Naglabas ng hinaing ang mga nars at ang Filipino Nurses United (FNU) hinggil sa patakaran ng gubernador ng Laguna na si Gov. Sol Aragones na nagbabawal ng “mataray” na manggagawang pangkalusugan sa loob ng mga ospital at pasilidad pangkalusugan sa prubinsya. Ang patakaran ni Aragones ay lumikha ng mainit na debate na nagbunton ng sisi sa mga nars at kanilang “hindi propesyunal” na pag-uugali sa trabaho.
Layunin umano ng patakaran na ipagbawal ang pagiging mataray, bastos, o hindi magalang na asal ng mga manggagawang pangkalusugan sa mga pasyente. Bahagi nito ang laging pagpapakita ng ngiti, respeto, at malasakit sa mga pasyente. Papatawan ng karampatang parusa ang sinumang lalabag dito.
“Bilang isang pambansang samahan ng mga nars, hindi kinukunsinti ng FNU ang hindi propesyonal na pag-uugali. Gayunman, nauunawaan namin kung saan nagmumula ang pagkasiphayong ito,” pahayag ng grupo. Anang FNU, hindi makatotohanang umasa ng mainit na pagtanggap sa isang ospital o pasilidad pangkalusugan na kinatatangian ng pagsasamantala at pamalagiang pagsasantabi sa hinaing ng mga manggagawang pangkalsugan.
Paliwanag ng grupo, dapat unawaain nila ang sitwasyon ng kada isang nars sa pampublikong ospital na nag-aasikaso sa 20 pasyente sa 12-16 oras na shift, habang gumagampan pa ng ibang mga trabaho dahil sa kakulangan ng istap. “Nagiging kalakaran na ang obertaym. Kadalasang nawawalan sila ng day off,” ayon sa FNU.
Dagdag pa dito, ayon sa grupo ng mga nars, ang napakababang sweldo na kanilang tinatanggap na lubhang malayo sa halaga ng nakabubuhay na sahod. “At kung magpapahayag ng kanilang mga hinaing, pagsasabihan lang sila o mas matindi pa nga, i-reredtag,” ayon pa sa FNU.
Naniniwala ang grupo na hindi naman talaga maganda ang pagiging “mataray” pero gayundin ang kawalang pakialam ng mga awtoridad na nagpapairal ng isang mapanganib na lugar ng trabaho sa pamamagitan ng kakulangan sa pondo, mahinang pamamahala, at kapabayaan. “Ang tunay na kabiguan ay nasa mga taong responsable sa pagtitiyak ng maayos na kundisyon sa trabaho, patas na sahod, at dignidad para sa mga nars—ngunit walang ginagawa,” pahayag ng FNU.
Ganoon na lamang ang pagkadismaya ng FNU nang suportahan at palakpakan ng kalihim ng Department of Health (DoH) na si Sec. Teodoro Herbosa ang patakaran ng Laguna. Nagpahayag pa si Herbosa na pag-aaralan ang patakaran at posibilidad na ipatupad ito sa pambansang saklaw.
Sumasaw rin sa usapin si Sen. Ramon Tulfo na nagmungkahi sa mga manggagawang pangkalusugan na magbitiw na lamang sa trabaho ang mga napapagod at nahihirapan sa kanilang trabaho. “Sa totoo lang, hindi na kailangan pang manawagan ni Tulfo na magbitiw sa trabaho… dahil nangyayari na ito,” ayon sa FNU. Marami umanong mga bata at beteranong nars ang maramihang umaalis sa bansa para mangibang bayan kung saan iginagalang ang kanilang kakahayan at sinuswelduhan sila nang tama.
“Mag-ingat ka sa hinihiling mo. Totoo ang exodus (maramihang pag-alis),” ayon pa sa FNU. Maging ang kalihim umano ng DoH ay naglabas na ng pahayag ng paghikayat sa mga nars na manatili sa bansa ngunit mananatili itong hungkag sa harap ng nagpapatuloy na pagsasantabi sa mga manggagawang pangkalsuguan.
Nagpahayag rin ng agam-agam sa patakaran ang grupo ng mga estudyanteng kumukuha ng kurso sa pagnanars na Philippine Nursing Students’ Association-National.
Anang grupo, “tungkulin ng gubyerno na siguruhing natatamasa ng mamamayan ang karapatan sa kalusugan at ang pinakamataas na antas ng pangangalaga…ang kalusugan ng mamamayan ay nakasalalay sa maganda at makataong kalagayan ng ating mga manggagawang pangkalusugan kung kaya ay dapat tiyaking buong-buo ang suporta nito para sila rin ay mabigyang-kalinga at maalagaan.”