Digmang bayan laban sa batas militar ni Marcos sa kanayunan

Bahagi ng isang engrandeng kampanyang disimpormasyon at saywar ang sunud-sunod na deklarasyong “insurgency-free” sa nagdaang mga linggo ng mga upisyal ni Marcos at ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Layunin nitong lumikha ng huwad na larawang nalipol o malilipol na ang armadong paglaban ng sambayanang Pilipino at wala nang lakas na magtanggol laban sa mga pasista at mapagsamantalang naghaharing uri.

Napakalaking kabulastugan ang ipinagmamayabang ng AFP na “isang mahinang larangang gerilya” na lamang ang kinikilusan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Hungkag ang paulit-ulit nitong ipinangangalandakang sa “eksternal na banta” na ito magtutuon ng atensyon. Pinabubulaanan mismo ng AFP ang sarili nitong mga salita sa isinasagawa nitong walang-lubay na malakihang opensiba sa lahat ng sulok ng bansa. Bilyun-bilyong piso ang nilulustay ngayon ng AFP sa araw-araw na pagpapalipad ng mga helikopter, paghuhulog ng mga bomba, pagpapasabog ng kanyon, pagpapakain at pagpapasweldo sa libu-libong mga tropa nito, sa walang saysay na tangka nitong lipulin ang mga yunit gerilya ng BHB. Ang plano nitong “integrated territorial defense system” na malawakang pagrerekrut ng mga CAFGU ay patuloy na nakatuon sa militarisasyon ng mga baryo at komunidad.

Nililinlang ng mga deklarasyong ito ang publiko at tinatabingan ang paghahari ng batas militar ni Marcos sa kanayunan. Habang sinasabing “wala nang BHB,” ilampung libong tropa pa rin nito ang nasa kanayunan sa mga batalyong nakahimpil sa mga larangang gerilya at nakapwesto sa ilanlibong detatsment sa mga baryo at komunidad na naghahasik ng takot at terorismo laban sa taumbayan.

Sa kabila ng mga deklarasyong pampropaganda nito, umiiral ang batas militar sa mga interyor na barangay sa Ilocos Norte, Abra, Kalinga, Cagayan, Isabela, Bulacan, Aurora, Laguna, Quezon, Rizal, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Camarines Norte, Albay, Sorsogon, Masbate, Capiz, Aklan, Iloilo, Negros Occidental, Negros Oriental, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Bukidnon, Davao del Norte, Lanao del Norte, Saranggani, South Cotabato, at iba pang prubinsya.

Ang paghaharing militar at digmang pagsupil sa kanayunan ni Marcos at ng AFP ay kinatatangian ng walang habas na pagyurak sa mga demokratikong karapatan at paglabag sa mga internasyunal na makataong batas. Kinatatampukan ito ng okupasyon ng mga pwersang militar at paghahamlet sa ilanlibong barangay sa kanayunan, pagtatayo ng mga tsekpoynt at pagpapa-logbook, pagbabawal sa mga magsasaka na magtrabaho sa bukid, pagpataw ng karpyu, paglilimita sa pagbili ng bigas at pagkain, pagkontrol sa komersyo at iba pang hakbang na naghihigpit sa paggalaw ng mga tao.

Labis-labis ang poot ng taumbayan sa mga sundalong naghahari-harian at kumukontrol sa kanilang mga baryo. Madalas na ang mga pasistang sundalong ito ang pasimuno sa paggamit ng droga, pornograpiya at prostitusyon, at nagsisilbing masamang impluwensya sa mga kabataan sa mga komunidad. Madalas ang magdamagang inuman ng mga sundalo at ang walang pakundangang pagpapaputok ng mga baril kapag nalalasing. Sangkot ang mga sundalo ng AFP sa dumaraming insidente ng pang-aabuso at panggagahasa sa mga kababaihan, pati na panliligaw o pakikiapid sa mga may-asawa.

