB, 20th IB, 52nd IB at 74th IB ang labas-pasok ng mga magsasaka sa bayan ng Catubig, Las Navas, Gamay, Mapanas at Palapag mula pa noong Miyerkules.
Paliwanag ng PKM-Northern Samar, kapag may “lockdown” ay pinagbabawalang lumabas ng baryo ang mga residente kahit pa sa sariling bukid, katabing baryo, o sa bayan lang sila pupunta. Sa pambihirang pagkakataong payagan silang lumabas, nililimitahan ng mga sundalo ang lugar at oras at sapilitang ipinapipirma sa logbook. Hinahalungkat din ang lahat ng dala nila laluna ang mga pagkain.
Sa nakaraan, karaniwang idinedeklara ang “lockdown” tuwing nagkakaroon ng armadong engkwentro sa pagitan ng mga pasistang tropa at ng Bagong Hukbong Bayan. Noong Martes ay ibinalita ng 8th ID ang isang sagupaan laban sa BHB sa Barangay Nagoocan, Catubig.
Matindi ang epekto ng “lockdown” sa kabuhayan, ayon sa rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka. “Hindi makatao kung paanong pinipigilan kaming maghanapbuhay na kakarampot nga ang kinikita namin. Ni hindi namin masamantala ang mataas na presyo ng kopra ngayon, lalo at maraming gastusin dahil sa paparating na pasukan.”
Pangamba pa ng PKM-Northern Samar, baka maantala din ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 16 dahil sa malawakang lockdown.
“Tanong namin kay Maj. Gen. Ariel Orio ng 8th ID, hanggang kailan ba ang pahirap na lockdown niyo? Sa sobrang kapraningan ninyo laban sa BHB, kahit kaming mga ordinaryong magsasaka ay ipinapahamak ninyo sa kampanyang kontra-insurhensya.”
Nanawagan ang PKM-Northern Samar na ipatigil na ang lockdown mga baryo at paalisin na ang mga sundalong namemeste sa kanilang lugar.
“Nananawagan din kami sa mga kapwa namin magsasaka na ilantad ang pahirap na lockdown na ito, laluna sa social media. Manawagan tayo sa ating mga upisyal ng barangay, bayan at prubinsya para agad na mapatigil at makabalik tayo sa payapang paghahanapbuhay,” pagtatapos nito.