Ang Bayan Ngayon » Fluvial parade kontra dredging sa Ilocos Sur, inilunsad

Nagtipon at naglunsad ng fluvial parade ang halos 200 katao malapit sa bunganga ng Abra River sa Ilocos Sur noong Hulyo 16 para ipanawagan ang pagpapatigil sa operasyong dredging ng Isla Verde Mining and Development Company (IVMDC). Ang pagkilos na pinangunahan ng Defend Ilocos Sur ay nilahukan ng mga residente ng mga apektadong barangay ng Santa at Caoayan.

Ayon sa mga residente, ang dredging na sinimulan noong Mayo 2024, ay nakasisira sa kalikasan at kanilang kabuhayan. Pinahintulutan ang operasyon sa bisa ng kasunduan sa pagitan ng IVMDC at tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa rehiyon noong Hunyo 2022. Binigyan rin ng Department of Public Works and Highways at Mines and Geosciences Bureau ang operasyon.

Sa huling tala noong Disyembre 2024, nakapaghukay na ang kumpanya ng higit walong milyong kubiko metro ng materyal mula sa Banaoang River na isang bahagi ng Abra River. Dinala ito sa Pasay City para gamitin sa isang proyektong reklamasyon.

Mula’t sapul, inireklamo na ng mga residente sa 12 barangay ng mga bayan ng Santa at Caoayan ang ingay, mas matinding pagguho ng buhangin sa baybayin, at bumababang huli ng isda dahil sa dredging. Nagbabala rin ang mga tagapagtaguyod ng kalikasan laban sa epekto ng operasyon.

Sa higit isang taon ng dredging, pinapasan ng mga mangingisda sa komunidad ang negatibong epekto nito sa kanilang kabuhayan. Bumaba ang nahuhuli nila dahil natataboy ang mga isda ng malakas na ugong (vibration) ng malalaking barko.

Inireklamo rin ng mga mangingisda ang amoy at lasang gasolina na mga isdang nahuhuli malapit sa baybayin. Ang iba sa kanila, natulak na mangisda nang hanggang 30 milya ang layo mula sa baybayin para lamang makahuli ng sapat.

Isiniwalat ni Dr. Fernando Siringan, eksperto sa marine at coastal geology, na mali ang lugar ng operasyon ng dredging kung ibabatay sa isinaad nitong layunin na pigilan ang pagbaha. Aniya, mayroong mga bahagi ng Banaoang River na dapat hukayin pero hindi ang erya kung saan ito isinasagawa sa ngayon. Imbes na mapagilan, pinatitindi nito ang posibilidad ng pagbaha.

Liban sa masamang epekto ng dredging, binatikos ng mga residente ang kawalan ng kahit anong pampublikong konsultasyon para sa operasyon. Nagkaroon lamang ng porum sa Barangay Rancho sa Santa noong Nobyembre 2024 habang nasa kalagitnaan na ang proyekto.

Nagpahayag ng suporta sa laban ng mga residente kontra sa dredging ang ang kura paroko ng Our Lady of Hope Parish sa bayan ng Caoayan na si Fr. Robert Somera. Direkta siyang nanawagan sa meyor ng bayan na si Germy Singson-Goulart para igiit anng pagpapatigil sa dredging.

Aniya, labis ang takot ng mamamayan na magpahayag ng pagtutol sa proyekto laluna at makapangyarihang pamilya ng mga Singson ang nakaupo sa poder. “Natatakot sila, laluna ngayon na nagpapamudmod na ng pera…kaya ako ngayon ang nagpapabatid nito sa’yo—ako ang nakikiusap sa’yo, sa inyong magkakapatid,” pahayag ni Fr. Somera sa wikang Ilokano sa panayam sa Bombo Radyo Vigan.

Ang magkakapatid na tinutukay ng pari ay sina dating gubernador ng Ilocos Sur na Luis “Chavit” Singson at kasalukuyang nakaupong gubernador na si Jeremias Singson. Ang magkakapatid na Singson ay nagpahayag ng suporta sa dredging.

Bago ang fluvial protest, nangalap ng pirma ang Defend Ilocos Norte para sa petisyon kontra sa proyekto. Panawagan nila at ng mga apektadong residente, itigil ang dredging sa pinakakagyat na panahon, bayaran ng kumpensasyon ang mga nawalan ng kabuhayan, isapubliko ang mga dokumento at siyentipikong pag-aaral hinggil dito, at panagutin ang kumpanya sa pangwawasak at epekto ng operasyon sa komunidad.

Nakiisa sa pagkilos ng mga komunidad ang Youth Alliance for Climate Action. “Higit pa ito sa isyung pangkalikasan—ito ay tungkol sa hustisya, respeto, at kaligtasan,” ayon sa grupo.

Source link