Press Release

Hindi matatakpan ng maskarang “peace” ang mga krimen ng NTF-Elcac

CPP Information Bureau

Ang anunsyo na ang NTF-Elcac ay bubuwagin at gagawing National Task Force for Unity, Peace and Development ay isang desperadong hakbang ng rehimeng Marcos para pagtakpan ang korapsyon at madudugong krimen ng NTF-Elcac kasabwat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mamamayan.

Matapos ang pitong taong paninibasib sa buong bansa, “dapat lamang na buwagin ang NTF-Elcac na binuo ng nagdaang rehimeng Duterte para manguna sa brutal na gerang panunupil,” pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP). “Anong ‘kapayapaan’ ang kakatawanin nito kung parehong mga berdugong militar pa rin ang mamumuno at nakaupo dito.”

“Nakasusulasok ang umaalingasaw na baho ng NTF-Elcac. Dapat tuluyan na itong buwagin at ilibing,” ani Valbuena.

“Napakatindi ng pinsalang idinulot ng ahensyang ito sa mamamayan. Katuwang ito ng AFP sa pagpataw ng de facto na batas militar sa maraming komunidad ng magsasaka at katutubo sa kanayunan,” ayon kay Valbuena. “Duguan ang kamay ng NTF-Elcac.”

Dagdag ni Valbuena, ang NTF-Elcac ay “pasimuno sa walang-awat na paninindak at pandarahas sa mga magsasakang pinaghinalaan nilang sumusuporta sa BHB, at kanilang pwersahang ipinarada sa mga huwad na palabas ng mga ‘surenderi’, kapalit ng bigas at kakarampot na ayuda.”

“Ang mga tumatanggi ay tinatakot, ipinaaresto, o mas malala, pinapatay at pinalalabas na napatay sa mga pekeng engkwentro.”

“Pasimuno rin ito sa lansakang Red-tagging na pasakalye sa maraming ektrahudisyal na pamamaslang sa mga naninindigan at lumalaban sa pang-aabuso ng AFP at reaksyunaryong gubyerno, mula noong panahon ni Duterte hanggang sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ni Marcos.”

“Kung nasaan ang NTF-Elcac, naroon din ang pinakamadudugo at brutal na krimen sa digma,” aniya. “Kung hindi lumabas sa ICC ang Pilipinas, siguradong sasampahan ng kaso ang mga upisyal ng NTF-Elcac para panagutin sa kanilang mga krimen sa sangkatauhan.”

“Hindi lamang instrumento ng pasismo ang ahensya, ginawa ring palabigasan ng mga upisyal militar at mga tauhan nito ang ilang bilyong pisong badyet para sa tinatawag na E-CLIP, pati na ang sa mga kalsada at gusali sa ilalim ng Barangay Development Project,” dagdag ni Valbuena.

“Walang silbi at walang nagtagal sa ipinagmamayabang na mga proyektong BDP ng NTF-Elcac,” ayon kay Valbuena. “Marami sa mga ito ay pagsisemento ng mga daan na alam naman ng lahat ay pinagkunan ng kurakot ng mga upisyal ng militar at mga kasabwat na kontraktor.”

“Pagwawaldas lamang ito ng kabang-yaman ng bayan at pagsira sa mga sakahan, para magamit na daanan ng mga sasakyang-militar,” dagdag ni Valbuena. “Ang kailangan ng masang magsasaka ay tunay na reporma sa lupa, hindi kalsada.”

“Bukambibig ng mga upisyal ng Elcac na bubuwagin nila ang CPP at NPA, pero ang katawa-tawa, sila pala ang mauunang mabubuwag,” ayon kay Valbuena. “Buhay na buhay ang rebolusyonaryong diwa ng mamamayang Pilipino. Hanggang hindi nalulutas ang kahirapan, kaapihan at pagsasamantala ng mayorya ng mga Pilipino na siyang ugat ng armadong paglaban, patuloy na lalaban, lalakas at lalawak ang NPA sa buong bansa.”

The post Hindi matatakpan ng maskarang “peace” ang mga krimen ng NTF-Elcac appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.