PRWC » ELCAC-Serbisyo Caravan sa Sablayan, hindi para sa mga Katutubong Mangyan kundi para sa mapandambong na Mindoro Nickel Project!

Mapanlinlang at punung-puno ng pasismo ang inilunsad na ELCAC-Serbisyo Caravan ng 68th IBPA at NTF-ELCAC sa mga hulong sityo ng Barangay Pag-asa, Sablayan, Occidental Mindoro noong Nobyembre 16-18. Ipinangalandakan ng berdugong batalyon ang kanilang pagsisikap na abutin ang kahulu-huluan ng naturang baryo para maghatid diumano ng serbisyo at ilayo ang mga katutubong Alangan at Iraya sa “doktrina” ng CPP-NPA-NDFP.

Ang totoo, nagpunta doon ang mga pasistang sundalo para ipilit ang nais nitong mangyari—na lisanin ng mga katutubo ang hulo ng Upper Amnay River Watershed Region (UARWR) at nang makapagsimula na ng operasyon ang Mindoro Nickel Project (MNP). Ginagamit ng 68th IBPA at ng NTF-ELCAC ang mga inasukalang balang proyekto tulad ng pamamahagi ng mga alagang hayop, solar panel at inverter at feeding program. Kasabay nito ang panlalansi sa mga katutubo na hindi lamang iyon ang mararanasan nilang kaunlaran kapag pinayagan nilang minahin ang kanilang lupaing ninuno.

Nagpupumilit ang Intex Resources ASA (dating MINDEX) na masimulan na ang MNP nang ibalik ni Marcos Jr ang kontrata sa pagmimina (mineral production sharing agreement o MPSA) noong Oktubre 2024. Nagbigay tulak din ang naipanalong kaso at napahintulutan mismo ng Korte Suprema ang mining exploration ng Agusan Petroleum sa hangganan ng San Teodoro, Oriental Mindoro at Abra de Ilog, Occidental Mindoro, palatandaan na malinis na ang daan para sa operasyon ng mga mina sa isla.

Inabot ng serbisyo caravan ang mga sityo ng Alyanay, Tulaleng at Malangis na matatagpuan sa hulo ng Ibulo River, isa sa mga mayor na ilog ng Mag-asawang Tubig sa Naujan, Oriental Mindoro na saklaw ng MPSA ng Intex. Ang naturang ilog ay bahagi ng UARWR na nasa hangganan ng mga bayan ng Socorro, Victoria at Naujan sa Oriental Mindoro at ng bayan ng Sablayan sa Occidental Mindoro. Kaya nasa gitna ng watershed area ang target minahin ng grandyosong Mindoro Nickel Project.

Sa kabila ng tagumpay ng buong mamamayang Mindoreño na pigilan ang MNP noong 2002, hindi naglubay ang Intex Resources ASA sa ambisyon nitong dambungin ang likas-yaman ng Mindoro. Para mailusot ang aplikasyon sa DENR, gumamit ang Mindex ng iba’t ibang pangalan gaya ng Crew Minerals at Intex Resources Phils. Kalaunan, nalantad na rin ang Aglubang Mining Corp. bilang subsidyaryo ng Intex Resources ASA. Nitong 2015, nakipagsanib ang Intex Resources ASA ng Norway sa MCC8 Group Co. Ltd. at Jinchuan Group Co. Ltd. ng China.

Habang epektibo ang mining moratorium sa isla ng Mindoro, ginamit ng Intex na panabing ang mga proyektong “pangkaunlaran” para makumpleto ang mga rekisitos sa operasyon ng dambuhalang MNP. Pinondohan nito ang Sablayan-Victoria Mindoro Cross Island Road (MCIR) sa pamamagitan ng DPWH na sa ngayon ay halos nasa patapos nang yugto ng konstruksyon. Sinasabi lamang ng lokal na gubyerno na pagpapabilis at pagpapaalwan ito sa pagbyahe sa dalawang prubinsya pero alam na alam ng mga katutubo sa lugar na Mindex ang kumpanyang nagpopondo rito at paghahanda ito sa pagmimina. Bukod sa pagtatapos ng MCIR na dumugtong sa tulay ng Aglubang sa bahaging Naujan papuntang hulo ng Patrick River sa Sablayan, itinutulak rin ng gubyerno katuwang ang mga nasabing kumpanya na tayuan ng hydropowerplant ang hugpongan ng ilog ng Buraboy at Aglubang.

Sa mga lugar na ito, agresibong pinatupad ng Intex ang marahas na panggigipit sa mga katutubong patuloy na lumalaban sa MNP. Katuwang ang 203rd Infantry Brigade, ginawang regular na kampo-militar ng 76th IBPA ang dating CAFGU-CAA detatsment sa Sity Bato Creek, Barangay Villa Cerveza, Victoria. Pinakatan din ng isang yunit ng sundalo ang hulo ng Patrick River kung saan malapit nang tumagos ang konstruksyon ng kalsada. Mula nang ipinakat ang mga yunit na ito, walang habas na hinalihaw nito ang hulo ng Socorro-Victoria-Naujan at Sablayan para palayasin ang mga nakatira dito at pinagbantaan ang mga lider-katutubo na “pinapatay” ang mga maiingay o lumalabang lider. Simula pa noong 2023, sinasaklaw na ng mga operasyong kombat ang sityo Alyanay para takutin ang mga katutubong Alangan at pilitin silang lisanin na ang lugar, pumirma pabor sa mina at tanggapin ang alok na pabahay sa kapatagan ng Victoria, Oriental Mindoro.

