Inianunsyo ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), iba pang mga grupo ng mga abugado at karpatang-tao na nakalaya na simula noong Setyembre 25 ang ilan sa mga inaresto sa protesta at naganap na salpukan sa Mendiola noong Setyembre 21. Hindi bababa sa 216 indibidwal, kabilang ang 91 menor de edad (9 taong gulang ang pinakabata), ang dinampot ng mga pulis at kalauna’y kinasuhan.
Ayon sa NUPL, ang mga sumailalim lamang sa inquest kay Fiscal Lester Jay Allan Flores II noong Setyembre 24 ang ipinag-utos ng Office of the City Prosecutor ng Maynila na palayain. Ang inquest ay isang di-pormal at mabilisang imbestigasyon na isinasagawa ng isang pampublikong piskal upang matukoy kung ang isang tao na inaresto nang walang mandamyento ay dapat manatili sa kustodiya at harapin ang pormal na mga kaso sa korte.
Paliwanag ng grupo, binigyang diin ng desisyon na ang detensyon sa mga inaresto simula pa Setyembre 21 ay labag sa Article 125 ng Revised Penal Code na nagbabawal sa detensyon nang higit 36 oras kung walang mandamyento. Katuwang ng NUPL sa pagproseso ng mga papeles ng nakakulong ang mga grupong Public Interest Law Center (PILC), SENTRA, PLACE at mga paralegal ng Karapatan.
Matatandaang bago nito, nagsampa ang mga grupo ng abugado ng mosyon sa Office of the City Prosecutor para agarang ibasura ang mga reklamo at palayain ang mga inaresto dahil sa iligal na detensyon.
“Habang ito ay magandang balita para sa ilan sa mga naaresto at kanilang mga pamilya, kabilang ang mga tinulungan ng NUPL, ang karamihan ay nananatiling pa ring hindi makatarungang nakakulong,” pahayag ng NUPL. Anang grupo, higit 100 pa rin ang nananatili sa detensyon at naghihintay sa resolusyon ng Office of the City Prosecutor.
Simula Setyembre 25, unti-unti na ring nakalaya mula sa detensyon ang mga menor-de-edad na dinampot at inaresto ng mga pulis. Ang ilan sa kanila ay iniharap ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso sa publiko at midya, na tinawag ng mga grupo ng abugado at karapatang-tao na paglabag sa karapatan ng mga bata at tamang proseso sa batas.
Samantala, iniulat ng University of the Philippines (UP) Diliman University Student Council na pansamantalang nakalaya sa bisa ng pyansa noong Setyembre 25 ang estudyante ng UP Diliman na si Mattheo Wovi Villanueva, isa sa mga inaresto sa Mendiola. Simapahan ng apat na patung-patong na reklamo si Villanueva kabilang ang paglabag sa Batas Pambansa 880, iligal na asembleya, serious disobedience at tumults and other disturbances.
Sa imbestigasyon at panayam ng NUPL at Karapatan sa mga biktima at kaanak ng mga biktima, kitang-kita ang malinaw na mga ebidensya ng karahasan at patung-patong na paglabag sa karapatang-tao ng mga inaresto. Marami ang mayroong bakas ng pambubugbog, mga sugat at pasa, at maging ulat ng sikolohikal at mental na tortyur mula sa mga pulis.
Noong Setyembre 26, nagtipon ang mga kaanak ng mga inaresto at grupo sa karapatang-tao at mga abugado para ilahad ang mga pag-abuso sa publiko at manawagan ng hustisya. Muli rin silang nanawagan na kaagad nang palayain mula sa detensyon ang lahat ng mga inaresto noong Setyembre 21 at ibasura ang mga kasong isinampa sa kanila.









