Sama-samang nagtirik ng kandila at naglunsad ng programa ang mga pambansa-demkratikong grupo sa Cebu City at Pasay City noong Hulyo 11 para gunitain ang ika-40 taon ng sapilitang pagwala kay Fr. Rosaleo “Rudy” Romano, C.Ss.R at Levy Ybañez. Pinangunahan ng grupong Desaparecidos, Karapatan at Karapatan-Central Visayas ang mga aktibidad sa dalawang syudad.
Dinukot ng mga pwersa ng estado si Father Romano noong Hulyo 11, 1985 sa Barangay Tisa, Cebu City. Sa araw ding iyon, sa Sanciangko St sa syudad ay dinukot rin si Levy Ybanez, isang tagapatanggol ng karapatang-tao.
Si Father Romano ay isang paring Redemptorist at masugid na tagapagtaguyod ng hustisya at karapatang-tao noong panahon ng diktadurang US-Marcos. Nagsilbi siyang kauna-unahang bise presidente para sa Visayas ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong dekada 1980s.
Bilang isang aktibistang pari, lumahok siya sa iba’t ibang misyon ng simbahan para tulungan at makiisa sa mahihirap sa Samar, Leyte, Dumaguete City at iba pang panig ng Visayas at Mindanao. Dahil sa kanyang pakikisangkot sa mga isyung panlipunan, inaresto ng rehimeng Marcos si Father Romano noong 1979.
Noong 1980, tumulong siya sa pagtatatag ng Visayas Ecumenical Movement for Justice and Peace at nagsilbing unang tagapangulo ng grupo. Naging katuwang din siya ng mga organisador ng mga manggagawa sa pagtatayo sa Alyansa sa Mga Mamumuo sa Sugbo (AMA Sugbo). Nagsilbi rin siyang tagapagsalita ng tatlog welgang bayan sa prubinsya sa pagitan ng 1984 at 1985. Naging bahagi rin siya ng Task Force Detainees of the Philippines.
“Hindi lamang sila kabilang sa maraming biktima ng madilim at marahas na panahon ng Batas Militar, kundi isa ring masakit na paalala ng pangangailangang ipagpatuloy ang kanilang mga adhikain at ituloy ang panawagan para sa hustisya,” pahayag ng Karapatan-Central Visayas.
Anang grupo, maging sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang taktika ng sapilitang pagkawala na ipinatutupad ng mga pwersa ng estado para supilin ang naninindigan at nakikibakang mamamayan. Sa ilalim ng rehimeng Marcos II, naitala ng Karapatan ang hindi bababa sa 18 desaparecidos.
“Tumindig si Father Rudy para sa mahihirap at inaapi. Patuloy nating kinikilala ang alaala ni Fr. Rudy sa pagpupunyagi sa ating pakikibaka para sa katotohanan at hustisya,” ayon pa sa grupo.
Ayon sa Bayan-Central Visayas, maaaring pinili sana ni Father Romano na talikuran ang karanasan ng mahihirap at bagtasin ang landas ng pagtaas ng pusisyon sa Simbahan ngunit sa halip ay nakipagsapalaran siya kasama ng mga dukha sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya at kalayaan.