Sumisingaw ang nakasusulasok na baho ng burukrata kapitalismo sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr—ngayon, sa usapin naman ng libo-libong palpak at pekeng flood control project na nakakalat sa buong bansa. Sa kabila ng pagmamalinis ni Marcos Jr at ng iba pang mga pulitiko, malinaw na si Marcos Jr mismo ang nagpahintulot ng pagwaldas ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa mga palpak na proyektong ito, para mapakinabangan niya, kasama ang kanyang mga alipores, ang limpak-limpak na halaga sa kickback.
Sa madaling salita, sa konteksto ng lumalalang bagyo dulot ng pagbabagong-klima, pinagkakakitaan ng naghaharing-uri ang paghihikahos ng taumbayan sa sunod-sunod na pagbaha. Imbis na makatulong, ang mga proyekto nila’y nagdudulot pa ng mas matinding kalamidad.
Sa sistema ng burukrata kapitalismo kung saan ginagawang negosyo ang pagpapatakbo ng gobyerno, wala tayong ilusyon na masosolusyunan ang suliranin ng baha sa pakitang-tao ni Marcos Jr at ng mga reaksyunaryong pulitiko. Sa isinasagawang “imbestigasyon” at “paglilitis” kuno ng reaksyunaryong estado, maaring may maparusahan na iilang kurakot na opisyales at kontraktor. Pero sa kabuuan, dahil nasa kamay ng naghaharing-uri ang proseso, walang makabuluhang pagbabago ang mangyayari sa sistema ng burukrata kapitalismo. Ang malinaw na pruweba nito ay ang katotohanang walang posibilidad na maparusahan mismo si Marcos Jr. at ang kanyang mga kakampi sa kanilang pangungurakot, kahit may ebidensya na nakinabang sila mismo sa kickback mula sa mga flood control project.
Sa ganitong lantarang kabulukan ng sistema, umaapaw na ang galit ng mamamayang Pilipino. Ngunit pagkatapos ng serye ng militanteng kilos-protesta sa tapat ng opisina ng DPWH at sa opisina ng magnanakaw na kontraktor na si Discaya, nanawagan ang Malacañang na “kumalma” ang mga tao at huwag nang ilabas ang galit sa “marahas” na paraan; respetuhin na lang daw ang batas at proseso ng reaksyunaryong rehimen. Takot na takot ang rehimeng US-Marcos Jr na mayanig ang korap at bulok na sistema ng gobyerno sa bansa.
Bilang mga rebolusyonaryong siyentista at inhinyero, kinikilala ng LAB na hindi kailanman masosolusyunan ang problema ng baha at tumitinding epekto ng kalamidad sa lipunang malakolonyal at malapyudal. Ang siyentipiko, makamasa, at makakalikasang solusyon sa lumalalang baha at kalamidad—kabilang dito ang paglalagay na sapat na pondo para sa pamublikong serbisyo, pangangalaga sa mga watershed area, pagtatayo ng mga proyektong angkop sa tereyn at kalagayan ng lugar, pananaliksik ukol sa pagbabagong-klima, at pagtitiyak ng kaligtasan ng mga komunidad sa mga eryang likas na mapanganib—ay haharangan at haharangan ng burukrata kapitalismo. Walang interes ang mga pulitiko ng reaksyunaryong rehimen sa tunay na solusyon sa baha at kalamidad hangga’t nabubulsa nila at ng kanilang mga alagang kumpanya ang pera ng taumbayan sa pamamagitan ng mga maanomalya at gawa-gawang proyektong imprastruktura.
Ang lahat na ito’y patunay lamang na, sa kasalukuyang panahon, ang natatanging siyentipikong solusyon para sa problema ng baha ay buwagin ang mga ugat ng problema ng lipunan: ang burukrata kapitalismo, pyudalismo, at imperyalismo. Sa ibang salita, kailangang ipagtuloy at ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba, sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Sa pagpapabagsak ng paghahari ng mga imperyalista, burgesya komprador, at panginoong maylupa, dito lamang magiging posible ang tunay na siyentipiko, makamasa, at makakalikasang tugon sa baha.











