Ang Bayan Editoryal | Marso 7 2019
Walang tigil ang paglala ng panlipunan at pang-ekonomyang kalagayan ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng rehimeng Duterte bunga ng pabigat nitong mga patakaran. Laging bigo ang araw-araw na indibidwal na pakikibaka para mabuhay. Hinahagisan sila ni Duterte ng masisimot na mumo habang binubusog ang malalaking oligarkong nagpapakabundat.
Ang umiiral na kundisyon ay nagtutulak sa mga rebolusyonaryong pwersa na bigyang atensyon ang hiyaw ng malawak na masa para sa solusyong kagyat at pangmatagalan sa kanilang hinaing, upang tipunin ang kanilang lakas sa milyun-milyon at mabisang isulong ang kanilang mga karapatan at kagalingan.
Nanggagalaiti sa galit ang milyun-milyong Pilipino dahil sa lubhang di mabatang kalagayan ng kawalan ng trabaho, kawalan ng bahay, mababang kita, mataas na presyo, kakulangan ng batayang utilidad at serbisyong panlipunan, kakulangan sa subsidyo ng gubyerno, pagkasira ng mga imprastrukturang pampubliko, pang-aagaw ng lupa at dislokasyon sa kanayunan, at iba pang mapanalantang epekto ng mga kontra-mahirap na patakaran ng rehimeng Duterte. Patuloy na dumarami ang mga nabubuhay sa kahirapan.
Sa mga syudad at kabayanan, araw-araw na pinahihirapan ang masang anakpawis sa kawalan ng malinis na tubig, mataas na bayarin sa kuryente, bulok na sistema ng pampublikong transportasyon at trapik, at mataas na gastos sa edukasyon, presyo ng langis at singil sa komunikasyon. Lahat nang ito ay ipinailalim sa pribatisasyon at pinatatakbo sa ngalan ng tubo. Daan-daang libong walang disenteng pabahay ang humaharap sa bantang mapapalayas sa kanilang mga barungbarong sa ngalan ng paglilinis ng kapaligiran habang itinutulak ang mapaminsalang reklamasyon para ihain sa malalaking negosyong gutom sa lupa.
Todo-todo ang pagtulak sa pagpapalit-gamit sa lupa para bigyang-daan ang konstruksyon ng mga dam, operasyon sa pagmimina, turismo at enerhiya, at mga proyektong pang-imprastruktura, pati na ang pagpapalawak ng mga plantasyon. Dagdag pa rito ang lalong liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas at iba pang kalakal pang-agrikultura na banta sa lokal na produksyon at kabuhayan sa kanayunan.
Nananatiling mataas ang disempleyo sa harap ng pagbulusok ng bilang ng nalilikhang bagong trabaho sa pinakamababang antas sa dalawang dekada, sanhi ng maraming taon ng bumabagsak na lokal na produktubidad. Sa araw- araw, libu-libo ang natutulak na mangibang-bansa para maging kontraktwal na mababang kita.
Malaking pasanin sa sambayanang Pilipino ang rehimeng Duterte. Pabigat na buwis ang ipinataw nito sa bayan. Nagpapakainutil, walang kakayahan at walang pakialam ito sa sigaw ng bayan para pigilan ang pagbagsak ng kalidad ng kanilang buhay.
Daan-daang bilyong pisong pondong pampubliko ang ibinubulsa ng mga bulok na upisyal sa anyo ng mga suhol, lagay at pork barrel, sinisipsip ng mga pinapaburang pribadong negosyo sa anyo ng mga proyekto at kontrata sa gubyerno, at winawaldas sa magastos na mga kagamitan at operasyong militar. Nagkakamal ng yaman ang mga superyaman nang oligarko. Lublob sila sa luho at karangyaan habang nalulunod sa gutom at labis na kawalan ang mayorya ng mamamayan.
Sa harap ng sumusulak na galit ng bayan, ipinatutupad ng rehimeng Duterte ang mga hakbanging tulad ng tinaguriang “universal health care,” “conditional cash transfer,” “reporma sa lupa,” mga proyektong pabahay at iba pang programang “pangkagalingan.” Pawang pakitang-tao at pantagpi ang mga ito na tumatabon at nagpapanatili lamang sa pribatisasyon, pagkaltas sa badyet panlipunan, deregulasyon, malawak na pagpapalit-gamit ng lupa at iba pang mapanalantang patakarang neoliberal.
Nais ng mga Duterte—hari ng burukratang kapitalismo—at kanyang mga alyado, na manatili sa poder at pribilehiyo. Iba’t ibang gera ang sinimulan ng kanyang rehimen upang mang-upat ng panatisismong pasista at bigyan ng malawak na kapangyarihan ang militar at pulis sa kapinsalaan ng mga karapatang demokratiko. Sa despotikong paggamit ng estado poder at karahasan, sinusupil nito ang lahat ng anyo ng makatwirang oposisyon at binubusalan ang hinaing ng bayan.
