Sa araw ng State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr noong Hulyo 28, kinundena ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura ang tuluy-tuloy na ekspansyon ng mga plantasyong komersyal sa Mindanao at Negros habang pinanatiling busabos ang kalagayan ng mga manggagawa sa agrikultura. Nakatuon sa eksport ang produksyon ng mga plantasyon na ito at hindi sa pagpapalakas ng lokal na produksyon para sa pagkain.
Isa sa huling mga hakbang ng rehimen ang pagpapaupa ng Phividec sa 226.4 ektaryang lupa sa loob ng economic zone sa Misamis Oriental para sa “temporaryong gamit” ng Del Monte Phils (DMP) nitong Hulyo. Ang lupa sa ng Phividec ay nakakategorya sa gamit-industriyal at hindi pansaka kaya hindi ito isinailalim sa distribusyon. Ang mga lupang ito na nasa bayan ng Tagoloan at Villanueva ay matagal nang tiwangwang at animo’y naging ‘hostage” ng Phividec na ipinagkait sa mga magsasaka.
Pag-aari ng pamilyang Campos ang DMP na kumukontrol sa “pinakamalawak na plantasyon ng pinya sa mundo” na ngayon ay nasa 30,000 ektarya na,” ayon sa UMA. Nakalatag ang libu-libong ektaryang ito sa Bukidnon at Misamis Oriental, kung saan ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa agrikultura ay nasa ₱461/araw. Ang halagang ito ay 38% lamang sa kinakailangang minimum na nakabubuhay na sahod na ₱1,200.
Isa pang hakbang ng rehimen ang pagpapahintulot sa ekspansoyn ng Itochu Corp sa plantasyon nito ng saging sa Polomoloc, South Cotabato. Ang minimum na sahod dito ay ₱420, 35% lamang ng nakabubuhay na sahod.
Sa Negros, pinabulaanan ng UMA ang sinasabi ng Hacienda Asia Plantation Inc. (HAPI) na makalilikha ng 500 trabaho ang inilalatag na plantasyon oil palm ng pamilyang Consunji. Pasasahurin lamang ng ₱488/araw ang mga manggagawa sa plantasyon dito, at wala ring malinaw na probisyon ang kanilang mga kontrata para sa SSS, Philhealth at Pag-ibig. “Ni walang probisyon para mapanagot ang kumpanya para sa mga pinsala na may kaugnayan sa trabaho, pagkakasakit o pagkamatay,” ayon sa UMA.
Liban sa mga ito, nakatakda rin palawakin ang mga komersyal na plantasyon sa kape (SOCCSKSARGEN, Davao, BARMM); mangga (Pangasinan, Isabela, Pampanga, Cebu City, Zamboanga City); komersyal na kahoy, abaka at kawayan (Lanao del Sur, Western Visayas). Samantala, paliit nang paliit ang nailalaan para sa produksyon ng bigas, gulay at iba pang pagkain dulot ng malawakang kumbersyon ng lupa para sa real estate at engrande at maka-dayuhang imprastruktura.