Sapilitan ang rekrutment para sa paramilitar na CAFGU, pagpapagiya sa mga sibilyan sa mga operasyong pangkombat, pwersahang pagpapatrabaho at pang-aalila ng mga sundalo sa taumbaryo para pagsilbihan ang kanilang mga detatsment tulad ng pagpapabakod, pagkuha ng panggatong, pag-iigib ng tubig pampaligo at iba pa.

Walang tigil ang pagbabahay-bahay, pagharas, “pagpapatawag sa kampo” sa mga magsasaka sa tabing ng “paglilinis ng pangalan” o “pagpapasurender.” Tuluy-tuloy na dumarami ang mga kaso ng pagdukot at ekstra-hudisyal na pamamaslang, mga masaker, hindi makatarungang pag-aaresto, pagtortyur sa mga sibilyan, at iba pa. Ipinupwesto ang mga kanyong howitzer malapit sa mga bahayan. Ang mga bombang inihuhulog mula sa ere ay inaasinta malapit sa mga komunidad at mga bukid na nagsasapeligro sa buhay at sumisira sa ari-arian at kabuhayan ng mga sibilyan.

Layunin ng mga deklarasyong “insurgency-free” at pagpapataw ng batas militar ang sirain ang loob ng taumbayan na lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kabuhayan. Pinakapakay ng paghahari-harian ng militar sa mga baryo at komunidad ay ang pagsilbihan ang amo nilang mga panginoong maylupa at mga burgesyang kumprador sa pang-aagaw ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka at mga katutubong mamamayan, at pagbibigay daan sa mga mapangwasak na operasyon ng pagmimina, mga plantasyon at mga proyektong pang-imprastruktura.

Milyun-milyon ang nagdurusa sa lahat ng uri ng pang-aapi sa ilalim ng gerang panunupil ng rehimeng Marcos. Dagdag pa, nagdurusa rin sila sa malubhang pagpapabaya ni Marcos sa kapakanan ng milyun-milyong nakaligtas sa mga kamakailang kalamidad. Lalo pa silang magdurusa sa susunod na taon dahil sa mga pagkakaltas ng badyet sa kalusugan at edukasyon, at pagtaas ng badyet para sa pasismo (kasama ang karagdagang badyet para sa mga sundalo at NTF-Elcac) at korapsyon (kasama ang napakalaking badyet para sa DPWH at mga maanomalyang proyektong pang-imprastruktura ni Marcos).

Ang labis na pang-aapi, panunupil at pagpapahirap sa masang Pilipino ng rehimeng US-Marcos ay lalong nagpapatibay sa kanilang determinasyon na makibaka para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at ipaglaban ang kanilang inaasam na katarungan, tunay na demokrasya at kalayaan. Sa paghahasik ng terorismo laban sa masang magsasaka at mga katutubo, itinuturo ni Marcos sa kanila na walang pinaka-epektibong paraan ng paglaban kundi ang humawak ng armas at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

Sa harap ng tumitinding pang-aapi at pagpapahirap, determinado ang masang Pilipino kasama ang BHB na lalong paigtingin ang digmang bayan. Determinado silang isulong ang armadong paglaban at maglunsad ng mga taktikal na opensiba, laluna laban sa pinakakinasusuklamang tropang pasista na responsable sa mga ekstra-hudisyal na pamamaslang, mga masaker at lahat ng uri ng terorismo. Sa ganitong paraan, kaakibat ang pagsusulong ng malalawak na pakikibakang masang anti-pasista at antipyudal, lubusang maipagtatanggol ang taumbayan at matutugunan ang kanilang lumalakas na panawagan para sa katarungan at pagwawakas sa batas militar sa kanilang mga lugar.

Kasabay ng paggunita sa nalalapit na anibersaryo ng Partido, pagtibayin natin ang ating kapasyahang ikalat ang apoy ng armadong paglaban upang tupukin ang pasistang paghahari at pag-alabin ang matagalang digmang bayan. Taglay ang di-natitinag na diwa ng pakikibaka at determinasyong lumaban, tiyak na hindi magugupo, bagkus ay susulong ang rebolusyonaryong armadong paglaban.