Nanawagan ng hustisya ang mamamayan ng Cagayan Valley para sa maliliit na minero na biktima ng pagguho ng isang minahan sa Sityo Balcony, Barangay Runruno sa bayan ng Quezon, Nueva Viscaya.
Pumasok sa loob ng tunnel sa compound ng FCF Mineral Corporation noong Hunyo 23 ng gabi ang limang minero na sina Alfred Dulnuan, Joval Bantiyan, Daniel Segundo, 47; Lipihon Ayudan, 56 at Florencio Indopia, 63. Gumuho ang lupa ng mina at nakulong sila sa loob nito. Dahil sa kawalan ng safety gear, nahilo at nawalan sila ng malay dahil sa kakulangan ng oxygen.
Napag-alaman na lamang ang aksidente kinabukasan, bandang ala-1 ng umaga ng kawpa nilang minero. Ngunit dahil sa kalayuan at kawalan ng signal sa lugar ay bandang 10:30 na ng umaga nakapag-ulat sa pulisya. Unang inakala ng mga awtoridad na patay na ang lima dahil wala silang malay nang nadiskubre.
Sa isinagawang pagsaklolo noong Hunyo 24, nasagip sina Dulnuan at Batiyan sa lalim na 300 metro. Noong Hunyo 25 nakuha ang bangkay ni Segundo sa lalim na 400 metro habang narekober ang bangkay nila Ayudan at Indopia noong Hunyo 26.
Dahil sa haba at sikip ng tunnel na dinadaluyan pa ng toxic na hangin ay nasawi rin ang isa sa mga volunteer rescuer mula sa Barangay Runruno na si John Philipi Guinhid.
Ang tatlong nasawi ay mga residente ng Runruno, habang si Bantiyan ay mula sa Maddela, Quirino.
Ayon sa Tanggol Magsasaka Cagayan Valley, imbis na pagmamalasakit ay tila dagdag pasakit ang kinakaharap ng nagluluksang komunidad ng Runruno na itinuturing ng mga awtoridad na “hotspot ng illegal mining.”
Tinukoy ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at iba pang ahensya ng gubyerno ang Barangay Runruno na may di reguladong maliliit na minahan. Karaniwang namimina sa sa barangay ay ginto. Noong 2021, naglunsad ng ‘crackdown’ o pagtugis ang MGB sa iligal diumano na mga minahan sa barangay na hindi dineklara bilang Minahang Bayan. Kung mauulit ang pagtugis ay mawawalan ng hanapbuhay ang napakaraming residente na dito lamang umaasa sa kanilang kabuhayan.
Binatikos ng Tanggol Magsasaka-CV ang panunugis sa maliliit na minero habang “hayok na hayok” naman na magbigay ng mga mining permit sa mga malalaking kumpanya sa mina tulad ng MetalsEx (na may-ari ng FCF) at OceanaGold. “Sa katunayan, ang mga operasyon ng malalaking minahan ang nagsasadlak sa mga komunidad tulad ng Runruno sa kahirapan at banta sa kalusugan dahil sa sinisira at nilalason nito ang kalikasang pinagkukunan ng pagkain at hanapbuhay ng mga residente,” paliwanag ng Tanggol Magsasaka-CV.
Ang OceanaGold ang nangangasiwa sa Didipio Mine sa Kasibu, Nueva Viscaya mula pa 2013 na nagmimina ng ginto at copper. Ang MetalsEX Mininng Company o Metals Exploration Plc ay isang gold production, exploration at development company na nag-ooperasyon sa Pilpinas at Nicaragua. Ang kumpanya ay nangangasiwa sa Runruno Gold Mine sa Nueva Viscaya mula pa 2016 at may exploration project para sa pagmimina ng ginto sa Abra.
“Proteksyon sa small-scale miners, hindi sa malalaki, mapanira, at mandarambong na dayuhang mining corporation!” panawagan ng Tanggol Magsasaka-CV.