Kinundena ng mga estudyante at organisasyon sa Ateneo de Manila University (ADMU) ang pagpirma ng administrasyon ng unibersidad kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang “deklarasyon ng kooperasyon.” Pinangunahan ng grupong One Big Fight for Human Rights and Democracy (OBFHRD) ang pagbatikos sa kasunduang tinawag nitong labag sa mga prinsipyo ng demokrasya at akademikong kalayaan.
Ang kasunduan ay pinirmahan ng mga kinatawan ng AFP at ADMU noong Setyembre 19. Sinasabing itutulak sa balangkas ng kasunduan ang mga “inisyatiba para suportahan ang pagpapaunlad sa pamumuno at kakahayan sa loob ng militar.” Sinasabi ring magtutulungan ang dalawang institusyon “para itaguyod ang kayapaan at kaunlaran ng bansa.” Pangungunahan ang programa ng Office for Strategic Studies and Strategy Management ng AFP at ng Ateneo School of Government.
“Wala kaming tiwala sa kakahayan ng AFP na walang palya nitong itataguyod ang kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa,” ayon sa OBFHRD. Anang grupo, ang panghihimasok na ito ng militar sa ADMU ay malinaw na bahagi ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) ng rehimeng Marcos na mahigpit na kaugnay ng kampanyang kontra-insurhensya.
Ayon sa grupo, sa unang tingin ay tila wala itong idudulot na panganib ngunit ang mga implikasyon at kongkretong manipestasyon ng kopperasyon na ito para sa ‘kontra-insurhensya’ ay lubhang taliwas sa mga prinsipyo ng demokrasya at akademikong kalayaan, at sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga estudyante.
Mahipit na katuwang ng AFP sa pagpapatupad ng NAP-UPD ang National Task Force-Elcac. “[Ang NTF-Elcac] ay mayroong mahabang rekord ng paglabag sa karapatang-tao ng mga sibilyan, mula sa red-tagging, pagmamanman, pisikal at verbal na panghaharas, pag-atake, iligal na pag-aresto, sapilitang pagwala, at ekstra-hudisyal na pampulitikang pagpaslang,” ayon sa OBFHRD.
Bantog ang AFP at NTF-Elcac sa pang-re-red-tag sa mga sektoral na oranisasyong masa tuwing naglulunsad ito ng mga “porum sa kontra-terorismo” sa loob ng mga unibersidad at eskwelahan. “Lumilikha ito ng mapang-api at mapanupil na epekto sa aktibista at malayang pagpapahayag,” anang grupo.
Sa Ateneo System mismo, naganap na ang ilang serye ng mga aktibidad ng militar at NTF-Elcac kung saan ni-Red-tag nito ang mga progresibong organisasyon. Liban dito, kinakasangkapan ng AFP at NTF-Elcac ang mga “tulungan” na ito sa Ateneo System para sa normalisasyon ng presensyang militar sa mga kampus.
Ilan sa mga kasong ito ang pagdadala ng AFP sa mga estudyante ng Ateneo Senior High School sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal para sa isang “field trip” noong Enero 2024. Nariyan rin ang mga kaso ng paglulunsad ng porum ng NTF-Elcac at mga bayarang “dating rebelde” sa Ateneo de Davao University noong Oktubre 2024 at muli noong Setyembre.
Ayon sa OBFHRD, ang mga kaso na ito ng red-tagging at panghaharas ng AFP ay tahasang atake sa akademikong kalayaan at demokratikong karapatan para sa malayang pagpapahayag. “Patunay ang mga ito ng katotohanan na ang panghihimasok ng AFP sa mga institusyong pang-akademiko ay nagsisilbi lamang para patahimikin ang mga kabataan at akademiko, pahinain ang kritikal na diskurso sa pulitika, at paghati-hatiin ang mga myembro ng Unibersidad,” ayon sa grupo.
Sa harap ng mga panganib na ito, nanawagan ang grupo sa administrasyon ng ADMU na kumalas sa deklarasyon ng kooperasyon sa AFP. Hinikayat ng OBFHRD ang mga konseho ng mag-aaral at iba pang organisasyaon na makiisa sa kanilang paninindigan at labanan ang panghihimasok ng AFP sa kampus.