Malinaw para sa mga katutubong Alangan at Iraya sa lugar na bahagi lamang ng maruruming taktika ng Intex ang mga ELCAC-Serbisyo Caravan. Kinakasapakat ng Intex di lamang ang mga pasistang sundalo kundi maging ang mga burukrata-kapitalista sa lokal at pambansang antas para lansihin ang mga katutubong Mangyan. Pinagkakaitan ng mga batayang serbisyo gaya ng ayuda at subsidyo ang mga katutubo sa erya hangga’t hindi sila pumipirma pabor sa mina. Naging kalakaran sa lugar na walang 4Ps at walang solar panel at inverter ang mga katutubong ayaw sa mina. May feeding program din ang gubyerno katuwang ang mga “pribadong kumpanya” ng “masasarap” na pagkain (pancit bihon na may karneng manok at minsan may ice cream pa) sa Sity Biakalan, Barangay Villa Cerveza. Imbitado lamang ang pumapabor sa mina sa layuning takamin ang mga katutubong tutol dito upang magbago ng kanilang tindig para lang makatikim ng masarap na pagkain.

Ang mga serbisyo caravan ng NTF-ELCAC at ng 203rd Bde-PNP MIMAROPA sa isla ng Mindoro ay nagpapakita lamang ng kanilang mahigpit na pagpapakatuta at pagpapagamit bilang protektor ng mga dambuhalang dayuhang kumpanya sa mina at enerhiya na walang ibang interes kundi dambungin at wasakin ang kalikasan ng isla ng Mindoro. Pinatutunayan nito na hindi kailanman magiging kakampi ng mga katutubong Mangyan at ng mamamayang Mindoreño ang mga sundalong nagiging instrumento sa pangangamkam ng lupaing ninuno at lupa ng mga setler at magsasaka.

Makatarungan lamang na sama-samang magbangon, kumilos at lumaban ang mga katutubong Mangyan, magsasaka at iba pang apektadong sektor upang ipagtanggol ang lupaing ninuno, likas na yaman at ang kabuhayan at kagalingan ng mga Mindoreño. Gamitin nila ang lahat ng daluyan ng pagkilos para mapatampok ang pagtutol sa mga proyektong pangkaunlaran na magsasadlak sa kanila sa higit na pagsasamantala at pang aapi. Makipagkaisa sila sa kapwa nila mahirap na mga uri at sektor upang malakas nilang labanan ang kutsabahan ng malalaking panginoong maylupa, burgesya komprador, matataas na opisyal ng gobyerno’t militar, at dayuhang monopolyo kapitalista. Ito ay laban ng mamamayang Mindoreño at ng buong sambayanan laban sa iilan na nasa tuktok ng kapangyarihan at siya ring may kontrol sa militar, pulis, mga korte at naglalabas ng mga batas at programang pabor sa kanilang interes.

Dapat na ilantad at labanan ang nagpapatuloy na rekrutment ng CAA at ng programang Special Enlistment, na naghihikayat ng pagsusundalo sa hanay ng mga katutubo na may maluwag na rekisito para magamit sila laban sa kapwa nila katutubo at magsilbing utusan ng mga kumpanya at galamay ng AFP-PNP sa hanay ng mamamayan. Hindi dapat magpasilaw sa alok na mataas na sweldo habang kapalit naman ang lupang ninuno at ang buong likas na yaman na dapat mapasakamay ng mamamayan. Isipin natin ang magpagamit sa mga sundalo at pulis ay katumbas na rin ng pagkakanulo natin sa interes ng buong tribu at sambayanan.

Nananawagan ang Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro sa mga katutubong Mangyan lalo na sa lugar na miminahin ng Intex na sa halip na magparekluta bilang CAFGU o kaya bilang special enlist dapat ninyong ilaan ang inyong lakas at husay sa pagtatanggol ng inyong karapatan sa lupaing ninuno, kabuhayan at sariling-pagpapasya!

At sa lahat ng mamamayang Mindoreno, magkapitbisig tayo, magkaisa upang isulong ang pambansa-demokratikong programa na siyang tanging sagot para malutas sa kahirapan ng masa, at magdadala sa bansa sa landas ng pag-unlad ng mas nakakararami. Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon at mag-ambag sa pagpapalakas ng armadong paglaban na pinangungunahan ng New People’s Army (NPA). Nanawagan ang LDGC-NPA Mindoro sa lahat ng nasa hustong gulang at handang mag-ambag ng kanilang lakas para sa bayan na sumampa sa NPA! Tanging sa pamamagitan lamang ng pagsusulong ng armadong pakikibaka maipagtatanggol ang ating isla laban sa malalaking lokal at dayuhang mandarambong at mangangamkam!

Source link