Sa harap ng malubhang kundisyong panlipunan at pang-ekonomya at kawalang-habag ng rehimeng Duterte, walang ibang masusulingan ang mamamayang Pilipino kundi ang kolektibong sumigaw at igiit ang kanilang mga kahilingan. Ang dami nila’y lakas na dapat panghawakan.
Para isulong ang kanilang demokratikong pakikibaka, nananawagan ang Partido sa lahat ng aktibista na lumubog sa masa at itransporma ang galit ng bayan sa pagkilos ng masa. Dapat matamang bigyang-atensyon ang kapakanan, saloobin at hangarin ng bayan.
Dapat wala silang kapaguran sa pagkakampanya para pukawin at pakilusin ang masa sa layong harapin at lutasin ang malalaki at maliliit na suliraning araw-araw na nagpapahirap sa kanila. Regular na ilunsad ang mga asembliyang pang-masa para talakayin ang mga usapin at upang ihinga ng bayan ang kanilang mga pananaw. Sa kasalukuyang kampanya sa eleksyon, obligahin ang mga kandidatong humarap sa bayan at sagutin ang kanilang mga kahilingan.
Dapat gamitin ng mga aktibista ang bawat pagkakataon na magpropaganda, sa mga talakayang grupo man, o sa pamamahagi ng polyeto, o pagtatalumpati sa kalsada, mga bus, dyip o klasrum. Itransporma sa mga sentro ng aktibismong pangmasa ang mga komunidad, pabrika, iba pang lugar ng paghahanapbuhay, paaralan at iba pa.
Dapat din silang magpakahusay sa ahitasyon at pagpukaw sa bayan na kumilos upang papanagutin ang reaksyunaryong gubyerno sa ipinataw nitong pabigat na buwis, paghadlang sa umento sa sahod, labis na pangungutang, pagbenta ng patrimonya ng bansa at iba pang hakbanging kontra-mahirap sa ilalim ng mga patakarang neoliberal. Dapat ibayong itaas ang kamulatan ng bayan sa paglantad sa pagmamanikluhod ng rehimen sa pampinansya at pangkomersyong interes ng mga imperyalista.
Dapat palakasin ang loob ng masa na igiit ang kanilang mga karapatang sosyo-ekonomiko, pati na ang mga karapatang demokratiko, sa harap ng pinasidhing pagsupil ng estado. Dapat nilang ilantad ang ugnayan ng pagtindi ng pasismo sa krisis panlipunan, at sa pagkukumahog ng naghaharing pangkating Duterte na pigilan ang mamamayan na magbangon na nakakuyom ang kamao. Dapat gawing malinaw na malinaw ang pangangailangan para sa pambansa-demokratikong pakikibaka.
Dapat tumulong silang igpawan ang pagkakawatak-watak at disorganisasyon at masigasig na itatag ang lahat ng anyo ng organisasyong masa para katawanin ang interes at kahilingan ng mamamayan. Buuin ang mga alyansang lokal at pambansa sa batayan ng kumon ng pangsektor at pang-uring interes, at pakilusin ang mamamayan sa mga demonstrasyon sa buong kabayanan, prubinsya, rehiyon at bansa.
Pabor para sa mabilis na paglaki ng Partido ang umiiral na sitwasyon. Dapat mabisang pamunuan ng mga nangungunang kadre ng Partido ang praktikal na gawain ng mga aktibista at maging huwaran sa walang kapagurang pagpopropaganda at pag-oorganisa sa masa. Dapat mahigpit silang magsagawa ng mga pag-aaral sa ideolohiya, magtasa at maglagom, at laging itaas ang antas ng gawain. Ang abanteng mga aktibistang masa ay dapat mabilis na rekrutin sa Partido. Dapat magbuo ng libu-libong bagong sangay ng Partido, at palawakin at palakasin ang mga nakatayo na.
Sa matiyagang pagpopropaganda at pag-oorganisa, at matamang pagsubaybay sa antas ng kamulatan ng masa, mahusay na mapupukaw ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang masa para isagawa nila ang papalaking mga pagkilos. Kung iisipi’y mistulang tuyong dayami ang kalagayan ng bayan, mula sa maliit na diklap, sisiklab ang malaking apoy ng paglaban ng masa.
Habang pinalalakas ang pakikibaka ng bayan para sa kanilang mga karapatang pang-ekonomya at kanilang kagalingan, dapat ding magbantay laban sa repormismo, ekonomismo, sektoralismo at iba pang tendensyang pumipigil sa pag-unlad ng rebolusyonaryong kamulatan ng mamamayan. Ang araw-araw na pakikibaka ng bayan ay dapat iugnay, sumuporta at tumulong sa pagpapalakas ng digmang bayan.