Nagpahayag ng matinding pagkabahala at pagkundena ang grupong Gabriela hinggil sa militarista at pasistang pagtugis ng rehimeng Trump sa mga imigrante sa California. Ang California ang may pinakamalaking populasyon ng mga Pilipinong imigrante sa US na tinatayang umaabot sa 1,705,090.
Mula pa noong Hunyo, ginamit na ng administrasyon ang militar sa Califormia bilang dagdag pwersa sa US Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa pagtugis, pagdukot at pagkulong sa mga imigrante sa US.
Ayon sa Gabriela USA, mula nang bumalik si Trump sa katungkulan, parami ng parami ang mga Pilipinong imigrante ang nakukulong kada buwan. “Ang pasistang administrasyon ni Trump ay naglikha ng klima ng matinding takot sa hanay ng mga komunidad ng mga imigrante at nagpaparusa sa mga pinakabulnerable. Ang mga patakaran ng pagtugis ay hindi lamang nakakaapekto sa mga hindi dokumentadong imigrante kundi pati sa mga may legal na istatus at matagal nang naninirahan sa US”.
Noong Hulyo 7, daan-daang armadong pwersa ng ICE at Department of Homeland Security ang lumusob sa MacArthur Park sa Los Angeles upang mang-aresto ng mga imigrante na namamasyal sa parke. May aktibidad din para sa mga bata sa parke sa araw din na iyon. Agad namang sumalubong ang mga residente, aktibista at mayora ng syudad upang tutulan ang panunugis ng ICE.
Kinundena ng Gabriela LA, Filipino Migrant Center at Tanggol Migrante Network ang insidente. Anila, “ginagawang nomal ng rehimen ang karahasan laban sa mga imigrante habang ginagawang manhid ang publiko sa militaristang pagpapatupad ng pagtugis sa imigrante sa ating mga komunidad.”
“Bakit nagbubulagbulagan ang rehimeng US-Marcos sa panunugis at pagturing na kriminal sa mga Pilipinong naghahangad ng mas mabuting buhay sa US? Nakakabingi ang kanyang pananahimik at kasuklam-suklam ang kanyang pangangayupapa sa kanyang among US sa gitna ng pagtugis sa mga Pilipino” puna ni Cora Agovida, pangalawang tagapangulo ng Gabriela.
Sa kabila ng mga pinagdadaanan ng mga Pilipino sa US, mabagal at kulang ang pagtugon ng konsulado at embahada ng Pilpinas sa mga pangangailangan ng mga kasalukuyang nakakakulong na mga Pilpinong imigrante,
“Mabilis na tawaging ‘bayani’ ang mga migranteng Pilipino ni Marcos Jr at lahat ng mga pangulo na nauna sa kanya, dahil sa remitans na pinapadala ng mga ito na krusyal sa ekonomiya ng bansa, ngunit tahimik sila sa pagtugon sa marahas na sitwasyong kinakaharap ng mga migrante sa ibang bansa.”
“Nananawagan kami na kagyat na tugunan at protektahan ng administrasyong Marcos ang ating mga kababayan sa US. Nananawagan rin kami sa mga nagtataguyod ng karapatang tao, organisasyon ng mga migrante at mga alyado sa Pilipinas at sa ibang bansa na tutulan ang mga pasistang patakaran ni Trump. Dapat tayong magkaisa na ipagtanggol ang karapatan at dignidad ng mga imigrante at labanan lahat ng porma ng karahasan at pang-aapi ng estado” panawagan ng Gabriela.