Pinasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan-Leyte Island (Mt. Amandewin Command) ang pahayag ng 93rd IB at 802nd IBde na isang engkwentro ang naganap sa pagitan ng dalawang armadong pwersa noong Hunyo 18 sa Barangay Cogon, Carigara, Leyte. Ayon sa hukbong bayan, hindi armado at walang kakayahang lumaban ang tatlong Pulang mandirigma na pinatay ng 93rd IB.
Kinundena ng pamprubinsyang kumand ang walang-awang pagpaslang ng 93rd IB sa dalawang Pulang mandirigmang hors de combat at kasama nilang medik. Ayon sa yunit, may sakit at nagpapagaling noon sina Juanito Selleca Jr (Ka Tibor/Ka Rey) at Sadam Paclita (Ka Dimple) nang salakayin at pagbabarilin ng mga sundalo. Pinaslang kasama nila si Lino Delante (Ka Dodong), isang medik na nag-aalaga sa mga pasyente.
“Walang dalang riple ang mga kasamang napaslang dahil sila ay mga pasyente…makaisang-panig na pamamaril ang nangyari,” ayon sa BHB-Leyte Island. Malinaw umano ang intensyon ng mga sundalo na patayin ang tatlo dahil kung gugustuhin ay kaya nilang dakpin ang tatlo.
Tulad ng karaniwang modus ng Armed Forces of the Philippines, pinalabas ng 93rd IB na nakumpiska sa tatlong pinaslang ang isang M16, isang kalibre .45 pistola, isang granada, mga personal na gamit at subersibong mga dokumento para pagmukhaing makatotohanan ang labanan.
Sa pagkuha sa mga bangkay ng mga martir, kasama ng 93rd IB si Alma Gabin, isang traydor na kinamumuhian ng masa, tagapaghabi ng kasinungalingan, ahente ng militar at National Task Forces-Elcac. Si Gabin ay nagsisilbi ngayong presidente ng Eastern Visayas Peace Builders and Development Federation Inc, grupong itinatag, kinokontrol at pinagkakakitaan ng militar.
Nanawagan ng hustisya at pananagutan ang BHB-Leyte Island sa mga paglabag sa alituntunin ng digma at internasyunal na makataong batas. Malinaw na isinaad sa mga alituntuning ito ang pangangalaga at pagkilala sa karapatan ng mga hors de combat at medik.
Binigyang parangal ng yunit ang tatlo nitong Pulang mandirigma at tinawag nilang mga tunay na bayani at minamahal na anak ng bayan. “Pinili nilang iwan ang komportableng buhay upang buong-panahong maglingkod sa masang magsasaka. Tinanggap at pinangibabawan nila ang mga sakripisyo ng armadong pakikibaka sa ngalan ng dakilang adhikain na kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya para sa mamamayang Pilipino,” anito.
Nangako naman ang yunit ng hukbong bayan na magpapatuloy at magpupunyagi para ipagpatuloy ang naiwang pakikibaka ng mga martir. “Anumang hirap ang harapin,” anang hukbong bayan.