Muling nanawagan ang grupong United Filipinos in Hong Kong (Unifil-Migrante-HK) ng hustisya para sa mga biktima ng iligal na rekrument at trafficking sa Hong Kong ni Prisca Nina Mabatid, dating konsehal sa Cebu City at punong ehekutibo ng PCVC Opportunities Abroad, Pinoy Care Visa Center, at PCVC-Opportunities Abroad.
Anito, dapat papanagutin ang Department of Migrant Workers (DMW) at administrasyong Marcos sa kapabayaan at kawalan ng aksyon hinggil sa mga biktima ni Mabatid.
“Halos dalawang taon na ngayong Hulyo ang kaso ng iligal na rekrutment at trafficking ng mga biktima ni Nina Mabatid dito sa Hong Kong subalit wala pa rin ang hustisya na kanilang ipinaglalaban,” pahayag ni Dolores Balladares, tagapangulo ng grupo. Aniya, makailang ulit na ring nakipag-usap sa mga kinatawan ng Konsulado ang mga biktima subalit ipinapasa lang sila Pilipinas.
Kinikilala ng Department of Migrant Workers, sa pangunguna ni Secretary Hans Cacdac, na ang mga nagreklamo ay biktima ng iligal na rekrutment at trafficking. Gayunman, hindi pa rin nakukulong si Mabatid sa kabila ng paglabas ng warrant of arrest laban sa kanya. Ang malala, nagawa pa niyang tumakbo bilang konsehal sa Cebu City noong nakaraang halalan. Wala ring nakuhang tulong pinansyal ang mga biktima sa AKSYON fund ng DMW.
Matatandaang noong 2017 hangang 2023 ay nanghikayat sila Mabatid sa mga migrante sa Hong Kong na mag-aplay para sa student visa para makapagtrabaho sa Canada. Nangako si Mabatid na ipuproseso ng kanyang kumpanya ang mga papeles ng tatlong buwan lamang. Pangako niya, makakukuha agad ng trabaho ang mga migranteng magpapatulong sa kanya para sa kanilang magiging pang-matrikula at panggastos sa paninirahan sa Canada.
Siningil ni Mabatid ang mga biktima ng ₱100,000 kada isa at pinapirma sa isang kasunduan na
hindi pwedeng i-refund o bawiin ang mga ibinayad na nila sa kumpanya. Hindi bababa sa 20 ang niloko ni Mabatid.
Nahatulan si Mabatid at mga kasabwat niyang sina Russ Mark Gamallo, Bryan Calaguim at tatlo pa para sa apat na kasong syndicated illegal recruitment at estafa noong 2024. Kinatigan naman ng Department of Justice ang hatol sa kanila noong Mayo 5.
Nababahala ang Unifil-Migrante-HK na mauuwi sa wala ang ilang taong pakikibaka ng mga biktima. Anila, nang magtungo ang mga biktima sa upisina ni Assistant Labor Attache Tony Villafuerte, sinabihan sila na ibinaba sa kasong fraud o panlilinlang ang kanilang reklamo sa halip na trafficking.
“Bakit nangyayari ito? Saan ba nakapanig ang ating gubyerno? Malinaw na kapabayaan ito! Malinaw na ang kinikilingan ng gubyerno ay ang mga ganid at iligal na rekruter gaya ni Mabatid. Mahusay lang ang gubyerno sa pangungolekta ng mga dagdag singilin sa mga OFW, subalit bulag at bingi sa kaso ng mga iligal na rekrutment at human trafficking,” pahayag ng grupo.
“Hindi dapat mauwi sa wala ang panawagan sa hustisya ng mga biktima. Hindi tayo titigil hangga’t hindi nakukulong si Mabatid at ang mga kasabwat niya. Patuloy ang ating protesta sa loob at labas ng bansa,” dagdag ni Balladares.
Nangako rin ang Unifil-Migrante-HK na patuloy itong mananawagan para makamit ang lubos na hustisya, kabilang ang pagbibigay ng kumpensasyon sa mga biktima ng scam at pagpapakulong sa mga salarin.