Cleo del Mundo | Spokesperson | NPA-Quezon (Apolonio Mendoza Command) | Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command) | New People’s Army
Garapal at tunay na walang pakialam ang rehimeng US-Marcos Jr. sa kahirapan at matinding krisis na nararanasan ng mamamayang Pilipino. Habang ang panawagan ng gobyerno ay maghigpit ng sinturon ang pamilyang Pilipino, bilyun-bilyon naman ang nilulustay at pangunahing inilaan sa mga gamit pandigma, dagdag na allowance para sa mga sundalo at iba pang para sa sektor ng militar. Labas pa ang mga nakakapagngitngit na paglustay ng confidential funds ng mga opisyal ng gobyerno sa pangungunan ni VP Sara Duterte.
Bibili ng panibagong mga fighter jets, liban pa ang mga blackhawk helicopter mula sa bansang Unites States. Nagkakahalaga ang mga fighter jet ng mahigit 5 bilyong dolyar.
Una, hindi pa nadalâ ang Pilipinas sa mga palyadong gamit militar na mula rin sa bansang ito. Nagkakailan ang mga gamit militar na bumagsak, nasira at ikinapinsala ng mga sundalong Pilipino at kahit ng sundalong Amerikano. Hindi naman papayag ang among Kano na maging kasing lakas niya ang kanyang tuta.
Pangalawa, sa koro ng mga heneral ng AFP na para sa pagpapalakas ng eksternal at internal na depensa, isinusubo ang mamamayang Pilipino kahit ang sundalong Pilipino sa walang mahihitang gera ng mga imperyalistang bansa. Isinusubo ang mamamayan sa lalong pagkawasak ng buhay at kabuhayan sa pagpasok sa gerang iniluluto ng US laban sa Tsina. Ang mga digmang inilulunsad ng berdugong armadong pwersa ay gera laban sa mamamayan. Ang biktima ng walang pakundangang pambobomba, straffing at iba pang malalakas na armas pandigma ay ang milyun-milyong mga inosenteng sibilyan.
Sino ang mananalo at magbebenipisyo pagkatapos ng gera? Kung sino ang may pinakamaraming nabentang armas pandigma at kung sino ang pinakamaraming kontratang nakuha para sa rehabilitasyon ng nawasak ng gera.
Tiyak na hindi ang mamamayang Pilipino ang magwawagi.
Pangatlo, habang pinapagtiis sa barya baryang 30-40 pesos na taas sahod para sa mga manggagawa, ang dati ng libu-libong sahod ng mga sundalo at pulis ay dinagdagan pa ng 150 pesos para lamang sa kanilang daily allowance. Aabot na ito ng 300 pesos kada araw.
Dahil ba sila ay mga bayani?
Insulto ito sa wala pang singkwenta pesos na arawang kita ng mga magniniyog sa probinsya ng Quezon na kailangan pagkasyahin ng pamilyang may limang miyembro. Sukdulang hindi kumain ng tatlong beses sa isang araw ang pamilya.
Paano naman ang mga taong araw-araw nagtratrabaho at nag-aambag sa lakas paggawa at kita ng bansa?
Habang kumikita taun-taon ang bansa ng aabot sa 3 bilyong dolyar sa eksport ng produktong niyog, kailangan magkasya at magtiis ng mga magniniyog sa taas baba ng presyo ng kopra. Naglalaro na sa mahigit 60 pesos kada kilo ang presyo ng kopra sa probinsya sa kasalukuyan pero sa halip na ikatuwa ng magsasaka sa niyugan, lalo lamang silang nababaon sa utang dahil sa higit na mataas na halaga ng konsumo at maliit na bilang ng bunga ng niyog sanhi ng matinding init ng panahon.
Hindi ba sila rin ay mga bayani? Ang mga lumilikha ng yaman ng bansa na hindi naman sa kanila napupunta? Hindi ba sila rin ay nagbubuwis ng buhay sa araw-araw na walang katiyakan ng trabaho at pagkain?
Walang pinag-iba ang Duterte noon at Marcos Jr. ngayon. Parehong bingi at bulag sa kalagayan ng mamamayan. Parehong hayok sa digma, hindi para ipagtanggol ang bansa kundi para sa sariling kita mula sa digma.
Sa kahulihulihan, sino ang kaawa-awa? Sa mamamayang nakikibaka, lalo lamang itong magsisindi ng alab ng paglaban, ang kagustuhan ng tunay na pagbabago. Hindi sa pagpapalit ng nakaupo tuwing halalan na nagluklok sa tulad nilang mga pabaya, pasista, korap at tuta. Hindi iyan ang kanilang magiging sagot.
Ang pagsulong at tagumpay ng digmang bayan ang sagot sa pagbagsak ng bulok na sistema. Itatayo ng mamamayan ang kanilang gobyernong bayan katuwang ang hukbong bayan.